Binuhos ni Pablo ang pinakulong tubig sa latang timba. Pagkatapos ay bumalik siya sa balon upang mag-igib nang ihahalo roon. Nang mapuno na ang lagayan, sinalat niya iyon kung tama ba ang ligamgam upang hindi mapaso ang inaalagaan.
"Charito," pagtawag niya nang maihanda na ang gagamiting pampaligo ng dalaga. "Ready na!"
Lumapit na ang dalaga na may dala-dalang tuwalya, damit at sabon. Puno ng pagsuyong tinitigan niya ang lalaking kahit magdamagan pa lang niya nakakasama, pakiramdam niya ay busog na siya sa aruga.
Na-imagine pa niya na marahil, mas malambing at maalaga ang kasama kung tunay nga silang magkabiyak. Ngayon kasi ay kapansin-pansin na umiiwas itong magkalapit sila lalo na kung silang dalawa lang ang na nasa lugar. Maging ang paghawak nito ay limitado lang sa kamay at balikat, bilang pahiwatig na wala itong intensyon na bastusin siya. Dahil likas na maalalahanin, sa bawat sandali na magkasama sila ay mas nahuhulog ang loob niya rito.
"Maligo ka na bago pa lumamig ang tubig," panuto ng binata habang lumalabas na ng banyo. "Pagkatapos natin dito, papalitan na natin ang benda sa sugat mo, neh?"
"Salamat," may ningning sa mga mata na sinambit ng nagpapanggap na asawa. "Nakakahiya naman, kailangan mo pa akong ipangkuha bg tubig."
"Wala 'yun," paniniguro naman ng kausap. "Kapag OK ka na, pakitawag ako para ako naman ang maliligo."
Mula sa sala ay pinagmamasdan na pala sila ng ina ni Narcing na si Apong Ines. Hindi lang pala si Aling Sally ang nagdududa sa relasyon ng dalawa, maging ang lola ni Charito. Hindi nakawala sa paningin nito ang kilos ng binata na ingat na ingat sa paghawak sa apo na parang kapatid lang ang pagtrato.
Tumayo na siya upang makiusyoso sa pinag-uusapan ng huwad na mag-asawa. Tinitigan pa niya mula ulo hanggang paa ang dayo na sa tingin niya ay nakakaduda na ang sobrang pagkamaginoo sa kabiyak.
"Bakit hindi na lang kayo sabay na maligo?" suhestiyon na niya.
"Ha?" halos sabay na napabulalas ng dalawa.
"Para makatipid ng uling at tubig," nakangising panukala ng matandang babae. "Huwag niyong sabihin na nagkakahiyaan pa kayo!'
Nagkatinginan sina Charito at Pablo na parehong nagtatanong. Tahimik man ay nagkakapaan na pala sila kung paano makakalusot sa pagdududa ng lola.
"Baka kapag nakita niya ako na nakahubad, maakit na naman," paninimula nang makipaglaro ng harutan ng binata kasabay ng mapanudyong pagkindat nito. "Naka-quota na ako kaya tama na muna!"
Muli ay nag-init ang pisngi ni Charito sa kapilyuhang hindi niya inaasahang sasabihin ng pari. Tumawa na lang din siya upang magmukhang totoo ang pahayag nito.
"Ssshhh, huwag kang maingay!" pagsaway niya sa nagkukunwaring mister. "Ikaw nga ang akit na akit sa akin kaya diyan ka muna sa ilog maligo! Ayaw ko munang makatabi ka!"
"Ang sweet mo naman, ipapasama mo pa ako sa mga kalabaw na mag-swimming," may tono ng paglalambing na sinabi ni Pablo subalit may diin naman ang bawat salita upang iparinig sa mga naroon na nagpapakipot pa sa kabiyak. "Mamaya, huwag na huwag mo akong kakalibitin!"
"Ngi, diyan ka na nga!" ginanti naman ni Charito habang umiikot ang mga mata. "At huwag na huwag kang makiki-share ng banig sa akin!"
Mabilis na sinara na niya ang pintuan upang hindi na mausisa ng tsismosang lola. Napasandal na lang siya sa dingding habang pilit na pinipigil ang sarili na mapahalakhak. Kung minsan, kakaiba talaga ang banat ng Alagad ng Simbahan na maging ang mga nasa parokya ay napapatawa na lang.
"Siguro, noong hindi pa siya pari, ang daming naging girlfriends niyan!" pag-aanalisa pa niya. "Ang husay magpa-charming sa mga babae, e! Maginoo pero medyo bastos!"
BINABASA MO ANG
Pablo
خارق للطبيعةTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...