Enjoy reading!
"Happy birthday po." Bati ko kay Tita Jacqueline pagkatapos niyang ihipan ang kandila sa inihandang cake para sa kaniya.
"Salamat, hija. Halika, kumain na tayo." Sagot niya at hinawakan ako sa kamay at binigyan ng plato. Napangiti na lang ako sa pagtrato niya sa akin na parang anak niya.
Agad akong kumuha ng kanin at ulam sa medyo mahaba nilang lamesa.
"Bakit ang konti ng kinuha mong kanin?" Napatingin ako kay Jack Jendrick nang magsalita siya sa tabi ko na kumukuha rin ng kanin.
"Busog pa ako." Turan ko. Ngunit nagulat ako nang magsandok siya ng kanin at inilagay iyon sa pinggan na hawak ko.
"Damihan mo ng kain para tumangkad ka." Biro niya. Dinagdagan niya rin ang ulam ko at hindi ko alam kung mauubos ko ba lahat ng ito.
Nang matapos na ay agad akong umupo sa tabi ni Kuya Edward. Nauna siyang kumuha ng pagkain niya kaya nauna rin siyang kumain at para bang wala siyang pakialam sa paligid niya. Parang hindi kumain nang isang linggo.
Tiningnan lang niya ako saglit at kumain na muli.
At habang kumain kami ay walang hinto ang pag-uusap nila habang nakikinig lang ako.
"Ikaw, hija, anong grade ka na?" Biglang tanong ni Tita Jacqueline kaya napahinto ako sa pagkain.
"Grade eleven pa lang po ako." Turan ko.
"Isang taon na lang ay graduate ka na sa senior high. May napili ka na bang papasukan na university?" Tanong niya muli. Lahat sila ay nakatingin sa akin at naghihintay ng magiging sagot ko.
Isang university lang ang gusto kong pasukan. Iyon ay ang university kung saan nag-aaral si Kuya Edward at Jack Jendrick. Bukod sa iyon lang ang pinaka malapit na university rito ay gusto ko rin na iisang school lang kami ni Jack Jendrick upang palagi ko siyang makikita.
"Sa pinapasukang university rin po nina Kuya Edward." Sagot ko.
"Mas mabuti iyon, hija para mabantayan ka ng dalawa mong kuya. Nako, marami ngayon ang nabubuntis nang maaga kaya huwag na munang mag boyfriend." Wika niya.
"Don't worry, ma, sa amin lang sasama si Kiera kapag nag-college na siya." Sabi ni Jack Jendrick at tumingin sa akin kaya umiwas ako ng tingin.
"Hindi ko rin po hahayaan na magkaroon ng boyfriend si Kiera habang nag-aaral." Sabi rin ni Kuya Edward at seryosong nakatingin sa akin.
"Para niyo namang tinatakot si Kiera. Huwag mo silang pansinin, hija. Kumain ka pa." Natatawang sabi ni Tita Jacqueline. Pilit akong ngumiti at nagpatuloy na muli sa pagkain.
Napahawak ako sa aking tiyan dahil sa kabusugan. Hindi ako iniwan ni Jack Jendrick hanggat hindi ko nauubos ang pagkain sa plato ko.
Nag presinta rin akong tumulong sa pagligpit ng mga pinagkainan namin ngunit hindi ako hinayaan ni Tita Jacqueline.
"Ako na rito. Mag-enjoy ka roon sa labas." Turan niya at inayos na ang mga plato. Wala na rin sina Jack Jendrick at Kuya Edward at tanging silang mag-asawa na lang at ang isang babae na sa tingin ko ay nagbabantay ng resort nila rito.
Abala silang tatlo kaya umalis na lang muna ako upang maglakad lakad dahil nasobrahan ako ng kain kanina. Mula sa pinatayo nilang maliit na canteen ay rinig ko ang hampas ng alon mula sa dagat na pagmamay-ari din nila.
Tahimik ang lugar at tanging ingay mula sa alon ng dagat lang ang maririnig. Medyo malakas rin ang hangin ngayon at ramdam ko ang lamig sa tuwing iihip ang hangin kaya napayakap ako sa aking sarili habang tumingala sa langit.
BINABASA MO ANG
Be My Endgame
Novela JuvenilWala pa sa isipan ni Kiera Buenaventura ang pumasok sa isang relasyon. Bukod sa pinagbabawalan siya ng nakatatanda niyang kapatid na lalaki ay abala rin siya sa kaniyang pag-aaral. Ngunit biglang gumulo ang tahimik niyang buhay nang makilala niya a...