TITLE: Ninja Moves na Panlaban kay Judith
TOPIC: EP: Ayan na si Due Date
BY:Kachuuumiiieee
Pasukan na, makikita mo nanaman si Judith. Sino si Judith? 'Yong kapitbahay mo? 'Yong tindera sa canteen? 'Yong crush mo? 'Yong teacher mong masungit? 'Yong pasikat na presidente ninyo sa silid-aralan? 'Yong famous bully? Sino ba si Judith?!
Si Judith ay ang nag-iisang best friend nating lahat pagdating sa eskuwelahan, sa trabaho, o kung saan mang larangan tayo naka-sentro. Si Judith ay ang kinatatakutan natin, pero siya rin ang nagdi-disiplina sa atin. Siya lang din naman ang dahilan para ma-stress tayo sa buhay-buhay natin. Siya rin ang dahilan kung bakit madalas kang pagalitan ng iyong guro.
Si Judith o mas kilala sa tawag na Due Date, ay isang bagay na hindi matatakasan nino man. Ngunit, maraming paraan upang maiwasan ang pag-cram at pagiging procrastinator.
Isa sa mga paraan na 'yan ay ang maagang paggawa ng mga kinakailangan. Sa oras na sinabi ng iyong guro ang iyong proyekto o gawaing bahay, gawin agad ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi ka naman masyadong abala, gawin mo na ito nang maaga nang hindi ka matambakan ng trabaho upang sa araw bago ng pasahan, wala ka nang ibang iniintindi pa at relaxed ka na lang. Isa pa, pangit ang resulta ng isang trabaho kung madalian itong gagawin.
Pangalawa, kung isa itong group work, huwag mong akuin ang lahat ng trabaho. Kaya kayo ginawang grupo ay upang magtulungan sa ideya, paggawa, at pagsasaliksik, hindi 'yong puro ikaw ang gagawa ng lahat trabaho. Talagang mahihirapan ka kung iyon ang iyong gagawin.
Pangatlo, humingi ng tulong sa nakatatanda (kung kinakailangan). Kung hindi mo na talaga kayang tapusin o ituloy ang iyong ginagawa at hindi na talaga kasya sa oras na ibinigay, mas makabubuting humingi ng tulong sa mas nakatatanda.
Pang-apat, matutong dumiskarte. Diskarte o Ninja moves na matatawag, 'yan ang iyong kailangan. Huwag pairalin ang pagkalito at pag-aalala, mag-isip ng mabisang ideya upang masolusyunan agad ang problema.
Panglima, huwag mataranta. Huwag kang mataranta sa oras dahil kapag nataranta ka na, magkakandaloko-loko ang iyong ginagawa. Matutong kumalma- isa ito sa pinaka-epektibong paraan para malagpasan ang problema at makaisip ng magandang ideya.
Ilan lamang 'yan sa mga tips para maiwasan ang cramming sa due date. Ang punto lamang ng buong sanaysay na ito ay iwasan at bawas-bawasan ang pagiging tamad.
BINABASA MO ANG
WATTMAG: June 2015 UNVEILING THE NEW GENERATION
RandomWattMag_Ph June 2015: Unveiling the New Generation