"Kahit paano, nakakatuwa rin pala ang magpunta sa selebrasyon ng piyesta ng bakunawa," pahayag ni Charito. Bitbit niya ang isang basket na puno ng pagkain na nakuha niya mula sa handaan. Naroon ang samu't saring ulam at mga kakanin na ibibigay niya sa kapatid. "May nauwi pa ako para kay Kuya."
"Sobrang thoughtful mo," pagpuri ni Pablo sapagkat kahit ipinagkanulo man ng kadugo, inaalala pa rin ito ng dalaga. Hindi nakadalo si Joaquin sa piyesta kaya naisip na nitong dalawin at dalhan pa ng makakain. "Naalala ko ang ate ko sa iyo. Natatandaan ko noon, kahit kung minsan ay sinusungitan niya ako at nagkakatampuhan pa, hindi rin naman niya ako matiis."
"Kasi po, kahit may hindi man pagkakaunawaan, ang kapatid ay kapatid pa rin," malamlam ang mga matang deklarasyon ni Charito. Aminadong nasaktan man sa nagawang pagtatraydor ng kapamilya, hindi pa rin niya kayang isawalang-bahala ang naging mabuting samahan nila noon. "Pinagdadasal ko na sana, magising na siya sa katotohanan na wala talagang malasakit ang bakunawa sa amin at mali ang pag-aalay ng mga babae. Umaasa pa rin po ako na magbabago siya."
"Pareho tayo ng panalangin" pagsang-ayon naman ng pari. "Kaisa-isa mo lang siya na kapatid kaya sana, magkasundo kayo. Hindi naman sa kontra ako sa ginagawa mo pero huwag ka pa rin masyadong tiwala, neh? Mag-iingat ka kasi muntik ka na niyang napahamak."
Tumango-tango si Charito sapagkat naiintindihan naman niya ang pag-aalala ni Pablo dahil muntikang nasaktan pa siya sa nagawang pagtatraydor ni Joaquin.
"Mabuti ka pa po, may genuine concern sa akin," nakangiting pahayag niya sa hinahangaang lalaki na may lihim na siyang pagtingin. "Sana, pagkatapos natin na makatakas dito sa sitio, hindi mo pa rin ako pababayaan."
"Siyempre naman, matitiis ba kita?Parang 'kuya' mo na ako kaya huwag kang mag-alala," paniniguro nito na hindi iiwanan sa ere ang dalaga na tinuturing na niyang nakababatang kapatid. "Pagkabalik sa San Nicolas, pagpaplanuhin na natin kung paano ka makakapag-aral. Step by step, tutulungan ka namin ni Sister Mary Joy na maging strong and independent."
"Kuya..." umalingawngaw ang salitang binitiwan sa kanya ni Pablo.
"Hanggang doon na lang ba?" walang imik na pagtatanong niya habang pinagmamasdan ang pari na tinatanggal ang nakaharang na mga sanga upang malinis ang kanyang dadaanan.
Naging malungkot ang ekspresyon niya sapagkat napagtanto niya na parang kapatid nga lang talaga ang tingin nito sa kanya. Dahil sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi na niya napansin na may dumi pala ng kalabaw sa harapan. Naramdaman na lang niya na may malambot at mamasa-masang bagay na dumampi sa kanyang talampakan.
"Ilagan mo pala 'yun ta* ng kalabaw," pagbibigay ni Pablo ng babala subalit nahuli na pala siya. Paglingon ay sumakto na nabaon na ang bakya ni Charito sa gabundok na dumi.
"Ay!" napatili na lang ang ang pinagsabihan nang makita ang kamalasang natamo. Akmang aatras sana siya mula roon subalit tila ba pinaparusahan siya ng mga hayop sa bukirin sa pag-aasam ng isang pari. Paghakbang ay may ta* naman ng baka kaya nadulas na siya. Napapikit na lang siya upang tanggapin ang hatol ng kalikasan pero imbis na mabahong elemento ang kasasadlakan, mabangong nilalang pala ang kababagsakan.
Ramdam niya ang pagtama ng kanyang katawan sa dibdib ni Pablo. Pagkapa ay nadama pa niya na firm ang muscle nito kaya napabitiw din naman siya kaagad sapagkat para sa kanya ay sobrang pagkakasala na ang paghipo sa Alagad ng Simbahan. Marahan man ang pagkakahawak sa kanya upang hindi tuluyang matumba, alam niya na malakas ang mga brasong umaalalay sa kanya. Kinabahan man sa muntikang pagkaaksidente, kakatwa man ay nasiyahan pa siya sa 'di inaasahang pangyayari.
"Nakakatukso ka talaga!" hiyaw ng kanyang isipan habang pilit na nilalabanan ang pagkaakit muli kay Pablo. Sinamantala pa niya ang pagkakataon upang masinghot ang nakakahumaling na samyo nito. "Amoy pa nga lang, kalahati ng katawan ko ay nahahatak na sa impiyerno! Ay, ang bad ko!"
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...