Case Number 8: Haunted House (Part 2)

14 2 0
                                    

Makapanindig-balahibong hiyaw ang nagmula sa bartolina pero nagbingi-bingihan lang ang mga bantay sapagkat inakala nila na kay Pablo nagmumula ang pagsigaw. Wala silang kaaalam-alam na ang binatilyo pala ang nagpaparusa sa mga pari na ilang taon nang nagpapahirap sa mga kabataang naroon.

Napa-sign of the cross si Lucas na mismong saksi sa abot-impyernong poot ni Pablo. Kaawa-awa ang sinapit ng apat na baguhang pari na napagbuntunan ng galit ng trese anyos na batang sa unang kita pa lamang ay batid niyang kakaiba.

Nang magtama ang kanilang mga paningin, tila ba naging estatwa pa siya sa kinatatayuan nang titigan siya nito na may panghuhusga. Matapang man at pinaninindigan na tama ang pamamaraan niya ng pagdidisiplina sa mga nagkakamali, nakaramdam pa rin siya ng takot at pagkabahala sa presensya ni Pablo.

"Hindi ka isasalba ng diyos-diyosan mo!" mapaghamong pahayag pa ng binatilyo kasabay ng pagtuturo sa kanya gamit ang nakabaligtad na krus. "Kung ang panginoon mo ay itinuturo ang pagiging sadista at mapang-abuso, mas nanaisin ko na wala na lang diyos!"

"Isa kang baliw! Anak ni Satan*s!" tinuran pa rin siya ni Lucas na ayaw umamin sa mga pagkukulang bilang pari.

Para sa Alagad ng Simbahan, si Pablo ay isang kasangkapan ng hari ng impiyerno upang linlangin sila at ang kanilang mga tagasunod. Nababahala siya na kapag hinayaan niyang maghasik ito ng lagim, mabubuwag ang ilang daang taon na ipinaglaban ng mga Kristiyano. Sa isip niya, mawawalan na rin ng kapangyarihan ang mga katulad niyang pari at hindi na susunod sa mga tinuturo nila.

Hindi niya matatanggap na isang ulila at hampaslupa pa ang hahamon sa kanya na halos buong buhay nang naninilbihan sa Simbahan. Bata pa lamang ay hinubog na siya ng istriktang ina upang maglingkod sa parokya. Katulad ng pagdidisiplina na ginagawa niya sa mga bata, ganoon din ang pinaranas ng nanay kaya para sa kanya, iyon ang tamang paraan upang mailapit ang mga tao sa Diyos. Palagi niyang sinasabi sa mga sermon na nararapat na magkaroon ng takot sa Kaitaas-taasan ang mga ito at maparusahan ang hindi sumusunod sa mga utos ng Bibliya.

Sa sinumang makakarinig sa tunay na hangarin ni Lucas ay iisipin pa na dalisay at banal ang mga ito. Subalit, kahit ayaw man na aminin sa sarili, gumaganti lang talaga siya sa mga inosenteng bata. Nasisiyahan siya na dinadanas din ng mga ito ang mga sugat at pasang nakuha sa salbaheng ina. Sa bawat hiyaw at dugong pumapatak, kakaibang tuwa ang nararamdaman niya.

"Baliw na kung baliw o anak pa man ng kung sinong nilalang," ginanti naman ni Pablo sa pang-iinsulto niya. "Basta hindi ako sadista na katulad mo!"

Singbilis ng hangin na lumapit ang binatilyo kay Lucas at hinatak ito sa may kuwelyo. Nagharap ang dalawang lalaki na magiging parte ng kasaysayan ng San Nicolas. Pareho silang makikilala bilang mga palaban na Alagad ng Simbahan subalit magkaiba lang sa prinsipyo at pag-unawa sa mga kasulatan sa Bibliya. Ang nakatatanda ay piniling maging mapanghusga samantalang ang nakababata naman ay ang pag-alalay sa mga naliligaw ng landas, mapabuhay man o pumanaw na.

"Anong gagawin mo?" nanlilisik ang mga matang pagtatanong ni Lucas sa batang naglakas-loob na ipamukha sa kanya ang baluktot na mga turo. "Map*tay mo man ako ngayon, sisiguruhin ko na hindi ako mananahimik upang mabantayan ka!"

"Hindi ako ang tatapos sa iyo at sa mga alagad mo," pagbibigay naman ni Pablo ng babala bago lisanin ang lugar. Binitiwan na niya si Lucas at itinulak kung saan nakahandusay ang walang malay na mga tagasunod.

"Ikaw ang hindi matatahimik sapagkat puno ng kadiliman ang iyong puso. Ikaw rin ang papatay sa iyong sarili dahil hinahayaan mo na ang kasamaan ang dumadaloy sa iyong kabuuan. Sa tamang panahon, ang impiyerno mismo ang manghuhusga sa iyo, Padre Lucas..."

Naiwan ang nakatatandang pari na pansamantalang natuliro sa iniwang mga salita ng binatilyo. Ramdam niya ang pangangatog ng katawan na tila ba nakaharap niya mismo ang hukom na hangga't nabubuhay siya ay magdudulot ng pagkabagabag. Napahawak na lang siya sa dibdib kung saan malakas ang pagtibok ng puso na hindi niya maunawaan kung natatakot ba o nasasabik.

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon