Chapter 12
Dahil sabado at narito ako kila Ma'am Sofie ay bumungad sa akin ang matinis na tunog na nanggagaling sa piano nila. Hindi na ako nagdalawang-isip pang pumasok doon at nagulat ako sa nasaksihan ko.
"Panginoon, ikaw ang kasibulan ng---" Lumingon siya sa akin dahil siguro naramdaman niya ang pagpunta ko roon. Nasa pintuan lamang ako at nakasilip dahil wala naman akong balak na guluhin siya. Akala ko ay ayaw muna niyang sumali sa mga ministry sa simbahan, pero maganda rin pala ang boses niya at parang pang-choir talaga.
"Tulog pa si Ally," sambit niya at tumayo na mula sa kinauupuan niya.
Nasa pintuan na siya at magkalapit na kami, "Napaaga ba ako?" tanong ko sabay tingin sa relo ko.
"No. Late lang ang gising niya."
"Nashaan shi Ma'am Shofie?" tanong ko sa kaniya.
"Nagluluto lang 'yon." Agad na rin siyang pumunta sa kaniyang kwarto at padabog na isinara ang pinto.
Naupo na muna ako sa sofa nila at kinuha ang cellphone ko. Bumungad sa akin ang sunod-sunod na text ni Ethan na nagpapaalam na mayroon silang formation mamaya at huwag ko raw kalimutan na may practice kami mamayang hapon.
Papatayin ko na sana muli ang cellphone ko nang lumitaw ang pahabol na text, "Susunduin kita."
Nasa gitna ako ng pag-iisip sa sinabi niyang 'yon nang lumabas si Ma'am Sofie mula sa kitchen.
Nakangiti siya sa akin habang nagpupunas ng kamay gamit ang isang bimpo, "Ayan ka na pala. Saglit lang ha at gigisingin ko si Ally."
Umakyat siya at pumasok sa kwarto ni Ally. Hindi rin naman nagtagal at lumabas na rin si Ally papunta sa banyo na nasa linya lang din ng kwarto nila.
Nakarinig ako ng malakas na ingay mula sa labas. Nang silipin ko ang gate nila ay mayroong mga lalaki roon, apat sila at bumababa pa lamang sa motor.
"Tao po!" Malakas ang pagkakasigaw ng mga 'yon. Hindi ako nagdalawang-isip pa sa kung kaninong bisita 'yon dahil halata namang kay Gio bibisita ang mga 'yon.
Ilang minuto na ang lumipas at hindi pa rin lumalabas si Gio kaya nagdesisyon na akong umakyat para magbakasaling katukin siya at palabasin ng kwarto.
Nasa tapat na ako ng pinto niya nang lumabas si Ma'am Sofie kasama si Ally na nakabihis na at bumukas din ang pinto ng kwarto ni Gio.
"Bakit?" tanong niya sa akin.
"May bishita ka sha labash." Nilingon ko si Ma'am Sofie na nakatingin sa amin kaya nakaramdam agad ako ng hiya. Baka isipin niyang gusto kong makipag-kwentuhan kay Gio at sinasadya ko pa siyang tawagin.
"May bisita ka pala, hindi ka man lang nagsabi. Lumabas ka na roon, bakit mo pa sila pinaghihintay? Umakyat pa si Lucille para lang palabasin ka." Hindi ko alam kung galit ba si Ma'am Sofie o blangko lamang ang emosyon niya roon. Ang alam ko lang ay naiinis si Gio sa sinabing 'yon ni Ma'am Sofie.
Hindi nga maganda ang ipinakikitang ugali ni Gio. Hindi ko masisisi si Ma'am Sofie kung madalas niyang pagsabihan ang anak niya. Kaya lang naiisip kong baka may pinagdaraanan din si Gio kaya ganoon siya. Kung minsan maayos naman siyang nakikisama sa amin, may mga pagkakataong nakikinig pa siya sa pagtugtog ni Ally, pero mas madalas siyang wala sa mood.
Bumaba na rin ako at pumasok na sa kwarto kung saan kami magpa-practice ni Ally. Naririnig ko na ang mahihina niyang pagtugtog ng basic na itinuro ko sa kaniya kahit nasa pintuan pa lamang ako.
Ang ganda-gandang pakinggan ng simpleng kanta kapag siya ang tumutugtog.
"Ate, gusto ko pong itugtog 'yong favorite ni kuya. 'Yong bawat huni ng ibon." Napangiti na lamang ako nang marinig ko 'yon sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang pakikipag-usap sa kaniya. Ang alam ko lang ay masaya ang puso ko nang marinig ko 'yon sa kaniya.

BINABASA MO ANG
The Hidden Music
Teen FictionMaraming kahulugan ang bawat isa sa itinuturing na "tahanan". May ilang magsasabi na komportable sila sa tahanang kinalakihan nila. May ilang nagsasabi na nahahanap nila ang tahanan sa kaibigan o katrabaho. May ilan din na ang pananaw sa tahanan ay...