Consolacion, Cebu
Ika-16 ng Enero, 1965Para sa ginoo na aking
kasama na maligo sa ulan, Isang maulan na hapon ay pinaunlakan ko ang iyong paanyaya na tayo ay maligo sa ulanan. Sabay nating dinama ang lamig ng hangin habang ang mga patak ng ulan ay marahang humahaplos sa ating balat. Ang mga tunog niyon ay masarap sa pandinig at naghahalo sa ating mga tawa. Ang ng pagragasa nito ay lumilikha ng simponya na animo'y inaanyayahan tayong sumabay sa pagsayaw ng mga halaman. Tila nilulunod nito ang ating mga isipan at hinahayaan lamang tayo na magtampisaw sa malamig na tubig.
Habang tayo ay napupuno ng aliw sa ilalim ng bumubuhos na ulan ay siya ring pagtitig mo sa akin na tila ba ako lamang ang iyong nakikita sa buong paligid. Doon ko lamang din nakita ang repleksyong ng wagas na saya sa likod ng iyong mga mata. Para bang sinasabi niyon na iwinaksi ng ulan ang lahat ng ating mga alalahanin sa magulong mundo na ito. Para akong bumalik sa pagkabata sandaling maalala ko ang sariling galak na galak na magtampisaw sa daan.
Ang iyong pagtawa ay parang musika sa aking pandinig, isang matamis na himig na nagpaawit sa aking kaluluwa. Ang mga patak ng tubig na kumikinang sa iyong buhok at sumayaw sa iyong mga labi ay nagpapadagdag sa detalye iyong kagandahan. Sa sandaling iyon, habang magkayakap tayong binabalot ng tubig-ulan na ay naramdaman kong parang tayong dalawa lamang ang tao sa mundo, nagbabahagi ng isang lihim na magbubuklod sa atin magpakailanman.
Lumalakas ang ulan at kasabay tayong nagsasayaw sa gitna niyon. Ang iyong mga palad ay nasa aking baywang habang ang akin naman ay nakapatong sa iyong mga balikat. Anumang lakas ng ulan ay hindi niyon natinag ang pagiging malumanay ng ating galaw. Marahan tayong nagpapadala sa bugso ng hangin at hindi ko na alam kung paano nangyari ang sumunod. Naramdaman ko na lamang ang mga labi mong dumampi sa akin. Saglit lamang iyon ngunit banayad at puno ng pagmamahal. Habang unti-unti namang humuhupa ang ulan ay hindi ko maiwasang humiling. Na sana ay ganoon na lamang tayo palagi.
Habang sinusulat ko ang liham na ito ay hindi ko maiwasang maluha bagkus hindi ko alam kung anong nararapat na gawin. Hindi ko maipapangako sa iyo na ako'y mananatili anuman ang mangyari. Sa ngayon, nais kong sulitin ang bawat sandaling kasama ka. Nais kong hagkan ka sa bawat araw na nagdaraan. Dahil hindi ko alam na baka iyon na ang una at huling beses na maisasayaw kita sa gitna ng ulan.
Umaapaw ang tuwa,
Kasama mong magtampisaw sa ulan
![](https://img.wattpad.com/cover/358116032-288-k333688.jpg)
BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Historia Corta[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...