Unlucky

0 0 0
                                    

Aldren

Naglakad ako nang diretsong parang walang nangyari. Hindi ko siya tinapunan ng tingin, kahit gusto kong lingunin siya—kahit gusto kong makita siya kahit sa huling pagkakataon. Pero mas mainam na ito. Mas mabuti nang hindi ko siya titignan dahil alam kong sa oras na makita ko siyang umiiyak, hindi ko mapipigilan ang sarili kong lapitan siya, yakapin siya, at muling sabihin kung gaano ko siya kamahal.

Mahal ko siya. Mahal na mahal. Pero ano pa bang magagawa ng pagmamahal kung ang taong akala mo’y kaligayahan mo ang siyang dahilan ng pinakamalalim mong sugat?

Ang mundo ko'y tila nagkulay abo simula noong una kong maramdaman na hindi na siya masaya. Subtle lang noong una—yung mga maikling tugon niya, Sa una, sinubukan kong magpanggap na okay lang iyon. Siguro pagod lang siya. Siguro kailangan lang niyang magpahinga. Pero habang lumilipas ang mga araw, nararamdaman kong lumalayo siya.

Nandito ako, nananatili, pilit na nagmamahal kahit parang walang natitira. At siya? Alam kong hawak niya pa rin ako, pero ang mga kamay niya’y malamig, parang hindi na ako ang dahilan kung bakit sila nakakapit.

“Hindi ito madali para sa akin.” Iyon ang sinabi niya noong gabing nagpasya akong tapusin ito.

“Madali? Sa tingin mo ba madali ito sa akin?” Gusto kong isigaw, pero sa halip, napangiti lang ako—isang pilit na ngiti na alam kong nakita niyang basag na basag. “Okay lang. Naiintindihan ko.”

Sinubukan kong intindihin, pero sa totoo lang, hindi ko kaya. Paano mo iintindihin ang taong dahilan ng lahat ng saya mo kung siya rin ang magpapamukha sa’yo na hindi pala ikaw ang sagot sa kanya?

Minsan naiisip ko, baka tama sila. Walang tatagal sa ganitong klaseng relasyon. Sa mundong puno ng paghatol, paano nga ba kakayanin ng pagmamahalan namin ang bigat ng mundong laging nagtatanong, laging nagdududa? Kung ang mag-asawa ngang normal ay nagkakahiwalay, paano pa kami na pareho lang mga lalaking hindi kailanman naging bahagi ng tradisyong kinabubuhay ng karamihan?

At sa puntong ito, masakit aminin na parang naniniwala na ako sa kanila. Sana hindi ko na lang siya nakilala. Sana hindi ko naramdaman ang ganitong klase ng pagmamahal, kasi kung ito lang ang kapalit, hindi ko sigurado kung kakayanin ko pang magmahal ulit.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Malayo na ang naabot ko, pero parang walang direksyon ang mga paa ko. Ang bigat-bigat ng bawat hakbang, pero hindi ko magawang tumigil. Baka kasi kapag tumigil ako, bumalik ako sa kanya.

Naalala ko ang unang beses na nagtagpo kami. Parang ang liwanag-liwanag ng lahat. Siya ang naging ilaw ng mundong dati’y puno ng kadiliman. Siya ang nagsabi sa’kin na kaya kong magmahal at mahalin, na karapat-dapat din akong piliin. Pero ngayon, parang lahat ng iyon ay isang biro.

Akala ko pinili niya ako dahil deserve kong mapili. Akala ko ako ang sagot sa mga dasal niya. Pero yun pala, pinili niya ako dahil wala siyang ibang mapagpipilian. Pinili niya ako dahil sa panahong iyon, ako ang pinaka-maginhawang daan. Hindi dahil ako ang gusto niyang piliin.

Ang sakit-sakit isipin na ako lang pala ang sagot sa kanyang kalungkutan—isang pansamantalang gamot sa kanyang sugat, hindi ang dahilan kung bakit siya muling mabubuo.

Tumigil ako sa tabi ng isang park bench. Hindi ko alam kung bakit doon, pero parang ang lakas ng hatak ng lugar na iyon. Naupo ako, ang mga kamay ko nakapatong sa mga tuhod ko habang nakatitig lang sa kawalan.

“Paano ko haharapin ang bukas kung pundido na ang ilaw ng buhay ko?” bulong ko sa hangin, na para bang kaya nitong sagutin ang tanong na ako mismo’y hindi ko maunawaan.

Wala akong natanggap na sagot, syempre. Pero sa katahimikan ng paligid, naramdaman kong muli ang bigat ng lahat ng emosyon na pilit kong itinatago. Umiyak ako, tahimik lang, ang mga luha tumutulo habang pinipigilan kong humikbi.

Naalala ko ang huling beses na sinabi niyang mahal niya ako. Sincere iyon, nararamdaman ko. Pero bakit parang kulang? Bakit parang may bahagi ng puso niya na hindi ko kailanman maaabot, gaano man ako magsikap?

Mahal ko siya. Sobra-sobra. Pero natutunan ko ngayong gabi na hindi sapat ang pagmamahal para gawing tama ang lahat ng mali.

Pagkatapos ng ilang oras na pag-upo sa park bench, tumayo na rin ako. Pinunasan ko ang mga mata ko at sinubukang ipahid sa hangin ang bigat ng nararamdaman ko. Sa mga ganitong pagkakataon, natutunan kong walang ibang makakapag-comfort sa akin kundi ako rin.

“Kaya mo ‘to,” sabi ko sa sarili ko, kahit parang isang malaking kasinungalingan. Pero kailangan kong paniwalaan.

Sinimulan kong maglakad ulit, mas mabagal na ngayon pero may bahagyang direksyon na. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, pero sigurado akong hindi ako babalik sa kanya. Hindi dahil ayoko, kundi dahil alam kong kailangan ko.

Sa lahat ng mga pagsubok na hinarap ko sa buhay, ito ang pinaka masakit at pinakamadilim. Parang hinubaran ako ng lahat ng saya at iniwang nakatayo sa gitna ng bagyo. Pero alam kong darating ang araw na lilipas din ito. Baka hindi ngayon, baka hindi bukas. Pero balang araw, matututo rin akong muling ngumiti—hindi dahil sa kanya, kundi dahil sa sarili ko.

At sa gabing ito, sa wakas, natutunan kong bitawan ang taong hindi kailanman kayang hawakan ako ng buo.

Dere-deretso lang ako sa paglalakad. Habang kausap sa telepono si Roanne. Sa kanang kamay, mahigpit kong hawak ang telepono, habang sa kaliwa, hila hila ko ang mga maleta ko. Ang gabi’y puno ng ingay—busina ng mga sasakyan, yabag ng mga taong nagmamadali, at ang alingawngaw ng mga kwentuhang abot hanggang kanto.

“ Dren nasan ka na? " Tanong ni Roanne.

“Nasa kalsada" Saad ko, sabay tawid sa pedestrian lane kahit hindi pa berde ang ilaw.

Mag-ingat ka diyan, ha? Gabi na.”

“Alam mo namang lagi akong maingat—”

At doon ko siya nakita. Isang kotseng paparating nang mabilis. Isang saglit lang ang lumipas, pero parang huminto ang mundo. Hindi ko naramdaman ang takot. Sa halip, naisip ko si Airo, ang ngiti niya, ang mga pangako naming hindi pa natutupad. At bago pa sumayad ang bakal sa katawan ko, narinig ko ang sigaw ni Roanne.

“Dren!”

Tumilapon ako sa hangin, at sa pagbagsak ko, bumalot ang lamig sa buong katawan ko. Ang unang pumasok sa isip ko: Naririnig pa kaya ako ni Roanne? Pero kahit anong pilit, wala akong maibukas na salita. Ang bibig ko’y tila sinelyuhan, at ang dugo sa ulo ko’y dumadaloy pababa sa sementong nakahalik sa mukha ko.

“Dren! Sumagot ka! Please, sumagot ka naman!” Napakalapit ng boses niya, pero napakalayo.

Ramdam ko ang mabigat na bigat kong katawan. Ang bawat galaw ay parang pahirap, at ang mga matang dati’y puno ng buhay ay unti-unting tinatalo ng dilim.

Sa utak ko, naglalaro ang tanong: Ito na ba ang huli? Matatapos na ba ang kwento namin? Hindi ko man lang nasabi sa kanya kung gaano ko siya kamahal.

Isang malalim na hinga ang pilit kong kinuha bago tuluyang binitawan ang lahat. Nakita ko ang isang lalaking pumulot ng telepono ko, kausap si Roanne. Ang mundo ay naging tahimik, at ang tanging naiwan ay ang boses ni Roanne, paulit-ulit na tumatawag sa pangalan ko, habang ako ay nilamon ng kawalan.

Everyday, Every moment, Every You.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon