Case Number 8: Haunted House (Part 3)

31 3 2
                                    

Pagsapit ng hapon ay kinailangan nang bumiyahe ni Pablo patungong San Miguel, Tarlac. Inimbitahan siya ng obispong si Mark na makipagkita sa mga nakatataas sa tungkulin ng kanilang religious order na Servants of the Holy Cross. Naisip ng nakatatandang pari na mas mainam kung siya mismo ang magpe-present ng mga projects nila sa parokya ng San Nicolas.

Maliban sa pagre-report ng mga missionary and charitable proposals nila, makikiusap din kasi siya ng karagdagang budget upang mapalawak ang gusali ng proyektong Home for Abandoned Women and Children. Dahil dumadami na ang mga nananatili roon, naisip niya na makabubuti kung madadagdagan ang mga silid ng istraktura. Siksikan na rin kasi ang mga bata sa kwarto kaya kung mapagbibigyan, kahit paano ay giginhawa ang pananalagi ng mga ito.

"Heto po, successful ang charity event natin last month," masiglang paglalahad niya sa kasabay ng paglalagay ng check sa cartolina kung saan nakasulat ang reports niya. "Ang aim po namin ni Father Mark, bago matapos ang buwan ay makapag-medical mission naman sa mga liblib na lugar sa Tarlac. May mga napa-pledge naman ako na sponsors ng mga gamot, tatlong doktor at sampung nurses na mag-a-assist kaya kaunting paghahanda na lang, maisasakatuparan na ito."

"May questions pa po ba?" pagtatanong na niya sa mga senior na pari na nanatiling walang imik kahit na natapos na niya ang buong report. Nagtinginan lang ang mga ito na tila ba tahimik na nag-uusap kung nararapat ba na kausapin siya. Alam kasi ng mga ito ang record niya simula pagkabata kaya mababa ang tingin nila sa kanya at hindi man kinukunsiderang tunay na kamiyembro ng religious order. Tanging si Mark lang ang pumalakpak at pinuri pa ang effort niya na magsalita sa harapan.

"Very good! Talagang kapag ikaw ang pinahawak ko ng projects, well-planned at pulido!" pag-appreciate ng butihing obispo. "Hmmm, mukhang nakalimutan mong sabihin ang isa pa na 'special project' mo. Maybe, this is the best time for us to hear that!"

"May I have some of your time pa po?" nahihiyang pakikiusap niya sa ibang mga pari na napairap pa dahil sa pagtatagal niya roon. Batid niyang hindi man welcome sa kongregasyon ay kinapalan na niya ang mukha alang-alang sa mga kabataang nais tulungan.

Nilatag niya sa mesa ang building plan na siya mismo ang gumuhit. Detalyado ang nakalagay sa papel kung saan pati mga puno at playground ay nilagay rin niya. Napakunot ang noo ng mga nakatatanda dahil nagtataka sila kung para saan iyon.

"May inaalagaan ako na project, ang Home for Abandoned Women and Children," paninimula na niyang magpaliwang kung para saan nga ba gagamitin ang karagdagang pondo na hihingin mula sa kongregasyon. "Nakatayo ang building nito sa right side ng Simbahan."

Tinuro niya ang drawing ng bakanteng lote kung saan balak niyang pagawan muna ng isang palapag na gusali.

"Plano ko sanang magpatayo ng additional building diyan na may sampung resting rooms; tig-iisang silid para sa opisina, kitchen at kainan; at limang palikuran. Kaya nitong mag-accomodate ng isang daang mga tao..."

Nagambala ang paglalahad niya ng building plan nang marinig ang malakas na paghikab mula sa may edad na paring si Lucas na nakatalaga na ngayon sa siyudad ng Maynila. Kung noon ay puno ng awtoridad ang itsura nito at may matikas na pangangatawan, kapansin-pansin na sa paglipas ng mga taon ay namayat na ito. Pumuti na rin ang mga buhok nito at bakas ang mga guhit sa mga mukha. Kaedaran lang niya ang kapwa obispong si Mark pero ngayong magkatabi sila, mapagkakamalan pa na junior priest ang dating kaklase sa seminaryo.

Maglilimang taon na itong pinabitiw ang San Nicolas Parish sapagkat nireklamo ng mga estudyante sa school at mga sakristan bilang mapagparusa at abusado. Nagkataon pa na mayamang pamilya rin ang nakabangga nito kaya muntikan pa na magdemandahan sa korte kung hindi lang nakipag-areglo ang kapatid nito na tauhan ng isang senador. Upang hindi na lumaki pa ang eskandalong kinakasangkutan, hindi na siya pinahawak pa ng mga parokya at in-assign na lang sa Main Office ng Servants of the Holy Cross.

PabloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon