2013
Kahit kailan, hindi ko aakalain na mangyayari 'to.
Magulo ang utak ko habang palabas ng room namin. Hindi ko alam kung anong tumakbo sa isip ko nang nakita ko siya. Si Airo, ang prinsipe ko—ang prinsesa ng buhay ko, as he fondly calls me—nasa dulo ng hallway. Napangiti ako nang makita siya. Tatawagin ko na sana siya para magkasabay kaming umuwi, pero doon tumigil ang lahat.
Nanlamig ako.
Kahit hindi pa malinaw ang nangyayari, alam ko na ang kasunod. Nakita kong yumuko siya kay Lucky, tapos sumalubong ang labi niya. Puta. Hindi ko maipaliwanag ang sakit sa dibdib ko. Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko—hindi sa saya, kundi sa galit at pagkabigo. Napako ako sa kinatatayuan ko, parang nakapako rin ang mga mata ko sa eksenang ayokong makita.
“Teh, anong ginagawa mo?” tanong ni Roanne mula sa likod ko. Napatingin siya sa akin, tapos sumunod ang tingin niya sa direksyon nina Airo. Kita ko ang biglang pagkuyom ng kamao niya.
“Tangina!” sigaw niya, kasabay ng lakas ng yabag niya papunta kina Airo. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko—galit? Lungkot? Inis? Takot? Siguro lahat-lahat na. Pero isa lang ang malinaw: ang sakit.
Napatigil si Airo at si Lucky nang marinig ang sigaw ni Roanne. Napatingin sila sa amin. Biglang kumalas si Lucky at mukhang napraning. Pero ang ginawa ni Airo? Tumakbo siya papunta sa akin.
“Babe, mali ang nakikita mo,” bungad niya, habol ang hininga. Halos hindi ko marinig ang boses niya dahil sa pag-iingay ng isip ko. Paulit-ulit na bumabalik sa utak ko ang eksenang 'yun. Parang sirang plakang ayaw huminto.
Hindi pa siya tapos magsalita nang bigla akong kumilos. Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi niya.
“Tarantada!” sabay sigaw ni Roanne, na mabilis ding sinampal si Lucky. Napaatras ang lintik na ‘yon, bago tumakbo papalayo na parang basang sisiw.
Si Airo? Hindi gumalaw. Nanatili lang siyang nakatayo sa harap ko, hawak ang pisngi niya kung saan ko siya sinampal. Pilit siyang nagsasalita.
“Babe, please. Hindi ‘to—” Hindi niya natapos.
“Airo, umalis ka muna sa harapan ko!” sigaw ni Roanne. Tumingin siya sa akin, hinihintay siguro ang reaksyon ko. Pero hindi ako makapagsalita. Para akong binusalan ng sakit. Gusto kong sumigaw, pero walang lumalabas.
Hindi ko kaya. Hindi ko kayang tingnan siya o pakinggan ang boses niya. Hinila ako ni Roanne palayo sa kanya. Hindi ako tumutol. Hinayaan ko na lang. Hindi ko alam kung dahil sa sobrang sakit o dahil sa pagod ko nang intindihin ang lahat.
Sa kwarto namin, wala akong ibang nagawa kundi umupo at titigan ang sahig. Ang daming gustong lumabas sa bibig ko, pero lahat ng salita ko, naipit na parang buhol-buhol na lubid. Si Roanne, andoon lang, nakatayo sa harap ko. Parang nag-aabang ng sasabihin ko.
“Teh, magsalita ka naman,” aniya. “Hindi puwedeng itikom mo lang ‘yang bibig mo. Ang tanga mo kung tatahimik ka lang!”
Tumingin ako sa kanya, pero wala pa ring lumalabas. Ang bigat ng dibdib ko. Gusto ko nang sumabog. Pero paano? Sa sobrang sakit, parang wala na akong lakas magalit. Ang natira lang sa akin ay pagkapagod.
“Alam mo,” sabi niya, naupo sa harap ko, “kung hindi mo pa siya iiwan, ikaw na ang gagawa ng sarili mong kalbaryo. Hindi ka boba, teh. Huwag kang papayag na gawing laruan lang ng hayop na ‘yon ang puso mo.”
Laruan. Napapikit ako sa salitang ‘yun. Parang may malaking batong dumagok sa ulo ko. Ganun ba talaga? Ganun lang ba kami sa mata niya? Na kahit anong ipakita kong pagmamahal, hindi pa rin sapat?
BINABASA MO ANG
Everyday, Every moment, Every You.
RomanceLumaki si Aldren sa kasabihang, "Everyday is a new blessing that we should be thankful for." At totoo naman iyon, hindi ba? Araw-araw siyang bumabangon mula sa mga pagod, sakit, at hirap ng mundo. Pinipilit niyang makita ang kagandahan kahit sa gitn...