Kaligirang Pangkasaysayan ng Taong Nang-iwan
Sa bawat pagbitaw ay laging may dahilan
At hindi palaging aakbay sa'yo ang mundo upang ika'y kampihan
Kaya kailangan mong matutong kusang tumahan
Dahil hindi rin lahat ng taong gusto mong ipanalo ay marunong lumaban.Sa laro ng tadhana na palaging puso ang taya,
Kapag binigay mo ang lahat, talo ka.
At sa pagpihit din ng larong binubuhay ng pandaraya,
Kung hindi ka sasapat, iiwan ka.Ngunit ito ang maling pag-unawa ng karamihan
Dahil isang sampal ang nagmulat sa'kin sa katotohanan.Akala ko, ang maiwan na ang pinakamasakit kong magiging bubog
Ngunit napagtanto kong mali ako nang minsang umahon sa pagkahulog.
Hindi lang pala ang mga naiiwan ang nasasaktan at nadudurog
Dahil kagaya lamang ito ng kidlat na iniwan ang kulog.
Masakit maiwan nang ang dahilan ay paglaya
Ngunit masakit din pa lang mag-iwan kung sa pagpapalaya niya ay hindi ka handa.Siguro nga ay dapat lang akong tawaging "estupida"
Dahil noong nagdesisyon akong iwan ka ay hindi na ako dapat umasa pa
Na pipigilan mo 'ko at lalambingin sa pagluha.
Kasi kung ayaw mo 'kong umalis, hindi ka papayag
Kung gusto mong ilaban pa ay sasamahan mo 'ko sa paglayag.Ang laki ko pala talagang estupida,
Hindi kasi ganyan magmahal ang taong buo na.
Kaya patawad kung dumating ako sa buhay mo para lang iwan ka,
Hindi ko kasi kayang dalhin ang bigat ng luha kung isasama pa kita.Gusto kong gumaan ang bitbit ko bago humarap sa totoong laban ng buhay
At ayokong gawin ka lang panangga sa hindi matansiyang paghihintay.Totoo pa lang darating ang puntong may kailangang bumitaw para gumaan,
May kailangang maiwan upang umusad ang mabagal na pag-andar.
Kaya pasensiya na kung pinili kong umalis kaysa lumaban,
Napagtanto ko kasi na hindi sapat na nagmamahalan lang.Kailangan ko pang buuin ang piraso kong nahulog ko sa daan,
Kailangan ko pang harapin ang responsibilidad na minsan kong tinalikuran.
Ganito pala ang pakiramdam nang may maiwan...
Hindi buo, hindi kumpleto at may bigat na nakadagan.Sa mundong walang permanente, madalas at dalawa lang ang pamimilian...
Tama o mali, oo o hindi, aalis o mananatili
Ngunit kahit ano namang piliin natin ay hindi aayon ang lahat ng piraso sa nais nating kalagyan,
Hindi rin lahat ng gusto nating ipanalo ay maaari nating ipaglaban.At kailan nagiging pinakamasakit mang-iwan?
Kapag alam mong hindi ka na pipigilan.
At bakit naging pinakamasakit na bubog ang paglaya?
Dahil alam niyo pareho na ang daloy at elektrisidad ng pag-ibig ay kailangan nang tumila.
BINABASA MO ANG
TULAPROSAS
Poetry"TULAPROSAS" Tula. Prosa. Posas. Rosas. - Kalipunan ng mga Tula at Prosa na kumawala sa Posas bilang mga Rosas