Case Number 8: Haunted House (Part 14)

61 2 0
                                    

Madilim-dilim pa ay biglang nagising si Pablo.

Noon pa man ay maaga na siyang bumabangon pero sa pagkakataong ito, iba na ang kutob niya.

Ramdam niya ang biglaang pag-init ng temperatura sa katawan, senyales ng mabilisang pagtaas ng espiritwal na kapangyarihan. Tila ba umikot pa ang kanyang sikmura kaya napatakbo siya sa may bintana upang mailabas ang mapait na likidong namuo sa lalamunan. Doon ay napasuk@ siya ng asido mula sa tiyan at 'di nagtagal ay nahaluan na rin ng dugo.

"Heto na naman," may panlulumong pagrereklamo niya sa pangyayaring kinaiinisan niya dahil napakasakit na nga, malaking abala pa sa kanyang trabaho. Simula noong mag-teenager ay inaasahan na niya ang pagbulwak ng kapangyarihan na kung minsan ay hindi kinakaya ng mortal niyang katawan kaya nagkakaroon siya ng mga pinsala sa loob na naghihilom din naman. Tanggap naman niya ang ganoon subalit sa pagkakataong ito, para sa kanya ay wrong timing talaga kaya napadasal na lang siya.

"Lord, sana po huwag naman magtagal kasi ang dami ko nang pinoproblema. Kung minsan po, gusto ko na lang umiyak at matulog magdamag kasi favorite Mo po yata akong subukin..."

Hilong-hilo na naglakad siya pabalik sa higaan subalit naglaho sa isipan ang lahat ng sakit nang mapansin na siya lang ang nasa silid.

Wala roon ang alagang si Amari.

Maging sa kabilang kama kung saan nananalagi si Albina ay wala na rin doon. Napakapa tuloy siya sa bulsa kung saan ikinukubli ang kuwintas na nagsisilbing piitan ng anghel. Mabuti na lang at naroon pa rin iyon kaya batid niya na hindi naman siya matatakasan ng pasaway na nilalang. Nagsisi tuloy siya na hinayaan nga itong lumabas at ngayon ay magdudulot pa ng problema sa kanya.

"Albina!" dismayadong nasambit na lang niya habang dali-daling lumalabas ng silid. "Pati ampon ko, naiimpluwensiyahan mo na rin!"

Halos patakbo siyang nagtungo sa may tarangkahan. Nang walang makitang bakas nila ay nagpaikot-ikot na siya sa hardin, maging sa may swimming pool. Napadasal tuloy siya sa Kaitaas-taasan na sana ay hindi kinidnap ni Albina ang munting bakunawa.

"Kung minsan may pagkat@nga ka, Pablo!" pinagalitan pa niya ang sarili sa pagtitiwala sa isang kondenadong anghel. "Hindi ka nadadala! Palagi kang naaawa kaya nauuto ka minsan! Hindi lang pala minsan, madalas-"

Natigilan siya nang may maaninag na munting liwanag sa may kusina. Napakurap-kurap pa siya sa pag-aakalang pinaglalaruan na siya ng paningin dahil sa sakit ng ulo at katawan. Dahan-dahan siyang lumapit sa may bintana at sumilip doon.

"Bilisan mong mamili!" dinig niyang pagbulong ni Albina na kasalukuyang hawak-hawak ang pinto ng refrigerator. "Baka mahuli tayo ng tatay mong saksakan ng sungit!"

"Hindi po ako makapili!" sabik na sinabi naman ni Amari na namimilog ang mga mata sa pangitain ng cake at ice cream. "Puwedeng lahat na lang?"

"Sige," pagpayag naman nito. "Pero dapat maubos mo bago siya magising, ha! Secret natin ito kasi paniguradong masesermonan tayo kapag nadiskubre niya ang lihim natin!"

"Opo! O kaya itatago ko na lang sa ilalim ng bed 'yun cake para maging meryenda ko!"

Nanggagalaiti sa inis na sumugod na si Pablo dahil sa napag-alamang sabwatan ng dalawa sa pamumuslit ng pagkain sa kusina. Kaya pala misteryosong naglalaho ang mga binibiling minatamis ng among si Lavinia dahil sa kagagawan nila. Noong isang araw ay kinukulit siya nito tungkol sa chocolate cake na binili raw nito sa sosyal na bakeshop. Wala naman din siyang ideya sa nasabing pagkain pero ngayon ay alam na niya kung bakit nga naghahanap ito sa kanya.

Huling-huli sa akto si Amari na bitbit ang cake. Nainis pa siya kay Albina dahil inaasahan niya na mas may isip ito sa batang bakunawa pero 'yun pala, tuturuan pa na magnakaw.

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon