Airo
Nakaupo ako sa gilid ng kama, nakatitig sa sahig, nang biglang tumunog ang telepono ko. Para bang sumabog ang tahimik kong mundo sa biglaang ring nito. Agad kong sinagot, umaasang si Aldren ang tumatawag, gaya ng dati niyang ginagawa tuwing gabi.
"Hello?" tanong ko, pilit pinapakalma ang boses ko kahit kumakabog ang dibdib ko.
"Airo... si-si Aldren..." Umiiyak si Roanne sa kabilang linya, halatang hindi makahinga sa sobrang hinagpis. "Nasagasaan siya... andito kami sa ospital."
Nanlamig ako. "Ano?!" sigaw ko, halos mabitawan ang telepono. Bigla akong tumayo, kinuha ang bag ko, at hinanap ang susi ng bahay kahit hindi ko makita nang maayos dahil nanginginig ang mga kamay ko.
Sa pagmamadali, hindi ko napansin ang kahoy na nakaharang sa sahig. Nadapa ako nang malakas, sumadsad ang tuhod ko. Ramdam ko ang lagkit ng dugo, pero wala akong pakialam. Ang sakit ng pagkadapa ay wala sa kalahati ng kirot na nagsisimulang sumiksik sa dibdib ko.
Tumayo ako, hinila ang bag sa sahig, at tumakbo palabas ng bahay. Wala akong pakialam sa suot ko, kahit magkaiba ang tsinelas na napulot ko sa pinto. Ang tanging mahalaga lang ay makarating ako kay Aldren.
Sa labas, hinanap ko agad ang unang taxi na makita ko. Kinalampag ko ang bintana nito. "Kuya, sa ospital! Bilisan niyo!" halos sigaw ko, habang pumapasok na sa loob ng sasakyan.
Habang tumatakbo ang taxi, naramdaman kong nanginginig ang buong katawan ko. Para bang hindi ako makahinga. Ang bawat minutong lumilipas ay parang palaging may halong tanong: Buhay pa ba siya?
"Ano'ng nangyari?" mahina kong tanong kay Roanne, habang nakadikit ang cellphone sa tainga ko.
"Sinubukan niyang tumawid sa kalsada. Ang bilis nung sasakyan... Diyos ko, Airo... dugo ang lahat ng nakita ko. Hindi ko alam kung kaya pa niyang mabuhay," sagot niya, humahagulgol na parang kinakalawang ang boses niya sa takot at sakit.
Napapikit ako, pinipigilang bumigay. Sa isipan ko, paulit-ulit na bumabalik ang mukha ni Aldren-ang ngiti niyang kayang magbigay-liwanag sa pinaka-madilim na gabi. Siya na palaging nandiyan, kahit kailan ko siya kailangan. At ngayon? Ngayon, baka mawala siya.
Hindi pwede. Hindi ngayon. Hindi pa.
Pagdating sa ospital, halos masira ko ang pinto ng taxi sa pagmamadali kong bumaba. Tumakbo ako papasok sa emergency room. Amoy alkohol at dugo ang unang sumalubong sa akin, halong takot at kawalang-kapangyarihan ang naramdaman ko.
"Nasaan si Aldren?" tanong ko sa nurse na naka-desk, hindi na napigilang magtaas ng boses. "Nasaan siya?! Aldren Luna!"
"Sandali lang po, Sir," sagot niya, pero hindi ko na siya hinintay.
Napansin ko si Roanne sa isang gilid. Nakaupo siya sa bench, namumugto ang mga mata. Tumayo siya nang makita ako at agad akong nilapitan. "Nasa operating room siya," bulong niya, halos hindi marinig dahil sa paghikbi.
"Buhay pa ba siya?" tanong ko, nanginginig ang boses ko.
"Hindi ko alam, Airo... ang daming dugo. Ang dami..."
Halos lumuhod ako sa bigat ng mga salita niya. Napatingala ako sa kisame, umaasang kahit papaano, may Diyos na makaririnig sa mga dasal ko.
Hindi mo siya pwedeng kunin sa akin. Hindi ko kaya.
Lumipas ang oras nang parang isang mahabang bangungot. Hindi ko namalayan na nakaupo na rin pala ako sa gilid ng bench, katabi si Roanne. Tahimik kaming dalawa, parehong takot na marinig ang balita mula sa loob.
Pagkalipas ng ilang sandali, lumabas ang doktor mula sa operating room. Nakatayo kami agad, halos sabay na sumugod sa kanya.
"Kumusta na po si Aldren?" tanong ko, halos humihikbi na rin sa kaba.
BINABASA MO ANG
Everyday, Every moment, Every You.
RomanceLumaki si Aldren sa kasabihang, "Everyday is a new blessing that we should be thankful for." At totoo naman iyon, hindi ba? Araw-araw siyang bumabangon mula sa mga pagod, sakit, at hirap ng mundo. Pinipilit niyang makita ang kagandahan kahit sa gitn...