Nasa gitna ng mga bukirin sina Pablo habang tinatahak ang daan patungong Maynila. Hindi pa masyadong sumisikat ang araw ay nagpasya na siyang lumuwas upang mauna sa pila sa ospital at pagkatapos naman ay makapaghanap ng pansamantalang matutuluyan.
Nasa bandang kanan niya si Olga na mahimbing lang sa kinauupuan. Kung minsan ay didilat ito upang tumingin sa labas pero mabilis din naman na babalik sa pagtulog.
Dahan-dahan na sumilip mula sa bag si Amari upang magmasid kung nasaan na ba sila. Kita niya sa rearvirw mirror ang namimilog ba mga matang tumititig sa kanya na tila ba nagtatanong kung hanggang kailan ba ililihim ang presensiya niya. Nang gumalaw mula sa kinauupuan si Olga ay mabilis din naman itong nagtago.
Napabuntong-hininga na lang si Pablo sapagkat naaawa na rin siya sa bakunawa na nagtitiis sa loob ng sisidlan at hindi makalabas. Nais man niya itong makaupo nang maayos ay tinitimbang din niya ang kalagayan ng dalagita dahil baka mabigla ito kapag nakakita ng halimaw
"Pagkatapos namin sa ospital, ipapakilala ko na si Amari," pagdedesisyon na niya sapagkat isinasaalang-alang din niya ang sitwasyon ng anak-anakan. "Sana nga lang ay matanggap nila ang isa't isa at maging magkaibigan."
Pagkarating sa siyudad ay pina-assess na sa espesyalista si Olga. Kaagad na pinaka-schedule ang blood test, urinalysis, fecalysis at x-ray upang malaman kung ano nga ba talaga ang dinaramdam ng pasyente. Hindi kakayanin ang lahat ng tests sa isang araw at matatagalan pa ang mga resulta kaya kailangan pa nilang maghintay ng ilang mga araw sa siyudad.
Kinahapunan ay kapansin-pansin na medyo lumiliksi na ang pasyente. Kumain pa nga ito ng pansit at uminom ng juice kaya takang-taka si Pablo kung bakit biglaan yata ang paglakas nito. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay uhaw na uhaw pa ito at nakarami ng maiinom kaya 'di niya mawari kung ano ba talaga ang naging sakit ng inaalagaan.
"Marahil, natuwa sa bagong environment," naisip na lang niya dahil malayo sa probinsiya ang mga nakikita sa Maynila. "Kung ako rin naman siya at naging madrasta si Lavinia, iikli talaga ang buhay ko. Ang lakas maka-bad vibes ng babaeng 'yun!"
Bago dumilim ay pinalad sila na makahanap ng pansamantalang matutuluyan. Maliit lamang ang bahay pero kumpleto naman sa mga kagamitan at may munting hardin pa sa may likuran. Nang makapasok na sa nirerentahang lugar, nagprito siya ng isda at nagluto ng sabaw na suam para mapagsaluhan nila
"Bakit tatlo ang plato rito?" may pagtatakang pag-uusisa ni Olga habang nasa may hapag-kainan. "May bisita po ba tayo?"
"Wala tayong bisita, pero may ipapakilala sana ako," nakangiting paninimula na niyang ilantad ang sikretong halos tatlong linggo na niyang itinatago mula sa mga Cornejo.
"Huwag ka sanang mabibigla, neh?" paghahanda pa niya sa dalagita bago palabasin ang ampong si Amari. "Maniniwala ka ba na may mga nilalang na nakikisama sa ating mga tao, katulad ng nga anghel at dragon?"
"Sa angels po, oo," sinagot naman ng kausap. "Pero sa dragons, katulad ng mga fairies, parang mythology lang."
"Noong bata pa ako, akala ko rin ay hindi totoo ang mga nilalang na katulad ng dragon," paglalahad din ni Pablo sa alaga. "Maging mga multo ay hindi ko pinapaniwalaan hanggang sa isang araw, nakikita ko na sila."
"May third eye ka?" may pagkamanghang napabulalas ni Olga. Imbis na matakot ay nasabik pa ito dahil mahilig pala ito sa mga kuwentong may kinalaman sa misteryo at katatakutan. "Ang galing! Ang dami mo sigurong maikukuwento sa akin patungkol sa mga multo!"
"Maraming bagay ang akala natin ay produkto lamang ng imahinasyon. Sa katunayan, may ipapakilala nga ako sa iyo..."
Lumapit na si Pablo sa dalang bag at binuksan iyon. Sa una ay dinig lang ng dalagita ang mahinang pagsasalita niya. 'Di nagtagal ay boses ng isang batang lalaki ang biglang sumagot.
BINABASA MO ANG
Pablo
FantastiqueTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...