Break up night

0 0 0
                                    

Hindi ko alam kung anong oras na nang marinig kong may nagkakalkal ng gamit sa kwarto. Tahimik ang paligid, pero sa bawat tunog ng siper ng bag at lagaslas ng tela, parang may pumutok sa dibdib ko.

"Aldren?" Mahina kong tawag habang dahan-dahan akong bumangon mula sa kama. Nakita ko siyang nakatalikod, nag-aayos ng maleta.

"Babe, saan ka pupunta?" tanong ko, pilit nilalabanan ang kaba sa boses ko.

Hindi siya sumagot. Hindi man lang siya lumingon. Nakatitig lang siya sa mga gamit niyang nagkalat sa kama. Lumapit ako at hinawakan ang kamay niya.

"Pwede ba? Bitawan mo ako," malamig niyang sabi, tinanggal ang kamay niya sa akin.

"Ano bang nangyayari? Aldren, pag-usapan natin 'to."

Hinila niya pabalik ang kamay niya, ang bigat ng galit sa bawat kilos niya. Tumigil siya at tumingin sa akin, diretso sa mga mata ko.

"Para saan, Airo? Para saan pa? Ayoko na. Niloko mo na naman ako. Ilang beses mo pa ba ako kailangang lokohin? Ilang beses pa ba akong magtatanga-tangahan para lang sa'yo?" Sigaw niya.

Natulala ako. Parang yelo ang bawat salitang binitiwan niya, pero masakit—parang mga bubog na tumatama sa dibdib ko.

"Aldren, hindi—hindi totoo 'yan. Kasinungalingan lang 'yan."

Pero hindi siya tumigil. Mas lalong lumalim ang pighati sa boses niya habang patuloy siyang nagsalita.

"Airo, tiniis ko lahat. Lahat ng sakit, lahat ng duda. Nagkunwari akong wala akong alam. Pinaniwala ko ang sarili ko na baka nagkakamali lang ako, na baka kaya kitang ipaglaban. Pero paano, Airo? Paano ko ipaglalaban ang taong hindi naman kayang maging totoo sa akin?"

Napasandal ako sa dingding, parang tinapos na agad ng mga salita niya ang kwento namin.

"Hindi totoo 'yan," ulit ko, pero kahit ako, hindi na sigurado sa sariling boses ko.

Tumayo siya sa harap ko, umiiyak, pero hindi bumibitaw sa galit.

"Kitang-kita ko, Airo. Kitang-kita ng mga mata ko kung paano mo siya hinalikan. Akala mo hindi ko alam? Akala mo hindi ko nararamdaman? Kahit ilang beses kong pilitin ang sarili kong maniwala sa'yo, hindi ko na kaya. Hindi na."

Gusto kong lumapit, yakapin siya, pigilan siya. Pero parang napako ang mga paa ko.

"Alam ko namang hindi ako perpekto. Alam kong may mga araw na nakakasawa ako. Pero, Airo, walong taon tayong magkasama. Bakit ngayon pa? Bakit mo ginawa 'to sa atin?"

Hindi ko siya masagot. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang mga kasalanan ko.

" Napapagod ka na ba?" Mahinahon kong tanong.

" Airo, hindi naman ako napagod eh. Sadyang natanggap ko lang na hindi pala ako yung taong nararapat para sa iyo. I loved you but that doesn't mean na you'll love me too. Minahal mo lang naman ako kasi akala mo ako na iyong magpapasaya sa iyo at dahil siguro'y malungkot ka. Ngayong masaya ka na nasan na ako? San na ako lulugar?  Siguro dapat ko nang putulin kung anong meron sa atin. Mahal kita, sobra. Pero mas mahal ko ang sarili ko. "

"Pa-paano naman ako. Mahal na mahal kita. "

"Ayoko na," bulong niya, pero mas naramdaman ko ang bigat ng salitang iyon kaysa sa sigaw niya kanina. "Maghiwalay na tayo."

Napasandal ulit ako, pero ngayon, parang nawalan na ng lakas ang buong katawan ko.

"Aldren, hindi mo ba ako kayang bigyan ng isa pang pagkakataon?" tanong ko, halos hindi na marinig ang boses ko.

Napailing siya habang tumutulo ang luha niya. "Airo, hindi ito tungkol sa pagkakataon. Minahal kita, pero mahal ko rin ang sarili ko. Ayoko nang masaktan pa ulit. Paalam."

Nakita ko siyang naglakad palabas. Hindi ko na siya tinawag. Hindi ko siya sinundan. Pero habang papalayo siya, naramdaman kong unti-unti akong nawawalan ng parte ng sarili ko.

Pagkalipas ng ilang oras, naroon pa rin ako sa sala, nakatitig sa pinto na sinarhan niya. Nakapako ako sa tanong: Bakit? Bakit ko siya nasaktan ng ganito?

Walong taon. Hindi ba sapat ang tagal na iyon para ipakita kung gaano ko siya kamahal? Pero ano bang halaga ng tagal kung sa isang pagkakamali ko, nawasak ang lahat?

Nakita ko si Keio nang dumating  kinabukasan. "Airo," tawag niya, pero hindi ko siya magawang harapin.

"Okay ka lang ba?" tanong niya habang tinatapik ang balikat ko.

"Oo, ayos lang ako," sagot ko. Pero alam kong hindi niya iyon paniniwalaan.

"Alam kong hindi," sabi niya, at sa isang iglap, niyakap niya ako.

Doon bumagsak ang lahat. Parang hinintay lang ng puso kong may magsabi na hindi ako okay bago ito tuluyang bumigay.

"Halos maubos na ang sarili ko para mahalin siya," umiiyak kong sabi. "Binigay ko lahat. Pero bakit hindi naging sapat? Bakit hindi ko siya napigilang umalis?"

Hinayaan lang ako ni Keio na umiyak sa balikat niya, pero kahit anong gawin ko, hindi mabawasan ang bigat.

Hindi madaling bumangon mula sa isang relasyong tumagal ng halos siyam na taon. Parang lahat ng sulok ng bahay ay nagpapaalala sa kanya—sa mga tawanan namin, sa mga away na agad naming naaayos, at sa mga pangarap na sabay naming binuo.

Ngunit wala nang babalik. Ang taong naging mundo ko, wala na.

Kung mahal ko siya, bakit ko siya nasaktan? Kung mahal niya ako, bakit siya umalis?

Napagtanto ko na minsan, kahit gaano pa kalalim ang pagmamahal, hindi nito kayang salbahin ang relasyong wala nang tiwala. At sa puntong iyon, masakit mang aminin, tama si Aldren.

Hindi sapat ang pagmamahal lang.

Sa huling pagkakataon, sinubukan kong balikan ang mga alaala namin—ang unang beses na magkita kami, ang simpleng araw na nauwi sa mga yakap at halik, ang mga gabing wala kaming pakialam sa mundo.

Pero sa bawat magandang alaala, laging sumusulpot ang sakit ng mga salitang binitiwan niya.

Hindi ito tungkol sa kung sino ang nagkulang. Minsan, talagang hindi lang para sa isa’t isa ang dalawang tao.

Hinayaan kong mahulog ang huling luha ko para sa kanya. Dahil kahit masakit, iyon na ang huling regalo ko sa sarili ko—ang tanggapin na ang pagmamahal na minsan ay naging napakaganda ay kailangan nang magtapos.

"Goodbye, Aldren," bulong ko, pero ngayong sinabi ko iyon, alam kong hindi na siya babalik.

Everyday, Every moment, Every You.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon