Every moment

1 0 0
                                    

June 2013

Nakatitig lang ako sa bintana ng classroom habang pinapanood ang mga estudyanteng naglalaro ng football sa field. Parang napakabilis ng oras para sa kanila, pero para sa akin, parang humihinto ang mundo sa bawat sandali. Huminga ako nang malalim, ipinikit ang mga mata, at sinubukang huwag magpadaig sa bigat ng nararamdaman ko.

"Ate kong pretty, ayos ka lang ba?" tanong ni Roanne habang abala sa pagbukas ng biscuit na alam kong kinuha niya sa canteen.

"Oo," maikli kong sagot, pilit na binabalewala ang kilos niya.

"Gusto mo?" alok niya, iniaabot sa akin ang isang piraso ng biscuit.

"No, thanks."

"Choosy?" Tumawa siya at agad isinubo ang biscuit.

"Hindi, sadyang ayoko lang ng pagkaing ninakaw sa canteen," sagot ko sabay baling ng tingin sa field.

Napakunot ang noo niya at biglang nabilaukan. "Anong ninakaw-ninakaw?" tanong niya habang nagkukunwaring inosente.

"Ay, hindi ba ninakaw? Saan ka naman kumuha ng pambili?" Hinila ko ang bag ko at agad kinalkal ang wallet. Nang magsasalita na sana ako, bigla niyang hinawakan ang kamay ko.

"Tulog ka kasi kanina kaya humiram ako ng bente. Nagpaalam naman ako sa wallet mo, at pumayag naman siya!"

Napapikit na lang ako sa inis. "Leche ka talaga, Roanne," bulong ko habang nagpipigil ng tawa. Hindi na siya sumagot dahil pumasok na ang teacher namin.

"Good morning, class. We have a new transferred student," anunsyo ni Ms. Kim, na agad nagpagising sa lahat. Tiningnan ko siya habang sinusundan ang direksyon ng pinto. Doon ko siya unang nakita.

Parang bumagal ang oras nang pumasok siya sa silid. Ang tangkad niya, siguro mga 5'11. Slightly chubby, pero ang tindig niya'y parang itinaguyod ng mga bituin. May kakaibang amoy siyang parang bagong-ligo sa ulan—malinis, presko, at nakakabighani. Pero higit sa lahat, ang ngiti niya. Diyos ko, 'yung ngiti niya! Parang ginawa lang iyon para sa akin.

"Hi, I am Airo Jericho. Nice to meet you all," sabi niya habang nakangiti. Nagsalita pa siya, pero wala na akong narinig. Parang ang tinig niya ay naging tugtog sa background. Nakatingin lang ako sa kaniya habang iniisip kung tao ba talaga siya.

"Inlababo ka, teh?" kalabit ni Roanne sa braso ko, pilit akong ibinabalik sa realidad. Tiningnan ko siya nang masama, pero kumindat lang siya at tinaas-baba ang kilay.

"Ulol, baka siya ang ma-in love sa akin. Love at first sight. Alam mo kung bakit?" tanong ko, kunwari'y maangas.

"Bakit?"

"Kasi ako na ito, eh!" sagot ko habang inaayos ang buhok at iniipit iyon sa tainga ko.

Napairap si Roanne. "Sure ka diyan? Hindi kaya ikaw ang maging extra sa kwento niya?"

Naputol ang usapan namin nang maghanap si Ms. Kim ng mauupuan ni Airo. "You can sit beside..." saglit niyang hinanap ang bakanteng silya.

"Ma'am, available po itong upuan sa tabi ko!" taas-kamay ni Lucky, ang walang takot naming beki na likas ang kaelyahan.

Napahagikgik si Roanne. "Lucky ang pangalan pero malas ang puta," bulong niya.

Natawa rin ako pero agad tumigil nang magtanong si Airo, "Ma’am, is the seat beside him available?" Itinuro niya ang upuan sa tabi ko.

"Mr. Luna, is anyone sitting beside you?" tanong ni Ms. Kim.

"Wala po, ma’am," sagot ko.

"Okay, Airo, you can sit beside him."

Bigla akong kinabahan. Parang tumigil ang lahat nang naglakad siya papunta sa tabi ko.

"Ano ba iyan, pandesal na naging bato pa," reklamo ni Lucky, na agad pinagtawanan ng klase.

Umupo si Airo sa tabi ko. Hindi ko magawang kumilos. Nanginginig pa ang mga kamay ko habang inilalabas ang notebook at ballpen. Nag-umpisa nang magsulat si Ms. Kim sa pisara, pero nang subukan kong magsimula, biglang nawalan ng tinta ang ballpen ko.

"Teh, may extra ballpen ka ba? Nawalan ng tinta 'yung akin," tanong ko kay Roanne habang pilit na pinapagpag ang ballpen ko.

"Wala na, lapis gusto mo?" alok niya, iniaabot ang lapis niya.

Inis kong hinablot iyon, pero bago pa ako makasulat, inabot ni Airo ang isang ballpen niya. "I have extras. You can borrow this," sabi niya, nakangiti.

Para akong nalusaw. "Th-thank you," sagot ko, pilit na pinapakalma ang kaba. Nagpatuloy ako sa pagsusulat, pero hindi mawala sa isip ko ang amoy niya—ang presko niyang amoy na parang gumising sa lahat ng natutulog kong emosyon.

Lunch break na, pero parang naglalaro pa rin ang utak ko sa sandaling iyon. Tumayo si Airo, at sumunod agad si Lucky. "Hi, Airo! I'm Lucky, and you’re lucky to meet me. I’m single by the way," sabi niyang nakangisi.

Tiningnan lang siya ni Airo at ngumiti. "Nice to meet you. But sorry, I'm already taken," sagot niya, sabay lakad palayo. Napayuko si Lucky sa pagkabigo.

"Bakla, basted ka na agad," asar ni Roanne. Tumawa kami pareho, pero sa kabila ng halakhak ko, may kumurot sa dibdib ko.

Habang naglalakad kami ni Roanne papuntang canteen, hindi ko naiwasang sabihin, "Alam mo ba, Roanne, kanina nung inabot niya 'yung ballpen, I felt butterflies in my stomach."

Tumingin siya sa akin na parang natatawa. "Butterflies in your stomach? Gaga, ulcer na 'yan. Kumain ka kasi, para hindi ka rin umaasa masyado."

"Leche ka," sagot ko, pero hindi ko maitago ang ngiti ko.

Sa bawat hakbang papuntang canteen, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko—tama ba 'tong nararamdaman ko? Alam kong taken na siya, pero bakit parang ang swerte ko pa rin na nakilala ko siya? Siguro, hindi naman masama ang humanga, ‘di ba? Kahit alam kong hindi ako ang bida sa kwento niya.

Everyday, Every moment, Every You.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon