Topic: Estudyante Problems: Ang honorees at mga ugali nila
Title: Gising Na!
Author: emtimony
Katalinuhan. Karangalan. Kasikatan.
'Yong pakiramdam na ang taas ng kuha mo sa exam. 'Yong pakiramdam na nangunguna ka. 'Yong pakiramdam na sikat ka sa paaralan.
'Yong pakiramdam na ang galing-galing mo. 'Yong pakiramdam na akala mo ikaw na ang the best. 'Yong pakiramdam na araw-araw kaarawan mo.
'Yong pakiramdam na dapat mang-apak ng tao. 'Yong pakiramdam na dapat magyabang. 'Yong pakiramdam na dapat makipag-plastikan.
'Yong pakiramdam na habang tumatagal, nagiging ipokrita ka na.
Hindi naman sa nilalahat ko, pero karaniwan kasi, gan'yan ang ugali ng honorees sa bawat eskuwelahan. Kung ikaw naman ay isang napapabilng sa top list at hindi ka sang-ayon sa mga nasa taas, ang plastic mo. Imposibleng hindi ka nakakaramdam ng gan'yan.
Nakapagtapos ako ng highschool nitong 2015 na top eight out of 240 plus students. Nasa line of 9 lahat ng marka ko. 94.70 ang average ko. Proud ako sa sarili ko kasi maganda ang record ko. Ang Valedictorian naman namin ay mga nasa 97 point something ang nakuhang marka. Malayong malayo sa marka ko.
Teka, ano bang ipinupunto ko rito?
Dalawa lang siguro ang genuine sa aming sampu, pero ang mga genuine na iyon ay may maliliit ding sikreto.
'Yong Valedictorian namin ay kasama ko sa mga kalokohan, lalo na sa academic threats. Ang Top 11 kasi namin ay biglang tumaas ang marka na halos malagpasan na niya ang marka ni Valedictorian noong 3rd Grading. Hindi kami sumang-ayon doon. Teka lang ulit, hindi kami insecure. Hindi niyo naman kasi alam ang buong kwento kaya't ikukwento ko na.
3rd Grading nga noon at kada biyernes, may simulation kami para sa paghahanda sa darating na National Achievement Test. Noong simulation 1 hanggang 2, wala kaming reviewer. Mano-mano ang paghahanap ng key points sa libro.
Noong lumabas na ang results, laging rank 1 si Valedictorian, samantalang ako naman ay laging 6 o kaya 7. Si Top 11, hindi nakapasok sa top scorers.
Dumating ang simulations 3, 4, at 5. May reviewer na kami at ang reviewer na 'yon daw ang mismong nakalagay sa exam. Naging rank 1 si top 11, at rank 2 lang si Valedictorian.
Naghinala kami na isinaulo ni 11 ang reviewer kasi iyon nga rin ang laman, e. Ang wais. Napatunayan namin 'yon nang lumabas na ang resulta ng simulations 6 at 7 kasi wala nang mga reviewer no'n. Ibig sabihin, umaasa lang siya sa mga reviewer na ibinigay sa amin.
Hindi na nag-rank 1 pa si top 11.
Hindi ba't ang pangit tignan kung mi-ne-morize mo lang, pero hindi mo naman inintindi? Parang walang kwenta rin ang inaral mo kung gan'yan ang iyong ginawa. Mas maigi kung ina-apply mo ito sa totoong buhay. Mas maigi kung hinahayaan mong higupin ang impormasyon ng utak mo. Mas maigi kung iniintindi mo. Hindi iyong saulo ka lang nang saulo pero wala ka namang naiintindihan. Hindi patas ang laban kung gano'n.
Tumungo tayo sa iba pa. Kopyahan.
Aminado akong nangongopya ako lalo na kapag takdang-aralin kasi minsan hindi ako nakakagawa. Pero may isa akong kaklase, kasali sa Top 20, ginawaran ng Moral Excellence kasi ang bait daw.
Lingid sa kaalaman ng mga guro namin na nagpapakopya at nangongopya siya t'wing periodical exam. Hindi siya karapat-dapat sa karangalang iyon. Nangopya siya, e.
Kaming natira naman, hindi nagkokopyahan 'pag periodical na. Tanungan lang kung anong formula sa ganito o kaya kapag may malabong question na kailangan linawin, lalo na sa mga tanong na wala ang sagot sa mga pagpipilian.
Hindi niya talaga deserve ang Moral Excellence Award.
Isa pang isyu. Kayabangan.
Aminado rin akong mayabang ako. Kapag kasi may recitation sa Matematika, kahit hindi ako nagtataas ng kamay, ako lagi ang tinatawag. Magaling daw kasi ako sa Math sabi ng guro ko. Hindi ko itatanggi iyon. Nagpapakatotoo lang ako.
Pero ang pagpapakatotoo pa lang 'yon ay mauuwi sa pagtawag sa akin ng mayabang. Kaya sa huli, pinanindigan ko na lang. Niyabangan ko ang mga kaklase ko. May maipagmamayabang naman kasi ako. Nakasali ako ng mga kompetisyong pang-akademiya at iba pa.
May isa pa akong kwento. Alyansa.
Alam niyo kasi, hindi lang basta pag-aaral at extracurricular ang labanan sa top list. Dapat marunong ka ring magpaka-plastik at magsinungaling. Dapat magaling kang sumipsip sa guro. Mga gano'n.
Ako, si Valedictorian, si 2nd honorable mention, si Top 6, at si Top 13 ay magka-alyansa. Plano naming patumbahin ang mga kalaban. Tapos ang mga kalaban namin, s'yempre magkakakampi.
Tapos may sekretong alyansa pa ako kay Salutatorian kasi matagal na kaming magka-klase. Hinihikayat niya akong mag-aral nang mabuti dahil ang tamad ko raw.
Si Salutatorian kasi ang isa sa mga sinasabi kong genuine ang talino. Ang isa pa ay si Valedictorian, medyo palyado lang kapag isinama ang ugali.
Marami pa akong kwento, pero magiging one shot na ito kapag tinuloy ko pa.
If you want to earn a spot, dapat ay competitive at palaban ka. Hindi iyong hahayaan mong matapakan ka ng iba. Kapag mahina ang loob mo, talo ka na.
Ang rank kasi ay parang VIP seats sa isang konsiyerto. Malapit ka sa mga bida. Sikat ka rin kapag VIP ka. Pero ano bang pagpapatawa 'to? Disenyo lang talaga ang rankrank na iyan.
Hindi naman kasi made-define ng marka mo kung anong klaseng tao ka. Sadyang competitive lang talaga ang mga estudyante sa Creme Section o kung ano pa man ang tawag d'yan dahil na rin sa pressure. Pressure sa magulang kasi mag-e-expect sila sa 'yo. Pressure din sa mga staff ng paralan kasi dapat mapatunayan mong karapat-dapat ka sa klaseng iyon.
Nagiging masama lang kasi sumobra na. Nagiging pangit tingnan kasi desperado ka na. Tapos habang tumatagal, magiging ipokrita ka na rin. Pepekein mo na rin ang damdamin mo.
Isang araw na lang, mapapagtanto mo na ang dating ikaw ay ibang iba na sa ngayon. 'Yong dating masaya na sa pasang-awa, perfect na ang gusto ngayon. 'Yong dating walang pakialam sa mundo, gusto niyang siya lang ang pinakamagaling ngayon.
Gumising ka na! Tama na ang pagpapaka-plastik. Tumigil ka na sa pagkagahaman. Hindi uunlad ang bansa kung sa sarili pa lang natin, corrupted at selfish na.
Lahat kami naging peke. Lahat kami ginustong kami lang dapat ang magaling. Lahat kami ginustong sumikat.
Noon 'yon. 'Naging'. Past tense. Napagtanto kasi naming back-to-zero na dahil tutuntong na kami sa kolehiyo. Gagamitin na lang namin ang aming mga natutunan kapag pasukan na. Iyon nga lang, mas malaking mundo na ito ngayon.
Bigla ko tuloy na-miss ang classmates ko.
BINABASA MO ANG
WATTMAG: June 2015 UNVEILING THE NEW GENERATION
RandomWattMag_Ph June 2015: Unveiling the New Generation