Nakalaya na ang Sitio Almira mula sa diyos-diyosan na bakunawa at mga bantay na nagkukulong sa buong nayon. Ganoon pa man ay binabantayan pa rin ang lugar ng mga sundalo at pulis upang makaiwas sa posibleng pagbabalik nila sa nakagawian.
Tinuturuan na silang mag-transition sa outside world ng mga volunteers at ini-evaluate kung may naging traumatic experiences para maalalayan o kaya nang maging independent. Inaayos na rin ng gubyerno ng Gerona ang pagpapaaral sa mga kabataan at pagbibigay ng livelihood programs upang makapagpatayo sila ng sariling negosyo o makipagtrabaho sa labas ng sitio.
Ang mga itinuro ng mga naroon na pumatay sa mga dalagita ay ikinulong at kasalukuyang hinihintay pa ang desisyon ng korte. Kasama ang ama ni Charito na si Narcing sa mga hinuli sapagkat siya ang lider na naging panatiko sa bakunawa at walang awang pumaslang sa mga batang babae. Imbis na akuin ang kasalanan ay idinadawit pa nito ang asawang si Sally at anak na panganay.
Mabuti na lamang at dinepensahan si Joaquin ng kapatid na si Charito, at nakababatang pinsan na si Romina. Ayon sa salaysay nila, nais nga nitong kumalas sa kulto at itinakas pa sila. Napatunayan na napilitan lang din itong maging bantay dahil sa pananakot ng ama na papaslangin ang mag-ina na sina Mildred kung hindi susunod sa nais. Lahat ng mga tinanong na kanayon ay nagsabing mabuting tao ito at tahimik pa nga kaya pinalaya na ng mga pulis. Isa pa sa mga naging witness na nakatulong upang maabsuwelto ito ay si Pablo. Ikinwento niya na kasama pa nga niya ito sa pagtakas sapagkat gusto nitong umalis sa puder ng tatay na kumukontrol sa buong nayon.
Si Aling Sally naman, ang ina nina Joaquin at Charito, ay pinadala sa Rehabilitation Center at na-evaluate na dumadanas pala ng Post Traumatic Stress and Disorder. Napag-alaman kasi sa history nito na inaabuso pala ng asawang si Narsing hindi lang sa pisikal, maging sa mental at emosyonal na aspeto. Ayon sa mga doktor na tumingin sa ginang, matagal-tagal na therapy ang pagdadaanan nito upang maihandang makihalubilo muli sa iba't ibang mga tao.
Nabalitaan man ng magkapatid ang sinapit ng mga magulang, hindi pa rin sila handang dalawin o harapin ang mga ito. Sa ngayon, sapat muna na sila ang nagdadamayan lalo na at napakalalim ng sugat na binigay ng ama't ina at kailangan muna nilang gumaling bago makapagpatawad.
Habang pinagte-training muna si Joaquin ng vocational course na Automotive Servicing upang maging mekaniko sa isang malaking shop ng mga sasakyan, pansamantala muna silang nanunuluyan na kanyang mag-ina sa Recollection Area ng San Nicolas. Kasama rin ang kapatid na si Charito at pinsan nilang si Romina na nananalagi sa lugar.
Naligtas man sila ay hindi pa rin maiwasan ni Charito na maging malungkot at matamlay. Palagi itong nakadungaw sa may bintana upang hintayin ang pagbabalik ni Pablo mula sa Maynila.
Ilang araw na itong hindi nagpaparamdam sa kanya kaya inakala niyang pinabayaan na at iniiwasan. Wala siyang kaalam-alam na kaya pala abala ang binata ay dahil nagtungo ito sa siyudad upang um-attend ng meeting ng kanilang religious organization. Kasabay ng pagluwas doon ay inaasikaso na rin nito ang mga papeles nila ni Romina upang makapag-aral na sila sa Tarlac. Mahaba-haba ang naging proseso at kinailangan pang maghintay ni Pablo sa mga ahensya upang ma-release ang mga importanteng dokumento kaya halos tatlong araw din ang itinagal nito sa lugar.
Pagsapit ng Sabado ay bumalik ang kanyang sigla nang masilayang papasok na muli sa lugar ang lalaking minamahal. Hindi pa man lubusang magaling ang mga sugat ay sabik siyang lumabas ng bahay at sinalubong ito kaagad. Masuyong binati naman siya ni Pablo kaya naglaho na ang pananamlay. Napangiti siya ng abutan pa siya nito ng kahon ng donuts bilang pasalubong.
"Para sa inyo." Iniabot nito sa kanya ang mga tinapay na may iba't ibang kulay at flavors. "Kumain ka nang maayos, neh? Medyo namumutla ka pa."
"Salamat," tuwang-tuwa na sinambit naman ni Charito. Nahihiya man ay naglakas-loob pa rin siyang imbitahin ito sa loob ng bahay upang kumain. "Baka gusto mong sabayan na kaming mag-almusal. Naghanda si Ate Mildred ng sinangag at daing na bangus."
BINABASA MO ANG
Pablo
ParanormalTaong 1962, ang panahong namamayagpag sina Amalia Fuentes at Gloria Romero ng Sampaguita Pictures, may isang kakatwang pari na nanilbihan sa parokya ng San Nicolas. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya dahil sa angking katapangan na kahit mism...