Case Number 7: Bakunawa (Part 7)

23 1 0
                                    

"Ang cute mo naman," pagpuri ni Pablo sa sanggol na kung kanina ay walang tigil sa pag-iyak, ngayon ay tumatawa na. "Namana mo ang smile mo kay Mildred, may dimples!"

Napangiti ang ina ng bata dahil sa narinig na compliment. Masaya rin siya sapagkat sumigla na ang supling at hindi na masyadong nagdudumi ng tubig. Dahil sa mga gamot na pinainom anim na oras na ang nakalilipas, unti-unti nang bumubuti ang kalagayan nito. Puyat man sila sa pagbabantay at pag-aalaga, sulit naman sapagkat maganda ang kinalabasan.

"'Yun kulit, hulaan mo kung kanino mo namana?" pagbibiro naman niya sa kargang musmos na mataimtim ang pagtitig sa kanya. Isang malutong at matinis na halakhak lamang ang naging tugon nito sa kanya.

"Kay Tita Charito!" sinagot niya kaya mas lumakas ang pagtawa nito.

"Ako na naman ang nakita mo?" nakataas ang isang kilay na ginanti naman ng tinuran sa kanya. "Akala ko pa naman, sasabihin mo na sa akin namana 'yun pretty eyes!"

Nagpakurap-kurap pa si Charito upang ipakita kung gaano kaganda ang kanyang mga mata. Kasabay na rin ng akto niya ay ang pagpapa-cute sa lalaking hinahangaan. Subalit, imbis na pagpuri ang matatanggap ay pang-aasar pa pala.

"Hindi man," pailing-iling na pagkontra nito kaya nainis pa siya. "Lapitan mo naman ang comparison kay baby. Kasinglayo naman ng Amerika ang sinabi mo."

"Ang pangit mong kausap!" pagmamaktol na ng binibiro. Napahalukipkip pa siya sapagkat akala niya ay sinasadya siyang inisin nito. Naisip pa niya na baka nagdamdam ito noong tinanong patungkol sa posibilidad na lalabas sa pagkapari kaya nagiging malamig na ang pakikitungo nito sa kanya.

"Maganda ang eyes mo pero mas kuha ni baby 'yun cheeks mo," nakangiting pag-appreciate naman ni Pablo kaya biglang naglaho ang pagtatampo niya. "Kapag lumaki siya, siguradong baby face rin katulad mo. Parang angel!"

Napahawak sa mga pisngi si Charito sapagkat hindi na niya napigil ang sarili na kiligin. Ang sabi rin ng mga kamag-anak, ang rosy cheeks niya na sakto ang katambukan daw ang asset niya. Dahil doon, magmumukha nga siyang kerubin na katulad ng mga nakalililok sa Simbahan na may imaheng mga bata.

"Para akong nasa alapaap," tuwang-tuwa na pahayag niya. "At ikaw naman ang warrior angel of my life!"

"Match na match tayo, pang-heaven!" pambobola pa ng binata kaya naalibadbaran na si Joaquin sa suyuan ng dalawa na alam niyang peke.

"'Yun eyes, mas mana naman kay Joaquin," deklarasyon na ni Pablo upang kunin ang pansin nito, ang ama ng batang karga. "Maamo, parang santo..."

Laking pagtataka niya nang bigla siyang tinignan nang masama nito. Ang sa kanya lang naman ay nais niya itong isama sa usapan lalo na at maligaya sila sa pag-ayos ng kalagayan ng sanggol. Kanina pa niya napapansin na tahimik ito at tila ba may hinanakit sa kanya. Naisip lang niya na marahil, napagod ito sa biyahe kaya dapat din niyang timplahin ang sumpong.

"Alam mo ba, si tatay mo ang bumili ng gamot?" panunuyo pa niya sa bata upang i-acknowledge ang effort ng ama nito. Marahan niyang kinaway-kaway ang kanang kamay ng sanggol at nagsalita gamit ang maliit na boses. "Thank you, Itay! You're the best!"

Imbis na matuwa ay padabog na tumayo na ang kuya ni Charito. Pakiramdam kasi nito ay maging ang sariling supling ay minamanipula rin ni Pablo upang mapasunod sa nais.

"Matutulog na ang anak ko!" pigil sa galit na pinagsabihan siya nito kasabay ng pang-aagaw sa hawak na sanggol. "Baka mabinat pa kasi pinaglalaro mo pa!"

"OK, sorry na," sinabi na lang niya upang iwasan na sanang mas mainis sa kanya si Joaquin. Napagtanto niya na mag-a-alas-kwatro na nga naman ng madaling-araw kaya marahil, pagod na rin ang mag-asawa at baka nakukulitan na sa kanya.

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon