"Nakikita mo 'yun gusali na may pulang bubong?" mahinang binulong ni Joaquin kay Pablo habang nakasilip sila sa masukal na damuhan. "Nariyan ang pagawaan ng armas. Kung susunugin natin 'yan, paniguradong magkakagulo dahil sa dami ng explosives. Magre-red alert ang mga kasamahan ko at mababawasan ang mga bantay sa mga harang, sa bawat sulok ng Sitio Almira. Kadalasan, mga dalawampung porsyento ang pinupull-out sa amin noon kapag may emergency kaya malamang, kapag nasunog 'yan, hihigit pa.
Mabilis na gumalaw ang mga mata ng pari upang obserbahan ang nasa paligid. Tahimik na nagbilang siya gamit ang isipan at napansin niya na sa loob ng isang minuto ay nakakatatlong ikot ang mga rumuronda sa lagusan ng lugar. Tahimik at walang ilaw sa loob kaya sa pagkakaalam niya, walang tao ang masasaktan sa oras na kumilos na siya.
"Nasaan ang parteng may pinakamaraming pampasabog?" pag-uusisa na niya.
"Sa kanan," tugon naman ni Joaquin. "Madilim lang kasi kaya hindi ko matukoy. Kung makikita mo lang sana 'yun silid na may bilang na 606, naroon ang mga pulbura. Sa Room 608 naman, ang mga granada."
Napakunot ang noo ni Pablo nang mapag-alamang napakarami palang armas ng mga miyembro ng kulto ng bakunawa. Kung hahayaan na mas lumakas ang puwersa nila, maaari pang maging mapanganib na grupo hindi lang sa probinsya ng Gerona maging sa buong bansa.
"Pahiram muna." Nilahad niya ang kamay upang makuha ang dalang rifle ni Joaquin. Walang pagdududang iniabot naman iyon ng kasama sapagkat nagtitiwala na ito bilang kaibigan at kakampi. "Sana, umayon ang lahat sa napag-usapan natin."
Iyon ang naisip nila na pinakamainam na paraan upang humina ang depensa sa lugar dahil mahigpit ang pagbabantay sa mga border. Kung magiging agresibo naman ay mag-aalanganin din sapagkat may kasama silang mga babae at isang sanggol na posibleng mapahamak. Pinahintay muna nila sina Charito sa sementeryo, sa ilalim ng pinaglumaang mauseleum upang manatiling ligtas habang isinasakatuparan nilang mga lalaki ang plano na makatakas.
"Teka, marunong kang umasinta?" hindi makapaniwalang napabulalas ni Joaquin nang makitang inangat nga ni Pablo ang baril paitaas, sa bandang kanan. Sa porma nito at paggalaw ng nga mata, kitang-kita niya na sanay ngang humawak ng armas ang kabanal-banalan na pari. "Paano ka natuto?"
"Oo, graduate kasi ako sa PMA*," sinagot naman ni Pablo habang tinutututok ang sandata sa bintana kung saan natatanaw ang numerong 606. Madilim man ay nasisilayan iyon ng paningin niya na katulad ng sa pusa na mas matalas sa gabi. "Pagkatapos, pumasok ako sa seminaryo."
(Philippine Military Academy)"PMA?" Napaawang tuloy ang bibig ni Joaquin sa nadiskubre. Siya man ay sinanay sa pakikipaglaban, ang tingin niya sa mga nakapagtapos sa prestiyosong eskwelahan ng Armed Forces of the Philippines ay malaking karangalan at achievement. Sa pagkakabalita pa naman niya, hindi basta-basta ang mga natatanggap sa eskwelahan kaya noong mas bata pa at wala pang asawa, nangarap din siyang mag-aral doon. "Malupit ka, Padre! Siguro, top student ka pa!"
"Hindi naman," pagtanggi rin naman ni Pablo na tanggapin ang papuri sapagkat para sa kanya, mahuhusay talaga ang mga naging ka-batch at aminadong lumilipad pa ang isip noong teenager pa. "Madalas akong pasang-awa kaya hindi ko sigurado kung tama ba ang ginagawa ko. Bahala na si Lord, kung saan magtutungo ang bala."
Nagmatyag muna siya sa mga lalaki na parang mga robot na umiikot sa gusali. Kahit na mga kalaban pa ay inaalala rin niya ang mga ito at ayaw mapahamak kaya inoorasan niya ang paggalaw ng mga ito. Nang sumakto ang pagkakataon na malayu-layo na ang mga bantay sa silid na may pulbura at bomba, doon na niya kinalabit ang gatilyo.
Umalingangaw ang putok ng baril at 'di nagtagal ay tumama ang bala sa bintanang yari sa salamin. Tumagos iyon sa gitna ng numerong 0 ng Room 606 at katulad nga ng inaasahan niya, dinig sa loob ang pagsabog ng pulbura. Mabilis na lumabas ang maitim na usok sa bintana at katulad ng balak nila ni Joaquin, nagkagulo nga ang mga tauhan doon. Nagtatakbo sila palayo upang mailigtas ang mga sarili sa mas malalang eksplosyon.
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...