Case Number 8: Haunted House (Part 12)

19 1 1
                                    

"Kapag may kailangan ka po, pakipindot na lang itong bell," panuto ni Pablo sa among lalaki na si Carlos habang inaayos na ang unan nito sa may likod.

"Salamat," nakangiting sinambit naman ng ginoo na sumisigla na dahil sa matiyagang pag-aalaga ng katiwala na sinisigurong hindi ito nagmimintis sa mga gamot at checkup sa doktor. Unti-unting nagagalaw na nito ang mga kamay kaya nagkaroon ito ng pag-asa na 'di magtatagal ay makakalakad na rin muli. "Marahil kung wala ka, lumala na ang karamdaman ko..."

"Natutuwa ako sa improvement mo. Kaunting tiyaga, lalakas ka na. Sige po, magpahinga ka na para bukas, susubukin natin na makapaglakad ka kahit kaunti sa labas."

Tumayo na siya sa mula sa higaan at nagtungo sa may pintuan. Subalit, bago niya nahawakan ang doorknob ay tinawag na siya ni Carlos.

"Pablo, m-may itatanong lang sana ako," may kaba at nauutal na pahayag nito.

"Ano po 'yun," pagpayag niya. Muli ay bumalik siya sa kinaroroonan ng ginoo upang makinig sa kung anumang nais nitong mapag-usapan.

"Huwag mo sanang mamasamain," paninimula nang mag-imbestiga nito sa posibleng namamagitan sa kanya at sa asawa nito.

"Ang alin po?"

"Napapansin ko na labis kang kinatutuwaan ng asawa kong si Lavinia. M-Mayroon ba kayong inililihim sa akin?"

"Ano po?" napabulalas tuloy niya sa 'di inaasahang katanungan. Dahil sa pagkabigla ay nangapa rin siya sa nararapat sabihin. Tunay na nagpapakita nga ng motibo si Lavinia sa kanya pero iniiwasan naman niya ang mga pang-aakit nito. Malinis ang kanyang kunsensiya pero kahit paano ay parang ramdam niya na may kasalanan pa rin siya sa ginoo at nahiya pa na binibigyan ito ng rason upang magselos.

"Ang mga masuyong tingin niya sa iyo, hindi ko kailanman natanggap mula sa kanya," may bahid ng lungkot na sinambit ni Carlos kaya naawa siya lalo sa kalagayan nito bilang isang martir na mister. "Hindi ko naman siya masisisi, dahil may sakit ako...isa na akong inutil..."

"Sir, huwag po kayong mabahala," pagpapakalma niya sa ginoo na kahit sinisikap na magpakahinahon ay nahahalatang nababahala pa rin.

"Hindi ko po ikakaila, may mga akto siya na sa palagay ko ay hindi nararapat sa may asawa na. Pero naging klaro po ako sa kanya na hanggang magkaibigan lang kami. Ako ay empleyado ninyo at hanggang doon lang ang magiging relasyon namin..."

Imbis na gumaan ang kalooban ay mas naging malamlam ang mga mata ni Carlos. Kumbinsido man na hindi nga siya pagtatrayduran ni Pablo ay hindi mawala sa isipan niya na gagawa ng paraan ang kabiyak upang hiwalayan na siya at ipagpalit sa katiwala. Kilala niya ang ugali ni Lavinia na hindi ito tumitigil hangga't hindi nakukuha ang nais.

Bumalik sa alaala niya na noong hindi pa sila mag-asawa at sekretarya pa lamang niya ito sa opisina, hindi nga siya tinigilan nito hangga't hindi niya binibigyan ng pansin. Sa katagalan, sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ramdam niya na hindi niya na kayang mabuhay na wala si Lavinia. Tila ba nagayuma siya nito at naging sunud-sunuran pa. Magpasahanggang ngayon, kahit na pinapabayaan na ng kabiyak ay hindi niya pa rin maisip na magkakahiwalay sila.

Pilit siyang ngumiti upang huwag ipakita kay Pablo na sa kaloob-looban ay nagseselos dahil sa ito na ang bagong interes ng misis at hindi na siya. Napagtanto niya na wala naman ngang kasalanan ang binata at sa katunayan ay napakabuti pa nga sa kanya at pinagtitiyagaan siyang alagaan kahit na tambak na ang trabaho sa mansiyon.

"Pasensiya na sa pagiging mapanghimasok ko," sinambit niya upang maiwasan na magkalamat ang pagkakaibigan nilang mag-amo.

Ngumiti naman si Pablo na nauunawaan din ang nararamdaman ng amo. Para sa kanya ay mas mainam nga na nalaman niya ang saloobin nito upang magawan niya ng paraan na huwag nang pagselosan pa.

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon