Taong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang pogi pero kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Kilala siya bilang malupit na kalaban ng masasamang elemento at maging sa ibang bansa ay ipinapatawag pa siya upang gumawa ng exorcism sa mga nasasaniban. Mapa-aswang o mga engkanto pa man, lahat sila ay natatalo niya at napapadala sa impiyerno. Bali-balita na maging mga demonyo ay pinangingilagaan siya dahil hindi nila ito masindak man lang.
Isang umaga, habang nagmimisa ay napansin niya na puro kababaihan lamang ang nagsimba. Karaniwan naman sa lugar na mas kaunti ang lalaking relihiyoso pero nagtaka na siya kung bakit tatlo lamang ang naroon at mga bata pa.
Iyon pala ay may nagshu-shooting sa ilog ng bayan ng Tarlac na isang sexy star na nagngangalang Susie dela Torre. Nabalitaan ng mga kalalakihan na naka-red bikini pa iyon kaya nagsipuntahan sila roon at nakalimutan nang magsimba. Dinaig pa ang bigayan ng ayuda at nutri-bun ang pagdagsa at pagpila ng mga ginoo sa lugar nang dahil kay Susie.
Siya rin ay na-curious na kung bakit nawawala ang mga lalaki sa bayan. Maging mga lolo ay wala siyang makita na gumagala kaya napag-isipan niyang dumalaw na rin kung nasaan ang magandang babae na kinahuhumalingan ng mga fans.
Nagkukumpulan ang mga tao nang makarating na siya sa may ilog. Nagtutulakan pa sila upang masilip lang ang mala-diwatang artista. Nang lumabas na mula sa tent ang inaasam nila, naghiyawan sila at nagsisipulan nang makitang naka-two piece swimsuit na ito.
Malayo man ay kitang-kita ni Pablo ang kumikinang na red bikini, maging ang flawless na kutis nito. Tunay naman na sexy at kaakit-akit ang babae pero para sa kanya, mas maganda pa rin si Audrey Hepburn dahil sweet and wholesome ang image nito.
"Ang mga babae nga naman ngayon, paikli nang paikli ang mga salawal," may pagkadismayang naisip ni Pablo habang pinapanood na nagpo-pose sa camera si Susie.
"Sa susunod niyan, baka sinulid na lang ang isuot nila..."
Maya't maya ay napansin siya ni Susie. Dahil sa matangkad, makisig at may itsurang maipagmamalaki ang pari na may pinaghalong lahi ng Pilipino at Kastila, natipuhan pa siya ng babae na mahilig sa mestisuhin at gwapo. Kasama ang mga alalay, kumekendeng na lumapit siya kung saan naroroon ang walang kaalam-alam na pari na may sexy star na palang nagka-instant crush sa kanya.
"Hi, Tisoy!" pagbati nito sa kanya.
Mabilis na nagsilingunan ang ibang mga lalaki sa kanya at tinignan siya nang masama. Bigla-bigla ay parang naging mabangis na mga hayop ang ekspresyon nila at nanlisik ang mga mata nang dahil sa selos at inggit.
"Hala, bakit nagalit sila?" natanong pa niya sa sarili habang lumalayo na dahil napansin na niyang kaunti na lamang ay dadambahin na siya ng mga katabi. Kaagad niyang napansin ang pag-iiba ng aura nila na para bang may hindi nakikitang nilalang ang kumukontrol sa kanila.
"May mali," naobserba na niya. "Parang nababaliw sila, hindi ito normal..."
"Uy! Bakit ka umiiwas?" paggambala ni Susie sa pag-aanalisa niya sa naging reaksyon ng kalalakihan. "Hindi ako nangangagat!"
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...