My Teacher, My Terror
Topic: Ano ang dapat gawin sa terror na teacher?
Written by: forfatter
A true teacher does not terrorize ignorant students; because a true teacher knows that it is his job to cure ignorance. - Sen. Miriam Defensor Santiago
Ano ba ang terror na teacher? Siya ba 'yong laging nakasimangot, makapal ang make-up at higit sa lahat may suot na salamin? Siya ba 'yong laging sumisigaw kapag galit? Siya ba 'yong nagtatapon ng notebook sa bintana kapag nalaman niyang hindi ka gumawa ng assignment? Pinapatayo ka ba niya sa klase kung hindi ka nakasagot sa recitation? Siya ba 'yong laging nagbabanta na papaluin kayo ng stick sa oras na mag-ingay kayo? Siya ba 'yong laging nagbibigay ng assignment o project at biglang magpapa-oral recitation? Siya ba 'yung teacher na mahirap magpapirma ng clearance? Hindi ka ba niya pinapapasok sa room kapag late ka na? Lagi ka bang kinakabahan tuwing nagsesermon siya sa harap ng klase?
Alam kong marami ka pang deskripsyon kung ano ba ang terror na teacher pero isa lang ang alam kong pagkakasunduan natin, siya 'yong teacher na ayaw natin pasukan. Minsan sinusumpa mo siya dahil pinapahirapan niya ang buhay mo. Dumarating pa ang oras na gusto mo na siyang ireklamo. Ito lang ang masasabi ko, ngayong graduate na ako sa kolehiyo, siya ang teacher na balang araw pasasalamatan mo.
Wala namang intensyon ang isang teacher na saktan ka dahil sa karampot nilang sweldo wala silang pambayad sa abogado kung makakasuhan sila. Minsan may ilang guro na dahil sa problema nila sa pamilya at sa personal nilang buhay napagbubuntungan nila ng galit ang mga estudyante. Dapat natin intindihin na tao din sila at may pinagdadaanan sa buhay.
Sa maliit nilang sweldo pumapasok pa rin ang mga guro para maturuan ang mga pag-asa ng bayan katulad mo. Nagiging terror sila dahil gusto nilang matuto ka. Kung lagi siyang nagbibigay ng assignment o project gusto lang niyang may ginagawa kang kabuluhan kahit nasa bahay ka. Kung bigla siyang magpa-recitation o magpa-quiz gusto lang niyang malaman kung nag-aral o kung may natutunan ka. Kung itinatapon niya sa bintana ang notebook mo dahil hindi ka gumawa ng assignment nangangahulugan lang 'yon na ipinapaalala niya sa 'yo na dapat gawin mo ang responsibilidad mo bilang estudyante.
Laging pinapaalala ng iyong guro na ikaw ang gumagawa ng grade mo at taga-record lang sila. Hindi lahat ng kaalaman ay isusubo nila sa iyo. Dapat ikaw mismo, bilang estudyante, alam mo ang iyong responsibilidad. Ito ang gustong ituro ng mga terror na teacher, dinidisiplina ka nila hindi lang para tumaas ang iyong marka kundi para na rin mismo sa iyong pagkatao.
Kaya sa darating na pasukan ito ang mapapayo ko sa mga estudyanteng katulad mo, huwag kang matakot sa terror na teacher. Ipakita mo sa kanya na kaya mong harapin at gawin ang mga assignment, project, oral recitation at quizna binabato niya sa iyo. Huwag mo siyang labanan, sa halip ay makinig ka sa mga sermon niya kahit na paulit-ulit na lang ito. Tanggapin mo ang mga parusang ibibigay niya sa 'yo lalo na kung alam mong kasalanan mo naman kung bakit ka niya paparusahan.
Basta huwag kang matakot sa kanya, gawin mo lang ang pinapagawa niya at huwag kang lumiban sa klase niya. Malay mo dumating ang araw na makasundo mo siya at maging kaibigan. Doon mo na makikita ang tunay niyang pagkatao na hindi killjoy, marunong magbiro at mapagmahal sa pamilya.
Sa kabuuan ng artikulong ito, ito lang ang masasabi ko: walang terror na teacher sa masipag na estudyante.
BINABASA MO ANG
WATTMAG: June 2015 UNVEILING THE NEW GENERATION
RandomWattMag_Ph June 2015: Unveiling the New Generation