Consolacion, Cebu
Ika-25 ng Oktubre, 1964Sa ginoong una akong
sinamahang masdan ang ulap, Oras ng dapit-hapon kanina nang magkita tayong muli sa burol kung saan tayo palaging nagtatagpo. Sobrang tuwa na naman ang aking naramdaman nang sandaling magsalubong ang mata nating dalawa. Paglapit ko sa iyo ay inalalayan mo ang aking likod sa paghiga. Sabay nating pinanood kung paano gumalaw ang mga alapaap na 'sing tingkad ng kulay ng mga sampaguita. Sa mga tagpo na iyon ay nais ko na lamang patigilin ang oras upang mas humaba ang panahong magkatabi tayo sa ganoong klaseng pangyayari.
Habang nakahiga ay kung anu-anong kuwento ang ating pinagsaluhan. Maraming usapin tayong binuksan at nagbigayan ng pagkakataon upang maglahad ng opinyon ang bawat isa. Kay rami nating nalaman na pagkaka-iba nating dalawa nang mga oras na iyon. Nagbahagi tayo ng iba't ibang mga kwento at adhikain, mga pag-asa at pangarap. Napakagaan ng pakiramdam ko nang mga oras na iyon, halos lahat ay posible. Ngunit sa kabila ng pagkaka-iba natin ng mga opinyon ay hindi maipagkakaila ang pagkakapareho ng ating mga interes. Bukod sa kahiligan nating magbasa ng iba't ibang literatura ay pareho rin tayong nais na panoorin ang mga alapaap.
Maraming magkaka-ibang hugis tayong nabuo sa pamamagitan lamang ng panonood sa mga ito. Nariyan ang hugis ng puno, kubo, kahon at hindi mawawala roon ang hugis ng puso. Ang mga hugis na iyon ang nagsilbing manunulat ng isang kuwentong dadalhin tayo sa ibang lugar. Ang bawat pagsunod ng mga ulap sa hangin ay pawang sinusundan din ng aking mga mata. At ayon! Nang tingnan kita ay aking nahuli ang iyong mga matang nasa akin ang tingin. Lumawak ang ngiti mo at sinabi sa aking, "'Sing aliwalas ng mga alapaap ang iyong kagandahan." At ayon muli! Naroon na naman ang pagdagundong ng pusong parang nais ng kumawala sa aking dibdib.
Ang pangyayari kanina ay tila isang panaginip. Pakiramdam ko ay kaya kong sumulat sa higit pang isang pahina kung anong pakiramdam ang namutawi sa akin kanina. Gaya nga ng iyong sinabi ay napaka-maaliwalas ng kalangitan at tila ako ay nakatuklas ng panibagong daigdig. Kulay asul ang langit habang ang mga alapaap ay puting-puti. Hindi masakit sa mata ang kulay na iyon bagkus napaka-sarap pang tingnan niyon. Nais ko muling madama ang kapayapaang iyon, ngunit sa sumunod namang pagkakataon ay sa iyo ko na iyon nais maramdaman.
Salamat sa paglalaan ng oras upang ibahagi sa akin ang simple ngunit malalim na karanasan. Tinuruan ako nitong lalo pang palalimin ang aking imahinasyon at lumikha ng isang walang hanggang ekspresyon. Nagpapasalamat akong lubusan sa mga interes nating nagtutugma. Ang alapaap na iyon ang saksi kung paanong ang titig natin sa isa't isa ay mayroong malalim na pagpapakahulugan.
Lubusan natutuwa,
Taga-masid ng alapaap

BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Short Story[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...