120. POSAS

3 0 0
                                    

nakaraan, nakalaan

Pareho ng tugma,
Parehong apat ang pantig sa huli at simula
May walong letra at parehong salita
Gamit sa pangungusap, maging sa parirala.

Ngunit hindi pareho ng kahulugan,
Dahil ang nakaraan ay sumisimbolo sa oras na 'di na mababalikan
Hindi ito tulad ng dalampasigan na sinasampahan ng tubig
'Pag napagod na ang mga alon sa paghilig.

Ang nakalaan
Ay matamis na termino sa susunod na kasalukuyan.

Kaya kung hindi na mapipigil ang nginig sa kamay ng orasan
Ay tatanggapin na lang ang inilapat mo sa'king katuringan
Ako ang nakaraan
Siya ang nakalaan

Kung sa habang-buhay na ito ay hindi tayo pinahintulutan
At kung hindi na mapipigil ang pagkumpas ng buhanging nasasagi ng tubig sa dalampasigan
Pangakong isasabay ko sa paglikas ang pag-ibig patungo sa susunod na habang-buhay
At aasa... na roon, wala nang paghihintay at pag-ibig lang ang nananatiling pinakatunay.

- Ako ang Nakaraan, Siya ang Nakalaan

TULAPROSASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon