Chapter 5

9 0 0
                                    

CHAPTER 5

Lucille's P.O.V.

I don’t believe in ‘meant to be’, but I believe in ‘soul mate’.

Wednesday na at isa nanamang nakakapagod na araw para isipin kung saan ako kukuha ng baon ko bukas. 300 pesos nalang ang natira sa ibinigay sa akin ni Ma’am Sofie, at hindi ko alam kung kakasya pa ‘yon.

Binuksan ko ang cellphone ko at naghanap ng mga tutorials sa internet sa iba’t iba pang technique ng pagtugtog ng mga usual na kanta sa misa. Ang alam ko ay tutugtog na ako sa Linggo at kinakabahan na ako ngayon pa lamang. First time kong tutugtog sa harap ng maraming tao, pero ang maiiba lang ay tago ang mukha ko dahil nasa gilid kami at hindi sa harap.

Habang nag-eexperiment ako na pagandahin ang pagtugtog ko ay nabulabog ako sa ingay na hindi ko inaasahan. Tumigil ako sa ginagawa ko at pinakinggan ko na lamang sila.

“Bakit mo siya bibigyan?” tanong ni mama. Alam ko naman na dahil sa akin kaya sila nag-aaway.

“K-kasi nga kailangan niya ng pera.” Mahinahon ang pagsasalita ni papa pero rinig ko ang paggulong ng wheelchair niya. Papalapit na ito sa akin nang marinig ko ang mabilis na paglayo ng tunog. Dali-dali akong tumakbo at binuksan ang pinto para silipin sila. Gigil na gigil si mama sa paghila ng wheelchair at hindi makapalag si papa. Mabigat ang hakbang niya at halos itulak na niy si papa pabalik sa kusina.

“Hindi ako natutuwa sa ginagawa mo, Fel!” Tumaas na rin ang boses ni papa. “Anak ko rin si Lucille, sana naman naisip mong kailangan niya rin ng pera. Hindi na nga humihingi ‘yan ng pera sa akin simula noong isang lingo. Mas malaki ang naibibigay ko sa inyo ni Jake.” Tumigil si mama sa paghila sa wheelchair ni papa pero nanatili ang masama niyang tingin.

Hindi ko kinakaya ang bigat ng pangyayari kaya dahan-dahan ko na lamang isinara ang pinto at para bang kusa akong naidala ng mga paa ko sa harap ng piano. Hindi ko nakikita nang malinaw ang keys nito at alam kong mali-mali na rin ang napipindot ko pero gusto kong ibuhos ang sakit na nararamdaman ko.

Kinabukasan ay hindi nakapasok si Ethan dahil sobrang sakit ng ulo niya. Isang text lamang ang natanggap ko at sinabi niyang, “Hindi ako makakapasok, hindi ka rin maihahatid. Pakisabi nalang masakit ‘yong ulo ko. Ingat ka, love you!”

“Ms. Castillo, nasaan si Mr. Hernandez?” tanong ni Ma’am Sofie.

“Mashakit po’yong ulo, ma’am,” ‘yon lamang ang itinugon ko sa kaniya.

“Have you talked to him, or even saw him earlier?” tanong niya ulit. Umiling na lamang ako dahil naiilang ako sa tingin ng mga kaklase ko. Para bang may ipinahihiwatig silang hindi maganda.

Kalalabas lamang ni Ma’am Sofie at agad nagpunta sa harap si Myra, “Ang daming hindi pa bayad sa pinang-ayos simula noong pasukan!” halos walang nakikinig sa kaniya dahil may kani-kaniyang ginagawa ang mga kaklase namin.

Para bang naubos ang pasensya ni Myra at lumapit sa akin dahil isa ako sa hindi pa bayad. “Wala akong dala---“

“Lagi naman, kalian ka ba nagkapera? Sana naman nakahihiram ka kahit kaunti.” Naagaw naming ang atensiyon ng mga kaklase namin dahil sa pagtaas ng boses niya. “Ikaw ang may pinakamaraming utang, nakakapagod din mag-abono!” Matapos niya akong sigawan ay kusa na lamang kumirot ang puso ko.

Sa hindi malamang dahilan ay naramdaman ko nalang ang pagtulo ng luha ko. Sa puntong ‘yon ay alam kong nakatingin lang sila pero walang maglalakas-loob na i-comfort ako. Palagi namang ganoon, nariyan sila para panoorin ka at ipakitang concern sila pero walang nagtatanong kung ano ba talagang problema ko.

May practice kami para sa mini roleplay para bukas. Magsisilbing quiz ‘yon sa Araling Panlipunan. Extra lang naman ang role ko at hindi naman ‘yon problema. Inabot kami ng hapon at kumukulimlim na, anumang oras ay babagsak na ang ulan. Hindi naman ganoon kalakas ang kulog pero sobrang dilim ng kalangitan.

“Hindi pa ba tayo uuwi?” tanong ni Paulo. Matalim na tingin ang ibinato ni Phoebe sa kaniya. “Bakit? Uulan na, gusto mo bang mabasa tayo?”

Matapos sabihin ‘yon ni Paulo ay bigla na lamang pumunta si Phoebe sa pwesto niya at padabog na kinuha ang kaniyang bag at umalis. Tahimik lamang kaming nakatayo roon nang magsalita si Marees, “Lagot ka, Paulo.” May halong pang-aasar ang tono ng boses niya.

“Ano nanaman? Totoo naman na uulan na, ayaw pang magpauwi. Mga babae nga naman, bossy!” Kanina pa nakasukbit ang bag sa likod niya kaya umalis siya na parang walang nangyari.

“Alangan naman kayo ‘yong gawing leader, edi walang nangyari.” Umalis na rin si Marees matapos ng sagot niyang ‘yon. Lumalakas na ang hangin at maya-maya pa ay nag-alisan na rin ang mga ka-grupo ko. Nauwi lamang sa away ang practice sana namin.

Mag-isa na lamang ako sa classroom. May ilan pang naiwan sa kabilang section pero pauwi na rin sila. Nag-uumpisa ng bumuhos ang ulan kaya sinamantala kong tumakbo na papunta sa labas. Walang kasiguraduhan kung makakauwi ako sa pamamagitan ng tricycle at gaano man kamahal ang pamasahe ay hindi ko ‘yon iindahin, gusto ko lang mawala.

“Sakay?” tanong ng driver na nauuna sa pila ng toda, pagkatapos ay sumunod ang malakas na kulog. Agad akong sumakay at hindi ko man kilala ang nakaangkas ay sumakay na ako. “Saan ka?” tanong ulit ng driver.

Naunang makababa ang lalaking kasabay ko at may kalakasan pa rin ang ulan. Hindi ko alam kung bakit dito ako dinala ng mga desisyon ko basta para bang hinila nalang agad ako rito ng kung sino o kung ano.

Tahimik ang simbahan dahil wala namang tao. May ilang taong naglalakad sa paligid, ang mga kasamahan ni father na halos dito na rin nananatili sa simbahan sa bawat araw.

Pagpasok ko pa lamang sa pinto ay alam ko sa sarili kong hinahayaan ko na lamang na ibuhos lahat ng sakit, ng sama ng loob. Matagal-tagal na rin mula noong nagkaroon ako ng pagkakataong tanungin ang Diyos kung bakit nangyayari sa akin’to.

Pumunta ako sa pinakadulong upuan sa likod. Gusto ko lamang ng katahimikan. Gusto ko ng kasagutan kung bakit habang tumatagal ay sobrang sakit. Bakit hindi ko man lang magawang bawasan ang iniinda kong paghihirap. Hindi ako kailanman nagalit sa Diyos, wala akong karapatan, at hindi ko dapat siya kuwestiyunin sa bagay na ‘yon. Gusto ko lang malinawan kung bakit sa dinami-rami ng taong makasalanan ako pa. Dahil ba ‘to sa kasalanan kong nagpabago sa buhay namin?

Tahimik lamang akong nakatingin sa krus na naiilawan ng kulay dilaw at may mga querubin sa ibaba nito. Walang masyadong ayos sa simbahan dahil ordinary time naman at hindi rin pala-punta ang ibang server kapag ganitong panahon siguro ay dahil na rin sa busy schedule.

Habang tinatanong ko ang Diyos kung ano bang dapat kong gawin ay hinayaan kong tumulo ang mga luha ko sa pagkakatong ‘yon. Nasa simbahan ako at may kalayaan akong ipahayag ang emosyon ko gaano man kasakit, gaano man kabigat.

Sa bawat araw ay parang paulit-ulit kong nararamdaman na pabigat nang pabigat. Hindi ako makaramdam ng kaginhawahan, hindi ko maramdaman ‘yong pagmamahal ng iba. Sa Diyos nalang ako kumakapit, at kung minsan nakabibitaw pa ako.

Matapos kong sambitin lahat ng dasal ko ay naupo muna ako nang tahimik at pinagmasdan ang paligid ng simbahan. Ang daming nagbago simula noon, pero kalian kaya magbabago ang buhay ko? Kailan kaya ako tatanggapin ulit nila mama? Kailan kaya ako makararamdam ng comfortability na hinahanap ko?

Palabas na ako ng simbahan at medyo madilim na rin talaga. Malapit ng mag-alas sais at wala rin namang maghahanap sa akin kung nakauwi na ba ako o hindi pa. Hindi naging hadlang ‘yon para tanungin ko ang Diyos kung ano ang essence ng existence ko. Gaano man kahirap at kabigat alam kong paulit-ulit na ipaaalala sa akin ng Diyos na may worth ako.

Nakita ko ang isang member ng PYM na may dalang tarpaulin. Maliit lamang ‘yon at nakabuka na ito kaya medyo nababasa ko ang nakasulat. Kasama niya ang ibang server sa simbahan.

‘Metanoia- Purity of Our Hearts’ ang nakasulat. Sa pagkakaalam ko ay tungkol ito sa pagbabago ng buhay ng isang tao o tungkol sa spiritual perspective. Sa Saturday nang gabi ‘yon gaganapin hanggang Sunday nang umaga. Hindi ko alam kung makapupunta si Ethan pero siguro ito ‘yong sagot sa dasal ko kanina.

The Hidden MusicTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon