Epilogue

1 0 0
                                    

Airo

Maaga pa lang, ramdam ko na ang kabang bumabagabag sa dibdib ko. Heto ako ngayon, nasa bahay ni Roanne kasama si Keio, abala sa pag-aayos ng surprise para kay Aldren. Ang araw na ito ang matagal ko nang pinapangarap - ang araw na hihingin ko ang kanyang kamay.

"Keio, kanina ka pa diyan ah! Ilang lobo na ang pumutok? Kung hindi mo pa kayang magpalobo nang maayos, ako na nga!" sigaw ni Roanne habang nakapamewang.

Inirapan siya ni Keio, pero mukhang guilty rin. "Relax ka lang! Masyadong manipis yung mga lobo. Hindi ko kasalanan!"

Inagaw ni Roanne ang inflator mula kay Keio, sabay umpisa ng mas mabilis na pag-inflate ng mga balloons. "Kung hindi ko pa gagawin ito, baka abutan tayo ng pasko!" reklamo niya habang tila sabog sa kaba at excitement.

Nagmistulang factory ng kasiyahan ang bahay ni Roanne. May mga LED lights kaming nakapulupot sa mga dingding, mga dekorasyong papel na eleganteng naglalambitin sa kisame, at confetti na ikinalat sa sahig - pero hindi basta ikinalat; maayos, artistiko, at mukhang sinadya. Ang highlight? Isang malaking heart-shaped na bulaklak na rosas sa gitna ng sala. Doon ako tatayo mamaya para tanungin ang pinakamahalagang tanong sa buhay ko.

"Okay na ba ito?" tanong ko habang tinitingnan ang centerpiece na ginawa namin.

"Perfect na! Para kang nasa pelikula," sabi ni Keio, na halatang proud sa output namin kahit kanina pa siya nagiging sanhi ng delay.

Alas-kwatro ng hapon nang matapos ang lahat. Sakto, tumawag si Aldren kay Roanne.

"Paparating na raw siya," anunsyo ni Roanne habang nakangiti, sabay sigaw ng "Action!" na parang direktor sa set.

Kanina pa namin siya diniskartehan. Nagkunwaring may sakit si Roanne kaya napilitan si Aldren na pumunta sa pharmacy para bumili ng gamot.

Habang naghihintay, kinalma ko ang sarili ko. Huminga ako nang malalim, pinigil ang pangangatog ng mga kamay ko, at tinignan ulit ang singsing na kanina ko pa iniipit sa bulsa. "Okay ka lang, Airo?" tanong ni Roanne, na parang nanay ko kung mag-alala.

Ngumiti ako kahit parang gusto ko nang tumakbo. "Okay lang! Medyo."

Nang marinig namin ang tunog ng sasakyan ni Aldren na pumarada sa labas, biglang tumahimik ang lahat. Nagpatay kami ng ilaw at nagtago. Handa na kami.

Pagpasok ni Aldren sa bahay, nagtataka siya. "Roanne? Naputulan ka na naman ng kuryente? Seryoso ka ba? Magbayad ka naman kasi on time!" natatawang sabi niya habang binabagtas ang hallway papunta sa sala.

Biglang binuksan ni Keio ang LED lights. Nagliwanag ang buong paligid sa makulay at romantikong ambiance na inihanda namin.

Napatigil si Aldren. Napakunot ang noo niya habang unti-unting lumalakad papasok sa sala. Nakita niya ako sa gitna ng heart-shaped na rosas, suot ang pinakamagandang polo ko (na sabi ni Roanne, mas bagay daw sakin kaysa kay Keio).

"Roanne, ano 'to?!" tanong ni Aldren, halatang gulat at litong-lito.

Napahagalpak si Roanne. "Hindi ka man lang na-touch? Ang effort kaya namin dito!"

Hinawakan ni Roanne ang braso ni Aldren at hinila siya papunta sa harapan ko. Tumigil ako sa paghinga. Heto na. Heto na talaga.

"Aldren," panimula ko, habang nakatitig sa mga mata niya. Nagpigil ako ng kaba at pilit kong sinarado ang panginginig sa boses ko. "Simula pa lang, alam ko na na ikaw na. Marami na tayong pinagdaanan - masaya, malungkot, minsan parang gusto nang sumuko pero hindi natin ginawa. At dahil diyan, mas sigurado ako ngayon kaysa kahit kailan. Gusto kitang makasama habang buhay."

Lumuhod ako sa harapan niya, sabay labas ng singsing mula sa bulsa ko. Ramdam kong nanginginig ang mga kamay ko.

" You will marry me! " Madiin kong sagot.

" Tanong ba iyan o utos? " Tanong ni Aldren.

"Will you marry me?" pag ulit ko, sabay alok ng singsing.

Parang tumigil ang oras. Napalunok si Aldren. Nakita ko ang pamumuo ng luha sa mga mata niya. Walang imik, nanginginig ang labi niya habang dahan-dahang inilapit ang kamay niya sa akin.

"Yes," bulong niya sa wakas, pero sapat na para magdulot ng fireworks sa puso ko.

Itinuloy ko ang pagpasok ng singsing sa daliri niya, at sa moment na iyon, alam kong ito na ang pinakamagandang simula ng bago naming buhay.

"Hoy, kiss! Para masaya!" sigaw ni Keio, na tila nasobrahan sa pagiging cheerleader.

"Ang ingay mo!" sagot ni Roanne, pero tumatawa na rin.

Hinayaan ko na lang ang ingay sa paligid, ang mga tawanan at hiyawan nina Keio at Roanne. Tumayo ako at lumapit kay Aldren. Hindi ko na kayang pigilan ang nararamdaman ko. Tinulungan niya akong tumayo, at bago ko pa man matanggap na siya ang nasa harapan ko, niyakap ko na siya ng buong puso. Ang mahigpit na yakap na alam kong matagal ko nang pinapangarap - ang yakap na magbibigay sakin ng kaligayahan sa bawat araw na makakasama ko siya.

Sa gitna ng magulo at masayang pagdiriwang, sa kabila ng mga palamuti at ang mga pailaw na naglalaro sa mga dingding, sa gitna ng lahat ng iyon, naramdaman ko ang katahimikan. Hindi ko na kailangan ng kahit anong iba pang bagay - si Aldren lang ang kasama ko sa sandaling iyon. Ang init ng kanyang katawan ay nagbigay sa akin ng pakiramdam ng kaligtasan, ng tahanan.

Habang niyayakap ko siya, naramdaman ko ang tahimik na pagluha sa mga mata ko. Hindi ito dahil sa kalungkutan, kundi sa sobrang saya at pagpapasalamat. "I love you," bulong ko, hindi na alintana ang anumang bagay sa paligid.

"Tangina, Airo, wala na akong masabi," sagot niya, at naramdaman ko ang bahid ng tinig niya, parang may tinatago siyang damdamin, isang emosyon na kay tagal nang pinapigil. Naramdaman ko ang bigat ng kanyang puso, at alam ko, nararamdaman niya rin ang nararamdaman ko.

Walang katumbas na kaligayahan ang dulot ng sandaling iyon. Ang makapiling siya, at sa wakas, marinig mula sa kanya na magiging magkasama kami habang buhay - walang hanggan.

"Halika na, kiss na!" sabi ni Roanne, mula sa kabila ng sala, na may kasamang malalakas na palakpak.

Ngunit hindi ko kayang alisin ang mga mata ko kay Aldren. Hindi ko na kailangang sumunod sa mga hiling nila. Ang mundo namin ni Aldren ay hindi na kailanman magiging magulo - ito na ang simula ng aming tahimik at masayang buhay.

Hinaplos ko ang kanyang buhok, at siya naman ay gumanti ng ngiti. "Ang saya ko, Airo," sabi niya, at sa kanyang mga mata, nakikita ko ang isang buhay na puno ng pagmamahal, ng mga pangarap na magkakasama naming tutuparin.

Sa wakas, naisip ko, walang ibang mas mahalaga kundi ang sandaling ito - at ang pagbabalik-loob ng pagmamahal, hindi lang sa isa't isa, kundi sa buhay na binuo namin, magkasama.

Handa na kaming bumuo ng magagandang ala-ala na dadalhin namin hindi lang sa Canada kundi pati sa hinaharap.

Wakas.

Everyday, Every moment, Every You.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon