"May ipagtatapat lang sana ako..."
"Sige lang, ano ba 'yun?" walang kaide-ideya na sinambit naman ng suspendidong pari na kung minsan ay mahina ang radar sa pagpaparamdam ng mga babae. Hindi rin naman niya inaasahan na magugustuhan siya ng anghel sapagkat sa pagkakaalam niya, magkaibigan lang sila.
"A-Ano kasi..." Hinaplos-haplos ni Albina ang mahabang buhok at pinapungay ang mga mata upang mas kaakit-akit. "Kung kaya hindi ka naging pari, pagtutuunan mo kaya ako ng pansin?"
"Anong ibig mong sabihin?" Napakunot naman ang noo ng nilalambing sa kakatwang katanungan. "Pinapansin naman kita."
"Posible kaya na minsan naman ay ilabas mo ako rito at mamasyal tayo? 'Yun tipong maglalakad tayo sa park na magka-holding hands?"
"Holding hands?" pag-uulit naman ni Pablo na hindi pa rin rumerehistro sa isipan ang pinapahiwatig ng anghel. "Saka na siguro kapag puwede na kitang palabasin."
"Uhmmm, ano kaya kung palayain mo na ako kapalit ng aking serbisyo," diretsahan nang panunubok niyang kumbinsihin ito na pakawalan siya upang mas mapadama niya sa iniibig na karapat-dapat siya. "Ang hirap din kasi na narito ako sa loob, hindi ako makapag-express ng thoughts and feelings ko nang maayos..."
"Sampung araw pa lang kitang kakilala," pagpapaunawa naman sa kanya ng sinusuyo. "Hindi ba, nabanggit ko na nasa testing period ka pa para mapatunayan sa akin na karapat-dapat kang palabasin?"
"Hindi pa ba sapat na magkasundo kami ng ampon mong si Amari? Baka puwede naman na mapaaga na ang paglabas ko kasi gusto ko na kayong ipanluto, ipanlaba at ipamalantsa. Pagkatapos, umalis na tayo rito para wala nang maging hadlang na maging maligayang pamilya tayo. Mas kaya kitang pagsilbihan at mabigyan ng magandang kinabukasan si Amari. Lahat ng gusto niyo ay ibibigay ko basta ba ako lang ang babae na pagtutuunan mo ng pansin..."
Natigilan na si Pablo nang maunawaan na sa wakas ang pinapahiwatig ng anghel na nagkainteres ito sa kanya at inaalok pa ang wife duties sa kanya. Ganoon pa man ay pilit niya iyong isinawalang-bahala sapagkat ayaw niyang magpaasa ng mga babae.
"Palalayain naman kita na walang kapalit," paglilihis na niya sa usapan. "Sa tamang panahon, kapag handa ka na ay palalabasin kita riyan sa kuwintas."
"P-Pero..."
"Matulog ka na, Albina. Baka kinukulang ka na sa pahinga kaya ano-ano na ang pinagsasabi mo."
"Ang insensitive mo!" pagmamaktol na ng kausap. "Hindi mo ba naiintindihan? Gusto kita! Unang beses pa lang na nakita kita ay iba na ang nararamdaman ko para sa iyo! Araw-araw, gabi-gabi, ikaw ang iniisip ko! Kahit itinakwil na ako sa langit, nananalangin ako na sana'y dumating ang araw na magkalapit tayo!"
"Ssshhh," nagawa pa siyang sawayin ng binata kaya napakuyom na lang siya ng kamao sa pagkapahiya. "Huwag ka naman magalit. Kalma lang."
"Hindi ako galit! Naiinis lang ako kasi para kang yelo! Wala ka man lang bang nararamdaman kapag nagko-confess ng feelings ang mga babae sa iyo?"
"Nafa-flatter ako sa mga sinasabi mo. Kaya lang, hindi tayo match, Albina. Parang may mali. Nasabi ko naman sa iyo na isa akong pari...suspended nga lang..."
"Bakit?" puno ng panghihinayang na napabulalas ng anghel. "Hindi ba, wala ka ng koneksiyon sa Simbahan? Wala ka naman asawa, single rin ako. Masaya pa si Amari na may itay at inay siya! Bagay na bagay nga tayo!"
Nanatiling walang imik ang suspendidong pari sapagkat nakukulitan na rin siya lantarang panliligaw sa kanya ng mga babae. Kanya-kanyang suhol pa ang mga alok nito pero ni isa ay walang makatukso sa kanya at sa katunayan ay gusto na lang niya silang takasan. Pero dahil wala naman siyang mapupuntahan, kailangan niyang pakisamahan ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...