Consolacion, Cebu
Ika-8 ng Abril, 1965Minamahal kong Maximo,
Ngayon na lang ulit ako nakapagsulat sa iyo matapos ang mahigit isang buwan, at ito na rin ang magiging huling sulat ko para sa iyo. Halos dalawang buwan na rin ang makalipas mula nang ibuhos ko ang lahat ng aking damdamin sa mga pahina ng papel na hawak ko, at ang tila presong nararamdaman ko sa iyo ay sa aking panulat lamang malayang dumadaloy. Ngunit ngayong ito na ang magsisilbing huling sulat, wala akong mahanap na salita upang maisulat ko lahat ng aking nararamdaman.
Hating-gabi na at heto pa rin ako, naka-upo sa harapan ng aking lamesa habang dinaramdam ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa bukas ng bintana ng aking silid. Ilang beses na akong nagpakawala ng mga malalim na buntong hininga ngunit hindi ko pa rin mahagilap ang mga salitang dapat kong isulat dito. Mabigat man sa loob ko, ngunit kailangan ko nang magpaalam sa iyo, mahal ko, dahil ang kapalaran ay ginawaran tayo ng isang malupit na kamay at ang ating oras na magkasama ay natapos na.
Halos hindi pa rin ako makapaniwala na ganito na ang nilalaman ng huling liham ko para sa iyo. Parang noong nakaraan lang ay nabubuhay lamang ang aking gabi sa iyong mga panghaharana. Napuno na tayo ng mga pag-asa at pangarap para sa ating kinabukasan na magkasama, ngunit ngayon ay nabasag na ang mga pangarap na iyon at ang dati nating maliwanag na kinabukasan ay naging madilim at mapanglaw na katotohanan.
Magmula nang unang gabing tumugtog ka at haranahin mo ako sa kabila ng galit ng aking ina, nakuha mo na ang loob ko. Ang araw-araw na pagbibigay mo sa aking ng rosas na pinitas mo pa sa halamanan ng iyong lola, ang pag-aabot sa pamilya ko ng bibingka nang sumapit ang Disyembre, ang araw-araw na paggawa mo ng tula, at ang pagligo natin sa ilalim ng ulan habang binabanggit ang mga katagang "Mahal kita.", lahat iyon ay tanda ko pa.
Sa aking pagbabalik-tanaw sa ating pinagsamahan, napupuno ako ng labis na pasasalamat. Ipinakita mo sa akin kung ano ang tunay na ibig sabihin ng magmahal at mahalin. Iminulat mo ang aking mata sa kagandahan ng pagmamahal. Dahil sa iyo at natutuhan kong pahalagahan ang bawat sandaling inilalaan natin nang magkasama. Lagi akong magpapasalamat sa pagmamahal at kaligayahang hatid mo sa buhay ko. Ngunit patawad, aking Maximo. Patawad kung hanggang dito ko na lang kayang ilaban ang pagmamahal na ito. Patawarin mo nawa ako kung maiisip man ng iyong puso na kulang ang ginawa ko.
Habang isinusulat ko ang parteng ito sa liham na ito, ako ay nagpapaalam sa lahat ng ating pinagsamahan. Hinahanap ko pa rin ang tamang salita na magdurugtong sa katotohanang kailangan mong malaman. Nadudurog ang puso ko na isipin ang buhay na wala ka sa tabi ko. Inaasahan kong tumanda kasama ka, upang bumuo ng isang tahanan, isang pamilya, at isang buhay ng magagandang alaala na magkasama. Ngunit may iba pang plano ang tadhana, at ngayon ay dapat kong bitawan ang mga pag-asa at pangarap na iyon. Ikakasal na ako sa iba, mahal ko.
Sana ay malaman mo na ang pagmamahal mo ang pinaka-masayang naramdaman ko sa lahat. Ikaw ang tunay na ibig sabihin ng kapayapaan. Sana balang araw, kapag nawala na ang sakit nitong paalam, babalikan mo ang ating pinagsamahan nang may pagmamahal. Palagi kang magkakaroon ng isang espesyal na lugar sa aking puso. Wala akong ibang hinihiling kung hindi ang maging malaya ang puso mo sa sakit. Tanging kaligayahan at pag-ibig sa iyong kinabukasan ang aking ninanais, at sana ay makahanap ka ng taong magmamahal sa iyo na kaya kang ipaglaban hanggang dulo. Sibukan ko naman, ngunit patawad kung hindi umabot ng dulo.
Paalam na, aking mahal. Palagi kong babaunin ang pagmamahal na ibinigay mo sa akin. Paumanhin kung hanggang dito na lang ang kinaya ko. Palagi mong pakatatandaan na minamahal kita nang lubos.
Nagmamahal,
Juanita

BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Nouvelles[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...