Case Number 7: Bakunawa (Part 10)

26 2 0
                                    

Dinig mula sa kubo ang maligayang kuwentuhan ng mag-anak na kahit biniyayaan sa kayamanan ay simple pa rin ang pamumuhay. Langhap din ang nilutong sinigang na hipon at bangus ng maybahay na si Tala upang pagsaluhan nila.

"Katakam-takam naman 'yan," pagpuri ng kabiyak niyang si Amari, na hinahain naman sa mesa ang sinaing na kanin. "Amoy pa lang, masarap na!"

"Mabuti nga at nakita ko kanina na naglalako ng kalakal 'yun taga-kabilang isla," maligayang paglalahad naman ni Tala habang hinahalo ang sabaw. "Nakipagpalit siya sa akin ng bigas kaya ayan, masarap ang ating tanghalian!"

Pagkatikim ng ulam ay napangiti siya sapagkat sumakto ang lasa ng linamnam at asim sa putahe. May pagmamalaking binitbit na niya ang umuusok na palayok at pinatong sa hapag-kainan.

"Kain na!"

Sabik na nagsikuha ng kanin at ulam ang buong pamilya. Pagkatapos pagsaluhan ang pagkain ay nanatili muna sila roon upang magkuwentuhan. Nakagawian na nila ang ganoon sapagkat nais nilang mapanatili na walang nililihim ang bawat isa at malayang nakapagpapahayag ng mga saloobin.

"Kumusta naman ang pag-aaral niyo?" pag-uusisa ni Amari sa dalawang anak na kasalukuyang pumapasok sa munting eskwelahan ni Apong Usman. "Marami ba kayong natututunan?"

"Naku! 'Tay, si Ate iba ang natututunan!" may pagkapilyang pagsusumbong na ng bunsong si Ningning, dahilan upang kurutin siya sa tagiliran ng kapatid.

"Aray!" pagrereklamo nito nang sawayin ni Kislap. "Itay, o!"

"Manahimik ka nga," nakasimangot na pinagsabihan siya ng ate sapagkat paniguradong mapagsasabihan siya ng ama kapag isinawalat ng kapatid na may manliligaw na. "Napakadaldal mo!"

"Ano ang nais mong sabihin?" pagsingit na ni Amari sa kulitan ng magkapatid. "May nililihim ba kayo sa akin?"

"Wala, Itay," umiiwas ang tingin na pagtanggi ng panganay. "Anu-ano lang ang nasasagap na balita ni Ningning-"

"May nanliligaw kay Ate!" paglalantad na ng bunso bago pa man makapagpalusot ang nakatatanda. "Nakita ko po, kausap pa niya sa ilalim ng puno!"

Napabuntong-hininga na lang si Amari sapagkat ito ang panahon na kinatatakutan niyang dumating. Hindi malayong may makapansin nga sa kanyang mga anak dahil sa kagandahang taglay ng mga ito. Labing-apat na taon na ang panganay na si Kislap at labindalawa naman si Ningning kaya mas iniingatan na niya ang mga ito sa mga lalaking nais manligaw.

Naiintindihan niya na tatanda sila at magkakaroon ng kanya-kanyang mga pamilya pero nais muna sana niyang maranasan nila kung paano ang maging bata at mangarap para sa sarili. Sa nakagawian kasi sa kanilang lugar, magkaroon lang ng unang regla ang mga babae ay pinagkakasundo nang mapaikasal. Siya naman ay mataas ang pangarap para sa mga anak kaya pinagsasabihan sila na maghintay muna sa karapat-dapat na lalaki.

"Bawal muna ang magpaligaw," seryosong pangangaral niya kay Kislap. "Sa ngayon, ituon mo ang atensyon sa pag-aaral at pagtulong sa pangkabuhayan natin. Sa inyo rin namin ipapamana ang lahat ng ito kaya hangga't bata pa kayo, mainam na matutunan na niyo ang pasikot-sikot nito."

"Opo, naiintindihan ko," pagsang-ayon naman ni Kislap na mataas ang respeto sa butihing ama. "Totoo po na may nanliligaw pero tinanggihan ko naman. Huwag po sana kayong magalit..."

Tumangu-tango si Amari bilang pahiwatig na wala naman siyang sama ng loob. 'Di nagtagal ay napalitan na ang seryosong eksena ng biruan at tawanan.

"Mukhang tatanda silang dalaga," pagbibiro na ni Tala sa asawa na mukhang walang balak nga na ipaubaya sa ibang lalaki ang mga anak. "Baka takutin mo pa 'yun mga manliligaw!"

Nagsihagikgikan sina Kislap at Ningning sa sinabi ng ina. Maging si Amari ay napatawa na rin sapagkat ayaw man niyang maging mahigpit ay lumalabas ang pag-uugali niyang iyon kapag ligawan na ang pinag-usapan.

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon