Sleeping Prince

0 0 0
                                    

Alas tres ng madaling araw. Malalim na ang gabi, ngunit parang dagundong ng kulog ang tunog ng cellphone ni Airo sa katahimikan ng aming kwarto. Nasa kaliwa ko siya, nakahiga nang mahimbing, ang mga pilikmata niya’y bahagyang gumagalaw. Kung tutuusin, dapat payapa rin akong natutulog, ngunit sa simpleng tunog na iyon, parang may humila sa akin mula sa pagkakaidlip.

Inabot ko ang cellphone niya. Sino ba naman kasi ang tatawag nang ganitong oras? Hindi ko alam kung ano ang inaasahan kong makita, pero nang sumilay sa screen ang pangalang “Ram,” parang may sumiklab na apoy sa loob ng dibdib ko.

Sino si Ram?

Dumilim ang paligid ko. Bago pa man ako magdesisyong sagutin ang tawag, biglang nag-end ito. Binitawan ko sana ang cellphone, ngunit isang text notification ang lumabas sa screen:

"Babe, gising ka pa ba?"

Para akong sinampal. “Babe?” Sino ang “babe” na ito? Ram? Sino ka?!

Hawak ko pa rin ang cellphone nang biglang tumawag ulit. Wala na akong inisip pa. Sinagot ko ang tawag.

“Babe, sunduin mo ako,” agad na sabi ng nasa kabilang linya. Medyo garalgal ang boses niya, halatang lasing. “Nandito ako sa bar kung saan tayo unang nagkakilala. Dito sa malapit sa vet store. Lasing na lasing ako. Natatakot ako. Ang daming lalaking lumalapit sa akin...”

Parang may bumarena sa isip ko. “Si-sino ka?” pautal-utal kong tanong.

“Ram. Si Ram ’to. Remember, we met sa bar nung nakaraan,” sagot niya, na parang napaka-natural lang. “Bakit nag-iba boses mo?”

Hindi ko alam kung paano sasagutin iyon. Sa sobrang kaba, napamura ako nang pabulong. “Tulog siya. Huwag ka nang tumawag,” sabi ko na halos hindi marinig. Papatayin ko na sana ang tawag nang bigla siyang sumigaw.

“Sino ka at bakit hawak mo ang cellphone ng boyfriend ko?!”

Para akong sinampal ng malamig na tubig. Napako ako sa kinatatayuan ko. Hindi ako makahinga. Hindi ko alam kung ano ang uunahin—ang tanungin kung sino siya o ang linawin kung sino ang tinatawag niyang boyfriend. Nanginginig ang buong katawan ko, at sa takot at galit, pinatay ko na lang ang tawag.

Wala akong ibang mahingahan. Tumawag ako kay Roanne. Alam kong tulog na siya, pero sino pa ba ang pupuntahan ko?

“Teh, napaaga yata ang tawag mo,” bungad niya.

“Teh...” Hindi ko napigilan ang pagbagsak ng mga luha ko. Parang sirang gripo ang mata ko, at hindi ko na kayang pigilan.

“Umiiyak ka ba? Anong nangyari?!” biglang sigaw niya.

Hindi ko magawang magsalita. Ang bigat-bigat sa dibdib ko.

“Papunta na ako,” sagot niya, at agad na pinutol ang tawag.

Hindi ko namalayang mahigit trenta minutos na pala ang lumipas nang marinig ko ang malakas na katok niya sa pinto.

“Bakit ka umiiyak?” tanong ni Roanne habang hinahabol ang hininga.

Yumakap ako sa kanya nang mahigpit. “Teh, niloloko ako ni Airo,” bulong ko.

Hindi ko na kinaya ang bigat ng nararamdaman ko. Hinatak ko si Roanne sa labas. Ayokong makita si Airo. Hindi pa ako handang humarap sa kanya.

“Tara, mag-bar tayo,” sabi ko sa kanya.

“Bar?!” Halatang naguluhan siya, pero sumunod pa rin.

Hindi nagtagal, nasa loob na kami ng bar. Siksikan ang mga tao kahit alas singko na ng madaling araw. Napadpad kami sa isang bakanteng mesa at agad na nag-order ng beer. Hindi naman ako agad nalalasing, kaya alam kong kaya ko pa.

Everyday, Every moment, Every You.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon