Madilim-dilim na nang marating niya ang sinasabing krus na daan ng mga Bernardo. Sa ordinaryong tao, karaniwan lamang ang matatanaw sa lugar subalit sa pakiramdam ng pari, alam niya na may madilim na kapangyarihang lantarang gumagala roon. Ganoon pa man, hindi pa rin siya makapaniwala na magagawa ngang magpakasama ng kaibigang si Manuel.
Habang papalapit nang papalapit sa tawiran ng magkakasalubong na daan, pabigat naman nang pabigat ang pakiramdam ni Pablo. Nagkakahalu-halo na ang emosyon niya ng lungkot, galit at takot dahil aminadong magpasahanggang ngayon, hindi pa rin niya makalimutan ang masamang mga pangyayari sa nasabing lugar.
Mainit man ang panahon, kaagad niyang naramdaman ang paglamig ng paligid, lalong-lalo na sa may likuran ng kotse. Parang may malayelong mga kamay ang marahang humawak pa sa balikat niya. Imbis na lumingon sinadya niyang huwag magpahalata na nakakaramdam na upang masubok ang tunay na pakay ng kaluluwa sa mga napaparoon sa krus na daan.
"Huwag kang tutuloy, tumigil ka," binulong nito sa kanya, malapit sa kanyang tainga.
Mula sa rearview mirror ng sasakyan, tanaw na tanaw niya ang maputlang mukha ni Manuel, na may dumadaloy pang dugo at pira-pirasong bungo at utak mula sa noo nito. Bakas pa rin sa mukha nito ang pagpapahirap ng mga mananakop na Hapon, kahit ilang taon na ang lumipas.
"Hindi mo ba ako naririnig? Huminto ka na sabi e!" malamig na sinabi nito subalit may diin ang bawat kataga.
"Mapapahamak ka lang! Makinig ka sa akin!" desperadong pagbibigay na ng babala nito nang magpatuloy siya sa pagmamaneho.
Pumreno na si Pablo upang maihinto ang sasakyan. Imbis na masindak, nalungkot pa siya sa sinapit ng kaibigan. Hindi niya matanggap na ang isang napakabait na bata ay naisumpa pang maging isang ligaw na kaluluwa. Sa loob ng labingwalong taon, inakala niya na natahimik na ito at napunta sa langit.
"Dinig na dinig kita," tugon niya sa panawagan ng hindi matahimik na kaluluwa.
"Manuel..." pagtawag na niya sa kaibigan.
Nanlaki ang mga mata ng kausap dahil sa tinuran niya. Nang dahil sa bayolenteng pagkamatay at tagal ng panahong pagala-gala, halos nakalimutan na nito ang ilang detalye sa buhay noon, maging ang sariling pangalan, kaya para itong natauhan nang dahil sa narinig.
"S-Sino ka?"
"Ako ito, si Pablo Sandoval, taga-San Fernando, Pampanga," pagpapakilala niya. "Ikaw naman si Manuel Zaragosa, taga-San Miguel, Tarlac."
Aminadong pamilyar ang itsura ng kausap lalong-lalo na ang mala-abong mga matang kung makatitig ay tila ba kilalang-kilala siya. Napahawak siya sa ulo ng kumirot iyon nang dahil sa pagpupumilit na makaalala.
"Sinungaling ka! Ginagawa mo lang itong manipulasyon sa isipan ko para makumbinsi akong sumama!" sinigaw niya kaya bahagyang yumanig ang mga salamin sa sasakyan.
"Hindi, ako talaga ito," pagkumpirma niya kay Manuel na walang tiwala pa rin sa kanya dahil makailang beses na itong pinagtatangkaang huliin ng ibang mga pari, maging mga espiritista.
Nang dahil sa pagkabigla at takot na huliin at maparusahan, mabilis na tumagos ito sa kotse at nagtatakbo palabas.
"Sandali!" pagpigil ni Pablo pero mabilis itong nagtungo sa masukal na gubat.
'Di alintana ang dilim at puno man ng talahib ang lugar, sinundan niya ang naguguluhang si Manuel. Malakas ang kutob niya na hindi nga ito ang may kasalanan sa pagkawala ng mga bata at malamang, tumutulong pa sa mga taong napupunta roon. Marahil, may alam din ito sa tunay na salarin at posibleng makatulong pa sa kaso.
Natagpuan niya ang kaluluwa na nakahinto sa may pampang. Tila ba naging estatwa ito nang dahil sa takot. Lumingon ito sa may gawi niya at nang magtagpo ang kanilang mga mata, mas lalo itong nasindak.
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...