Bilog ang buwan at maulan-ulan pa nang nagkaayaan ang magkakabarkadang high school students na pasukin ang lumang eskwelahan. Nagkatuwaan kasi sila na mag-ghost hunting ngayong full moon kung kailan pinaniniwalaang naglipana ang masasamang elemento.
Balita ang lugar na pinaglalagian ng isang white lady na mahilig magparamdam sa tuwing madaling-araw o kaya naman ay dapithapon. Ang tawag nila rito ay "Pale Mary" dahil ayon sa mga nakakakita, sobrang putla raw ng babae at tunay na nakakatakot. Usap-usapan din na dati raw itong estudyante na namatay nang dahil sa pagkakulong sa cabinet at hindi pa rin nito matanggap ang pagkasawi dahil may hinihintay pa itong isang lalaki. Magpasahanggang ngayon, ayon sa kwento ng mga security guard, makikita pa rin itong nag-aabang sa may gate o kaya naman ay tumatambay sa tapat ng abandonadong gusali.
"Bilisan mo!" panuto ni Joshua sa kabarkadang si Zoren na kasalukuyang lumulusot sa ilalim ng gate ng school.
"Sandali!" yamot na tugon nito sa utos ng kaibigan. "Bakit ba kasi dinala niyo pa ako rito? Atsaka, akala ko ba, sa sementeryo mag-go-ghost hunting? Baka mahuli pa tayo! Lagot talaga tayo sa mga teachers!"
"Ang killjoy mo naman! Siyempre, mas exciting dito kasi mas marami ang sightings kay Pale Mary. Sa sementeryo, wala naman. Atsaka boring doon, puro puntod!"
"Umurong na lang kaya tayo?" kabadong panukala ni Zoren na nag-aalangan na sa plano nina Joshua. "Kakaiba ang pakiramdam ko. Sa ibang lugar na lang tayo mamasyal!"
Nang dahil sa pagkainip ay pinagtulakan na siyang papasok ng mga kasamahan. Upang hindi na makapalag, hinatak nila siya sa magkabilaang mga braso at halos kaladkarin na upang matangay patungo sa abandonadong gusali.
"Ayaw ko na talaga! Uuwi na ako!" pagpupumiglas na niya nang makahalatang pwersahan na siyang pinapapasok sa pinaglumaang istraktura. "Bitiwan niyo na ako! Sumusobra na kayo sa kalokohan niyo!"
"Uy! Naduduwag ka yata a!" patawa-tawang paghahamon ni Joshua.
"Hindi naman! Pero hindi naman ako tang* na basta-basta papasok sa isang lugar na ipinagbabawal! Hindi ba, may namatay na nga riyan?"
"Kaya nga diyan tayo pupunta," pagdadahilan pa rin ng kausap. "Para mapatunayan kung nagmumulto nga 'yun namatay!"
"Ewan ko, basta, uuwi na ako!" pagmamatigas na ni Zoren. Akmang aalis na sana niya pero laking-gulat niya nang sinunggaban siya ng mga kabarkada. Dahil sa limang mga binatilyo ang nagtulong-tulong na tangayin siya, nagtagumpay silang maipasok siya sa pintuan ng lumang gusali. Dahil sa dilim at tanging flashlight lamang ang nagbibigay mg liwanag sa dinadaanan, hindi na niya alam kung saan siya dinala ng mga ito.
Dinig niya ang paghalakhak ng mga ito nang sapilitan siyang ikinulong sa marumi at sira-sirang banyo na nasa basement ng gusali.
"Anong klaseng biro ito?" sinigaw niya habang patuloy na kumakatok sa pintuan ng palikuran. Inilibot niya ang tingin sa silid subalit tanging itim lamang ang natatanaw niya. Nangapa siya sa loob upang malaman kung may bintana at lagusan subalit magaspang na dingding lamang ang nahawakan.
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...