Kabanata 20

506 11 4
                                    


Enjoy reading!

Kanina pa ako pabalik balik sa pagbabasa dahil hindi ko naiintindihan. Naiisip ko pa rin ang mukha niya kanina. Pagkatapos ng birthday niya ay ngayon lang ulit kami nagkita.

Ngunit ganoon pa rin ang sakit. Gusto kong ngumiti man pabalik kanina ngunit kailangan kong protektahan din ang sarili ko. Ayokong dagdagan pa ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Ayokong umiyak na naman.

"Ki?" Napatingin ako sa pinto nang marinig ko ang boses ni Kuya Edward. Bumukas iyon at pumasok siya.

"Umalis na ba sila?" Tanong ko.

"Hindi pa. Pero baka gusto mong magpaalam sa kaniya bago ka pumunta ng Iloilo?" Mahinahon niyang sabi.

"Huwag na, kuya. Dito na lang ako." Sagot ko. Bumuntong hininga siya.

"Sige, kung 'yan ang gusto mo. Bumalik kami rito dahil nag-aalala si Jack sa 'yo kanina dahil naiwan kang mag-isa rito. Kaya rito na lang kami tumambay." Paliwanag niya. Tumango lang ako. Pagkaraan ay naglakad na rin siya palabas ng kuwarto.

Hindi na muli pa akong nagbasa ng libro. Ipinatong ko iyon sa maliit kong mesa at nakita ko roon ang pinaka unang relo na regalo sa akin ni Jack Jendrick. Kinuha ko iyon.

Ito na lang ang natitirang alaala niya sa akin. Ang pinaka unang regalo niya sa akin noong birthday ko. Ngunit hanggang alaala na lang ang relo na 'to. Hanggang alaala na lang ang mga masasayang nangyari sa amin noon.

Lumipas ang dalawang araw at tapos na ako sa pag-aayos ng mga gamit ko at nakahanda na ang lahat sa pag-alis ko ngayong araw. Nanatili ako sa loob ng kuwarto habang tinitingnan bawat sulok dahil sigurado ako matagal pa bago ako makakauwi rito.

"Anak?" Napatingin ako sa pinto ng kuwarto nang pumasok doon si Mama at Papa.

"Okay na ba lahat?" Tanong ni Papa. Tumango lang ako.

"Hindi na ba magbabago ang desisyon mo?" Malungkot na tanong ni Mama.

"I'm sorry, Ma. Buo na po ang desisyon ko. Tatawag naman po ako rito sa inyo palagi." Nakangiti kong sabi. At nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.

"Mag-ingat ka roon. Huwag mong pababayaan ang sarili mo." Naiiyak na sabi ni Mama.

"Opo, Ma." Mahina kong sabi.

"Tara na. Ihahatid ka namin sa airport." Sabi niya habang pinupunasan ang luha sa kaniyang pisngi. Sabay kaming tatlo na lumabas ng kuwarto habang dala ang mga gamit ko.

Pagdating namin sa sala ay naroon na si Kuya Edward habang nakatingin sa amin. Halata rin sa mukha niya ang lungkot sa pag-alis ko.

Habang bumibiyahe kami ay walang sawa na pinapaalala sa akin ni Mama ang mga dapat kong gawin. Paulit ulit na iyon ngunit natatawa na lang ako.

"Huwag kang tumawa riyan, Ki. Dapat alam mo kung paano magluto kahit prito lang para hindi ka gutumin doon." Sermon niya.

"Opo, Ma." Sagot ko.

Ilang oras din ang biyahe namin bago nakarating sa airport. At nakikita ko na naman ang iyak ni Mama at niyakap ako.

"Ang mga sinabi ko sa 'yo huwag mong kalimutan." Naiiyak niyang sabi. Tumango lang ako.

"Mag-ingat ka roon." Sabi rin ni Papa at niyakap din ako.

"Opo, Pa." Sagot ko pagkatapos niya akong yakapin. Tiningnan ko naman si Kuya Edward.

"Ang tapang mo para lumayo. Tawagan mo ako palagi." Mahina niyang sabi nang yakapin niya ako.

"Thank you, kuya." Mahina kong sabi pagkatapos niya akong yakapin.

Be My Endgame Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon