01 : Harana

67 9 0
                                        

Consolacion, Cebu
Ika-15 ng Agosto, 1964

Para sa tao na
lagi akong hinaharana,

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Isang mapagpalang pagbati sa iyo, ginoo. Tanda ko pa nang unang beses mong kalabitin ang kuwerdas ng iyong gitara sa tapat ng aming bintana. Ang tibok ng aking puso ay tila mga dagundong ng paa ng mga kabayong nag-uunahan. Hindi layon sa kaba kung hindi sanhi ng hindi maintindihang nadarama. Malakas pa ang sigaw ng aking ina; nagtatanong, "Sino bang walang hiya ang nag-iingay sa kalagitnaan ng aking pahinga?" Iyong mga kaibigan pawang nagsitakbuhan at tanging ikaw lamang ang natirang may lakas ng loob na harapin ang nag-uusok na ilong ng aking inay. Tanging ikaw lang ang may sapat na tapang na humarap sa nagngangalit na katauhan ng aking itay.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Sa tuwing ikaw ay kumakanta, parang ibinubuhos mo ang iyong buong puso at inaalay iyon sa lahat ng tao sa paligid mo. Ang boses mo ay may kakaibang tono na umaakit sa aking isipan at nagdadala sa akin sa kalangitan. Sa tuwing naririnig kitang kumanta, para akong dinadala niyon sa mundo ng mga emosyon at alaala. Ang iyong mga kanta ay may paraan ng pagsasalita sa aking puso at pagpaparamdam sa akin na naiintindihan ako, kahit na walang mga salita na binibigkas.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Marahil ganoon na kalalim ang iyong nadarama para sa akin. Tama ba ang aking iniisip? Hindi naman na bago sa akin ang ganitong pangyayari ngunit tila nagbago ang ihip ng hangin. Pawang ito ang unang beses na makarinig ako ng mahabang harana gamit lamang ay gitara. Kahit pa'y sinilip ka ng inay at itay ay tuloy lamang sa pagkalabit ng kuwerdas. Animo'y kahit maputol iyon ay tutuloy pa rin lalo. Ang iyong pagmamahal sa musika ay kitang-kita sa bawat nota na iyong tinitipa, at ito ay nakahahawa.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Nadagdagan ng pagkagulat ang aking pagkamangha nang simulan mong sabayan ng awitin ang pagtipa sa iyong gitara at nang matapos ay bigla ka na lang pumorma ng puso gamit ang iyong dalawang kamay. Ano ngang tawag sa nararamdaman kong ito? Ah, tama! Kilig. Kinikilig ako sa maliit na bagay na 'yon. Ayaw ko mang aminin at gawin ngunit napangiti ako roon. Itinuro mo sa akin ang kapangyarihan ng musika. Nag-iwan ka ng isang pangmatagalang paghanga sa aking puso, at lagi kong iingatan ang mga alaala ng pagkalabit sa kuwerdas ng iyong gitara kasama ang mga kanta. Salamat sa lalaking laging umaawit sa tapat ng aking bintana pagsapit ng gabi. Ipagpatuloy ang pamumuhay kasama ang musika.

Nagmamahal,
Iyong hinaharana 

Lihim Na LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon