Enjoy reading!
Pagsapit nang sabado at madaling araw pa lang ay ginising na ako ni mama upang mag-ayos ng mga dadalhin kong gamit. Kinusot ko pa ang mga mata ko dahil sa antok habang walang ganang bumangon ng higaan.
"Anak, kumuha ka na ng susuotin mo. Ako na ang bahala sa pampalit mo mamaya." Turan ni mama at kinuha ang isa kong bag sa cabinet. Pumunta na rin ako sa damitan ko upang maghanap ng masusuot mamaya kapag tatakbo na at pagkaraan ay lumabas na ako ng kuwarto upang maligo.
Ilang minuto rin akong nagtagal sa banyo at nang lumabas ako ay nakasalubong ko pa si Kuya Edward na may kausap sa kaniyang selpon habang papunta sa kusina. Nang makabalik ako sa kuwarto ay wala na rin doon si mama at nakahanda na ang bag ko na may lamang mga gamit.
Agad kong inayos ang sarili ko at nang matapos ay sinukbit ko na ang aking bag at lumabas ng kuwarto.
Nadatnan ko si Kuya Edward sa kusina habang umiinom ng kape at kumakain.
"Anak, kumain ka na rin. Kailangan niyong kumain para may lakas kayo mamaya kapag tatakbo na." Sabi ni mama at inilapag ang pagkain ko sa lamesa. Umupo ako at sinimulan ng kumain.
"Bilisan mo, Ki." Sabi ni Kuya at tumayo habang dala ang pinggan niya papunta sa lababo. Bakit ang bilis niyang kumain! At dahil ayaw kong makarinig ng sermon galing sa kaniya ay binilisan ko na rin ang pagkain ko.
At dahil busog pa ako ay hindi ko rin naubos ang pagkain ko. Mabilis akong tumayo at dinala sa lababo ang pinagkainan ko at pagkaraan ay lumabas na ako ng kusina.
Madilim pa sa labas ngunit narinig ko na ang pag andar ng kotse ni Kuya Edward sa labas. Bakit ba siya nagmamadali?
"Ki, naroon na ang kuya mo sa kotse. Mag-enjoy ka roon." Sabi ni mama na kagagaling lang sa banyo.
Ngumiti ako sa kaniya at kumaway at pagkaraan ay naglakad na palabas ng bahay.
Hindi ko alam kung bakit nagmamadali itong kuya ko. Hindi pa naman kami late para sa fun run dahil alas singko pa lang at halos kalahating oras lang naman ang biyahe patungo sa university kung saan siya nag-aaral. Alas-sais ang simula ng fun run kaya kapag dumating kami roon ay may kalahating oras pa kami.
"Huwag kang lalayo mamaya sa amin ni Jack." Paalala niya habang bumibiyahe kami. Tumango lang ako habang isinasandal ang ulo sa head rest ng inuupuan ko.
"Wala ka bang dalang jacket?" Tanong niya. Siguro ay nakita niya akong nakayakap sa sarili ko kaya niya naitanong iyon.
"Wala. Nakalimutan ko magdala." Turan ko.
"Manghihiram na lang tayo mamaya." Sabi niya at hindi na muli pang nagsalita. Agad ko namang ipinikit ang mga mata ko dahil antok pa talaga ako. Dapat ay pahinga ko ngayon dahil sabado ngunit isinali pa ako ni papa sa fun run.
Mabuti nga at hindi na rin pumupunta si Jack Jendrick sa bahay kaya kahit papaano ay hindi ko na siya nakikita. Ngunit talagang magkikita kami mamaya kapag nakarating na kami roon.
Naggising ako nang may naramdaman akong tumapik sa braso ko at pagdilat ko ay mukha ni Kuya Edward ang nakita ko.
"Gising na." Sabi niya at agad na tinanggal ang kaniyang seat belt. Umayos ako nang upo at tinanggal din ang seat belt ko at lumabas na ng kotse.
"Edward." Napatingin ako sa tumawag sa kuya ko at mukha ni Caila ang bumungad. Bakit siya narito? Isinali rin ba siya ni Jack Jendrick?
"Kuya, bakit siya narito?" Bulong ko kay Kuya Edward nang lumapit ako sa kaniya. Sinamaan niya ako ng tingin.
"Anong tanong 'yan, Ki? Lahat ay puwedeng sumali rito. Nakasali ka nga e." Masungit niyang sabi kaya inirapan ko na lang siya. At ang ipinagtataka ko ay bakit parang magkaibigan na rin silang dalawa?
BINABASA MO ANG
Be My Endgame
Teen FictionWala pa sa isipan ni Kiera Buenaventura ang pumasok sa isang relasyon. Bukod sa pinagbabawalan siya ng nakatatanda niyang kapatid na lalaki ay abala rin siya sa kaniyang pag-aaral. Ngunit biglang gumulo ang tahimik niyang buhay nang makilala niya a...