10 : Tala

46 7 0
                                        

Consolacion, Cebu
Ika-18 ng Nobyembre, 1964

Para sa ginoo na nais
sumungkit ng tala,

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Unang gabi kanina na magkasama tayong lumabas upang panoorin naman ang mga tala sa kalangitan. Ikaw naman ang nag-aya niyon sapagkat may nais ka kamong sabihin sa akin. Pinaunlakan ko ng iyong paanyaya at natagpuan ko na lamang ang aking sarili na kasama kang nakahiga sa gitna ng damuhan habang ang mga braso ay naka-angat at mga hintuturo ay naghahanap ng mga konstelasyon ng bituin. Alam mong palagi akong nabibighani sa kagandahang taglay nito dahil inusal ko sa iyo ang mga iyon ngunit ang iyong sinagot ay mga salitang pawang hindi ko inaasahan, "Hindi hamak na walang makapapantay sa kagandahan mong taglay, kahit ang mga bituing iyan. Ngunit kung iyong mamarapatin ay susungkitin ko ang mga talang iyan para sa iyo."

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Ang iyong ibinatid na pagsungkit ng mga bituin para sa akin ay hindi pangkaraniwang bagay dahil ngayon lamang may naglakas ng loob na tumuran ng ganoon sa akin. Muli, ang tibok ng akin puso ay tila hindi ko na naman ma-kontrol. Napaka-lakas niyon. Dahil sa iyong ibinatid ay muling nanumbalik sa akin ang aking ninanais noong bata pa lamang ako, ang maka-sungkit ng mga tala. Ngunit aking aaminin na kahit na may ganoong klase ako ng kagustuhan ay hindi ko maitago ang aking pangamba na baka ang talang iyon ay may ibang pangarap maliban sa masungkit sila.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Ang paraan ng pagniningning ng mga iyon sa kalangitan tuwing gabi ang laging bumibihag sa aking emosyon. Minsan ay sumasagi rin sa akin isipan kung ano ang nasa likod ng mga talang iyon. Sila ba ay pawang mga bagay nangangarap rin na masungkit lamang talaga kagaya ng iyong binatid sa akin? Isipin ko pa lang na iyon nga ay gagawin mo para sa akin ay hindi na ako makapaniwala. Ikaw, ikaw na nakatayo sa gitna ng kadiliman ng gabi, pilit na sinusungkit ang mga bagay na kumikinang sa kalangitan ay tila sa panaginip ko lang nakikita.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Kahit na nais kong sungkitin mo ang tala para sa akin ay hindi ko iyon ipagpapalit sa mga gabing tayo ay sabay na tumitig sa mga bituin, magkahawak-kamay, at namamangha sa kanilang kagandahan. Lalo pang nagkaroon ng malalim na kahulugan ang paninitig ko sa mga tala dahil sa gabing ating pinagsaluhan. Para sa akin, isa itong pangarap na magkatotoo. At mas mangangahulugan ang pagkaalam na ikaw ay nasa tabi ko, na nagbabahagi ng karanasang ito sa akin.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Gusto kong pasalamatan ka hindi lamang dahil sa iyong mabubuting salita at pangako, kung hindi pati na rin sa pagpaparamdam sa akin na ako ay espesyal at karapat-dapat sa gayong mga dakilang kilos. Ang iyong inusal ay talaga namang nakapagpa-antig ng aking puso. Mangyari lamang na ang mga talang ating sabay na pinagmasdan ay manatiling naroroon.

Nagpapasalamat,
Kasama mong magmasid ng tala

Lihim Na LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon