Consolacion, Cebu
Ika-14 ng Disyembre, 1964Para sa lalaki na gusto kong
makasama sa bawat oras Alam mo ba ang mitolohiya tungkol sa paghiling sa oras ng 11:11? Sabi kasi nila, kapag humiling ka sa kalaliman ng gabi habang ang oras ay nananatiling 11:11, matutupad ang anumang hilingin mo. Hindi ko man gustong gawin, ngunit nais ko pa ring subukan. Nais kong malaman at mapatotohanan kung totoo nga ba o haka-haka lamang ang lahat ng sinasabi ng mga tao ukol sa oras na iyon. Nais kong isugal ang aking mga kahilingan sa oras na iyon, kahit hindi tiyak ang kalalabasan niyon.
Habang kalaliman ng gabi, narito ako sa aming silid-kainan, inaantabayanan ang pagpatak ng oras kung kailan ako ay hihiling nang taimtim. Dama ko pa rin ang init ng iyong presensya sa malamig na gabi kahit wala ka sa aking tabi. Ang pag-iisip ko sa iyo ay ang pumupuno sa aking damdamin, araw man o gabi. Sa tuwing kumakatok ka sa aking isipan ay tila isa akong mirasol na nakatapat sa arawan; puno ng galak ang aking kalooban.
At ayon na nga, sa aking pagdungaw sa orasan na nasa dulo ng pasilyo ay nakita ko ang mga kamay nitong nakatutok sa oras na aking hinihintay. Habang sinusulat ko ang mga salitang ito, natagpuan ko na lamang ang aking sarili na ngumingiti dahil naalala ko ang pangalan mo. Nasumpungan ko na lamang ang aking sarili na nais ibahagi sa iyo ang bawat pagsikat at paglubog ng araw; ang bawat panandaliang sandali ng aking buhay kasama ka. Tila ba mas maliwanag, masigla, payapa, at maaliwalas ang mundo, kapag kasama kita. Ang ating mga pag-uusap, puno man ng tawanan o tahimik na pag-unawa, ay wari mga ritmo ng paggalaw ng mga kamay ng orasan, sigurado at banayad.
Bago magtapos ang oras na ito ay nais kong malaman mo na ang pakikinig mo sa akin nang walang halong panghuhusga ay lalong nagpapalalim ng aking nadarama sa iyo. Marahil ito na ang tinatawag nilang higit pa sa sapat at sa tingin ko'y nakatakda itong tumagal. Nais kong malaman mo na ikaw ang paraiso na nakapagpatahimik ng magulo kong mundo. Ikaw lamang ang ninanais kong tuklasin at unawain.
Asahan mo na hanggang sa mamuti ang kulay ng ating buhok ay magkasabay pa rin ang tibok ng ating mga puso. Hanggang sa panahong iyon, pahahalagahan ko ang ating bawat sandali, bawat bulong ng iyong boses, at iyong bawat tingin na nag-iisa sa mundong puno ng kaguluhan. Ikaw ang aking araw, ang aking buwan, ang aking mga bituin, at nais kong gugulin ang bawat pagsikat at paglubog ng araw at buwan kasama ka. Hangga't tumitibok ang ating mga puso, ikaw palagi ang laman ng aking hiling pagsapit ng oras na aking hinihintay.
Taimtim na nagbantay sa oras,
Aking pusong nagagalak

BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Nouvelles[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...