"Kain na po," pag-alok ni Pablo sa pamilyang Cornejo na nakaupo sa may hapag-kainan.
Hinain niya sa mesa ang nilutong bulanglang na bangus at hipon. Umuusok pa ang sabaw niyon kaya kahit sa labas ng mansiyon ay malalanghap ang katakam-takam na ulam. Dahil sa biglaang pagdating ng mga amo ay napatakbo pa siya sa palengke upang mamili ng maipapakain sa kanila. Mabuti na lang at kahit mag-a-alas-diyes na ng umaga ay natirhan pa siya ng isda, hipon at bayabas kaya iyon na lang ang naisipan niyang iluto.
Akmang aalis na sana siya at babalik sa kusina pero napansin niya na tanging si Lavinia lamang ang kumukuha ng makakain. Nanatiling nakatitig lang sa may sahig si Carlos samantalang ang anak naman nitong si Olga ay nilalaro ang kutsara't tinidor.
"Darling, kumain ka na," may tono ng pekeng paglalambing na tinuran naman ng babae sa kabiyak. Tila ba nanunuya pa ito sa sinabi sapagkat alam naman nilang lahat na baldado ito at nahihirapang makakilos.
"Papa, ako na po ang magpapakain sa iyo," pagboboluntaryo na ng dalagita sapagkat awang-awa na ito sa tatay na pinababayaan ng madrasta. Akmang tatayo na sana ito para alalayan ang ama pero napahinto rin nang marahas na hatakin sa braso ng kinikilalang nanay at sapilitang pinaupo muli.
"Stay on your seat!" pasinghal na pinagsabihan siya ni Lavinia. "Hayaan mo siya para mapilitang gumalaw!"
"P-Pero po, hindi pa siya kumakain simula kanina!" pagtutol na ni Olga kaya mas nainis ang ginang.
"I know what's best for this family! Kailan ka pa natutong sumagot sa akin, ha? Gusto mo ba, sampalin kita para matauhan ka kung sino ang dapat masunod dito?"
"Pakakainin ko lang po sana si Papa," maluha-luhang pagpupumilit pa rin nito kahit alam nang talo na sa diskusyon.
"Isa pang salita at tatamaan ka na talaga sa akin!" pagbabanta na ni Mrs. Cornejo kaya napatahimik na ang kausap.
"H-Huwag n-na k-kayong mag-away," hirap na hirap sa pagsasalitang pag-awat na ni Carlos. "A-Ako na...ang bahala...a-anak..."
Pilit na inangat ng ginoo ang payat na braso upang abutin ang bandehado ng kanin. Nanginginig ang kamay na sinubok nitong hawakan ang serving spoon pero nahulog lang sa mesa.
"Sir, ako na po," pagkukusa na ni Pablo na tumulong sapagkat hindi niya maatim ang kalunos-lunos na kalagayan ng among lalaki. Hinila niya ang upuan at tumabi sa ginoong maluha-luha na dahil sa hinanakit na hindi na nga makakilos nang maayos, binabalewala pa ng asawa.
Imbis na si Lavinia, siya na ang nagtiyagang asikasuhin si Carlos. Nagbuhos siya ng sabaw sa kanin at hinimay pa ang bangus upang mas madali nitong malunok ang pagkain.
"Dapat po, kumain ka nang maayos para lumakas ka," pagdamay na niya sa ginoo upang hindi na ito malungkot pa at mabigyan ng pag-asa na gagaling pa sa karamdaman. "'Di bale, hangga't naririto ako, tututukan kita para mas mabilis kang maka-recover."
"Pati itong si Olga, dapat tumaba kahit kaunti!" pagbibigay naman niya ng pansin sa dalagita na halatang natutuwa dahil naasikaso na rin sa wakas ang ama. "Kumain ka lang, huwag kang mahiya."
Napangiti na ang tinuran sapagkat aminadong matagal-tagal na rin na hindi nakakakain nang maayos. Sabik nitong inabot ang bandehado kung saan nakalagay ang gabundok na kanin dahil kumakalam na ang sikmura nito sa gutom. Kumuha rin ito ng hipon at sinawsaw sa patis kaya mas natuwa ito sa ulam na matagal-tagal nang hindi nakakain simula nang mamayapa ang tunay na ina.
"Kuha ka lang, neh?" pang-eengganyo ni Pablo sa batang babae na kanina lamang ay matamlay at namumutla. Nang makakain ay kapansin-pansin na sumisigla na ito at bumabalik ang ningning sa mga mata.
"Pwede pa po akong magdagdag ng kanin?" pagpapaalam pa nito kaya iniabot na niya ang bandehado bilang tugon.
"Tama na!" pagkontra na ni Lavinia sa pagsasalin pa sana ng kanin sa plato ni Olga. Iritableng inagaw nito ang lagayan kaya napailag tuloy ang pinapagalitan sa pag-aakalang sasaktan pa ng madrasta.
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...