Case Number 8: Haunted House (Part 4)

22 2 0
                                    

Dahil sa kaguluhang naidulot ng sagutan nina Pablo at Lucas, kinaumagahan ay nakatanggap siya ng suspension letter. Pansamantala muna siyang pinapatigil sa pagpapari at walang kasiguruhan kung pababalikin pa. Nakasaad doon na may kaso siya ng insubordination at unbecoming of a Man of God. May panuto rin doon na kailangan na niyang lisanin ang parokya sa lalong madaling panahon o ipapa-barangay siya kapag kumontra.

Hindi niya nagustuhan ang tema ng liham na tila ba isa siyang kriminal kaya nalukot niya ang hawak na papel at dali-daling nagtungo sa rectory upang maghakot na ng mga gamit.

"Inaasahan ko na ito!" nanlilisik ang mga mata sa galit na naisip niya. "Talagang gagawa sina Lucas ng paraan upang paalisin ako sa pagkapari!"

"E ano naman ngayon? Para kasing utang na loob ko pa na makisama sa kanila! Kung ayaw nila sa akin, edi sige! Magsama-sama silang mga panot!"

Dala ng init ng ulo, padabog na binuksan niya ang pinto kaya nagulantang ang alagang si Amari. Sa pagkagitla ng bata ay nabitiwan pa nito ang hawak na monay. Akmang dadamputin pa sana nito at kakainin ang nadumihang tinapay pero inunahan na niyang kunin iyon sa sahig at ihinagis sa bintana.

"Mag-empake na tayo!" inutos niya sa halimaw na nanghihinayang pa rin sa naitapong monay.

"P-Po?"

"Ang sabi ko, mag-empake na tayo! Ilagay mo na sa bag ang lahat ng gamit mo! Dalhin na rin ang lahat ng chitchirya at laruan mo kasi aalis na tayo!"

"I don't understand! Why are you speaking to me that way?" litong-lito na pahayag ng paslit. Nabigla rin ito sa pamamaraan ng pananalita at pagkilos niya sapagkat ngayon lang siya nakitang nagkaganoon. Kadalasan ay tahimik lang siya kapag masama ang sumpong pero ngayon ay parang naghahamon siya ng away. "OK naman po tayo rito bakit kailangan natin umalis?"

"Pinapalayas na ako ng mga kasamahan kong pari!" pagpapaliwanag niya habang kinukontrol na magtaas ng boses kahit kaunti na lang ay magdidilim na ang paningin sa galit. Natukso pa siyang basagin at suntukin ang mga muwebles na naroon upang mailabas ang sama ng loob pero dahil ayaw niyang maging bad example sa alaga, napakuyom na lang siya ng kamao at nagtimpi pa. "Pinagkaisahan nila ako! Kapag hindi raw ako aalis, sapilitan na akong ipapa-barangay! Bilisan mong maghakot at ayaw ko nang magtagal pa rito!"

"P-Pero po..."

"Walang pero-pero! Aalis na tayo kasi naaalibadbaran na ako sa lugar na ito!"

"Hindi ko kayang mahiwalay sa love of my life na si Charito!" makapagbagbag-damdaming deklarasyon ni Amari nang rumehistro sa isipan ang masamang balita.

Hindi niya matanggap na magkakalayo sila ng kinatutuwaan at hinahangaang tao. Dahil sa isang halimaw, limitado lang ang pwede niyang makasalamuha sa mga mortal. Ang dalaga at si Pablo lang ang nakakausap niya kaya masakit para sa kanya na mawawalay pa sa kaibigan na "secret crush" daw niya. Kapitbahay lang nila ang nasabing babae at kadalasan nga ay dinadalaw niya upang makakuwentuhan at makalaro.

Pumatak na ang luha niya nang makita ang binata na nilalabas mula sa cabinet ang mga damit. Aligagang sumunod siya sa tatay-tatayan at yumakap pa sa binti nito upang maawat na umalis.

"The pain, it's excruciating, huhuhu! How could they be so cruel? Don't they have any mercy? I only have one friend and now, I'm losing her!"

"Tigil-tigilan mo nga ako sa kaka-English mo!" nauubos na ang pasensyang pinagsabihan na ni Pablo ang ampon na tumatangis na sapagkat kailangan na nilang lisanin ang parokya ng San Nicolas. "Hahanap muna tayo ng matutuluyan bago mag-love of your life! Kabata-bata mo pa, crush pa ang naisip mo kaysa kung saan tayo pupulutin? Kumilos ka na riyan kasi wala nang magagawa ang pagtangis mo!"

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon