Chapter 17

11 0 0
                                        

‎Chapter 17


‎Lucille's P.O.V.


‎Hindi ko na nahanap ang message ni Ethan dahil may sumunod agad na activity. May papel na ibinigay sa amin at naupo ako sa bandang likod. Ang iba'y nakaupo sa lapag at ang iba'y tumabi sa akin.


‎"Bilang mga kabataang may pangako ng pagbabahagi ng talento sa Diyos, isulat ninyo sa papel ang 'Mananatili ako sa ministry dahil...' at dugtungan ninyo. Kapag natapos kayong magsulat, itupi ninyo sa apat ang papel at hawakan muna."


‎Ano nga bang dahilan kung bakit ako nasa ministry? Naaalala ko noong ilang oras bago ako maging ganap na miyembro ng PYM, sinabi sa akin ni Ethan na magpaiwan kami at ipakilala niya ako kina Ate Hope at sa iba pa. Natakot ako na wala akong financial stability para sumali dahil alam kong kailangan ko ng pera kung sakaling may pupuntahan sa labas ng parish at iba pang activity. Sa huli, napagtanto kong hindi pala ganoon 'yon.


‎'Mananatili ako sa ministry dahil ito ang nagmulat sa aking pananampalataya. Dito ako hinubog sa labas ng tahanang aking kinagisnan. Mananatili ako dahil nanatili rin ang Diyos sa buhay ko. Mananatili ako sa ministry dahil kailangan at gusto kong ibalik sa Diyos ang talentong ibinigay sa akin. Mananatili ako sa ministry, at babalik kapag naligaw na ng landas.'


‎Matapos naming magsulat ng commitment namin ay sinabihan kami ni Kuya Austin, "Ibigay ninyo sa tao na nandito ngayon na alam ninyong tatapik sa inyo kapag nanlalamig na kayo. 'Yong taong magpapaalala sa inyo ng commitment ninyo."


‎Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at pinuntahan si Ethan kasama ang mga kaibigan niya. Iniabot ko ito sa kaniya at nakipag-fist bump sa akin.


‎Sa kabilang banda, si James naman ang nag-abot sa akin ng kaniyang papel. Kahit na umasa akong sa akin ibibigay ni Ethan ang papel niya, nakakataba pa rin ng puso na may nag-abot sa akin.


‎"Bakit?" tanong ko sa bata.


‎"Wala lang po. Gusto ko lang iabot."


‎Hindi ko muna binasa ang nakasulat doon. Sinundan ko siya ng tingin at pinagmasdan ang kaniyang kilos. Napaisip ako, paano kung bigla siyang manlamig sa paglilingkod? Paano ko siya tatapikin muli upang mag-alab ang kaniyang pananampalataya?


‎Naaalala ko noong minsang isinama siya sa homily. Tungkol ito sa transfiguration of Jesus. Tinanong sila kung ano ang gusto nila paglaki. Hindi ko inaasahan sa isang bata ang sagot na "Gusto ko pong maging pari." Hanggang ngayon kaya, gusto niya pa rin 'yon? Hanggang ngayon kaya, nakikita niya pa rin ang sarili niya sa bokasyon?

The Hidden MusicTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon