"Wala rito 'yun sinasabi ni Ma'am Lavinia," pahayag ng pulis na nangangalkal ng mga gamit ni Pablo. Pagkatapos ay binuksan nito ang isang bag na punong-puno ng mga biskuwit at mamon na para sana kay Amari. "Magpi-picnic ka, Father? Parang buong pamilya ang pakakainin mo, a!"
"Malakas kasi akong kumain," nakaismid na sinagot naman ng suspendidong pari na nakatakip ang ilong dahil umaalingasaw ang panghi sa banyo na nasa piitan. "Wala ba kayong balak na ipalinis itong comfort room? Umiikot na ang sikmura ko rito sa baho!"
Sabay-sabay na napatingin ang mga pulis, maging ang mga preso dahil nainsulto pa sila sa paninita niya sa mabahong palikuran. Nang mapansin na sumablay siya sa sinabi, yumuko na lang siya at umupo sa sahig. Subalit, pagkalapat pa lang ng kamay sa semento ay may gumapang ng mga ipis. Mabilis din naman niyang dinampot ang mga iyon at hinagis palayo.
Sa kasamaang-palad, na-shoot ang matabang insekto sa iniinom na kape ng nakababatang pulis at ang isa naman ay lumipad sa ulo ng nakatatanda.
"Aaayyy!" hiyawan ng mga lalaking hindi takot sa sagupaan laban sa mababangis na mga kriminal pero sa mga ipis naman ay paniguradong mapapaatras.
"Sapul! Hahaha!" humahalakhak na nasambit ng mga kasama niyang preso. Siya rin ay napatawa sa ikinilos ng mga pulis pero natigilan din nang muli ay kumirot ang kasu-kasuan niya.
Binuksan naman ng isang pulis ang bag niya ng mga damit. Hinalungkat nila iyon hanggang sa lumitaw ang bestida ng babae. Napaawang na lang ang mga labi nila nang lumantad na pati p@nty at br@ ay nakasilid din sa mga gamit niya.
"Padre, ano ang mga ito?" halos sabay-sabay na pag-uusisa nila sapagkat posibleng eskandalo pa pala ang nadiskubre nila.
"Bakit mo naman pinagsama ang mga damit natin, Albina?" tahimik na pagrereklamo niya sapagkat hindi na niya alam kung paano malulusutan iyon. "May pagkaburara din pala sa gamit ang babaeng iyon!"
"Mukhang sexy, o! Hanep ka, Father! May tinatago ka palang milagro sa gabi! Umamin ka na kasi!"
"Ewan ko kung kanino ang mga 'yan!" pagtanggi niya sa mga paratang ng mga pulis na halatang pinagkakatuwaan na nga siya. "Baka nahalo lang noong naglaba ako! Sa dami ng mga tinutupi ko sa mansiyon, malay ko ba kung naisama 'yan!"
"In denial pa, baka naman ikaw ang nagsusuot! Si Father, may secret! Wahaha!"
"Che! Isa pang salita, sasabunutan at sasampalin ko na talaga kayo!" pagsusungit na niya sapagkat masama na nga ang pakiramdam niya, naaalibadbaran na siya sa sunod-sunod na pang-aasar ng mga pulis, maging ng mga kasama sa kulungan, kahit alam pa nila na naninilbihan siya sa Simbahan.
"Ang sakit ng katawan ko," tahimik na naisip na lang niya. "Wrong timing naman talaga ang lahat! Umiikot na rin ang sikmura ko at masusuka na yata ako..."
"Pero hindi ako puwedeng magsuka." Makailang beses niyang nilunok ang laway sapagkat ayaw din naman niyang gumamit ng palikuran. "Punong-puno pa naman ng t@e 'yun inodoro!"
"Boss, may kendi ba kayo riyan?" paghingi na niya ng pabor sa mga pulis sapagkat kaunti na lang ay ilalabas na niya ang laman ng sikmura.
"Wala!" pagmamatigas naman nila. "Kahit pari ka, wala kang special privilege rito!"
"Masama po kasi ang pakiramdam ko-"
"Eh? Magtiis ka!"
"Kendi lang naman, pinagdadamot niyo pa!"
"Manahimik ka riyan, Padre!"
"Uffft! Napatakip na siya ng bibig nang maramdaman ang mabilisang pag-akyat ng mapait na likido sa kanyang lalamunan kaya wala siyang nagawa kundi tumakbo sa makipot at mapanghing palikuran.
BINABASA MO ANG
Pablo
FantastiqueTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...