Consolacion, Cebu
Ika-26 ng Setyembre, 1964Para sa ginoong itinuring
ako na kaniyang tahanan, Kanina sa tabi ng batis ay nagkita tayo. Ako ang nagbigay ng paanyaya sa iyo bagkus napaka-bigat ng aking damdamin. May mga bagay akong kinikimkim na hindi ko mailabas dahil hindi ko nais na masabihan ng mababaw. Mula sa aking likod ay iniabot mo sa akin ang pumpon ng bulaklak na wari ko ay pinitas mo sa hardin ng iyong ate, at binanggit mo sa likuran ko ang mga katagang, "Pulang gumamela para sa aking tahanan. Hangad ko ang sigla sa iyong mga mata at nais kong galak lamang ang makita sa sandaling ikaw ay aking tingnan." Ang mga salitang iyon ang naglayon upang ang labi ko ay halos mapunit sa pagngiti. Tila biglang limot ko ang lahat ng bagyong nanatili sa aking isipan. Dahil sa mga salita mong iyon ay mayroon akong napagtanto.
Ngayon, nais ko namang maglaan ng sandali upang sabihin sa sulat na ito ang aking lubusang tuwa. Hindi ko inakalang magiging ganoon pala ang epekto mo sa aking buong pagkatao. Pakiramdam ko ay laging kalmado ang mundo at ikaw lang ang tanging kasama ko. Nang dumating ka sa aking buhay ay nagkaroon ng mga pagbabago ang emosyon ko. Hindi iyon agarang pagbabago, dahan-dahan iyon at tumatagos sa aking isipan ang tindi ng emosyon bawat araw na dumaraan. Ganoon kalakas ang iyong epekto sa akin. Kung ako ay itinuturing mo bilang isang tahanan, ikaw naman ay itinuturing kong aking kapayapaan.
Ikaw ang naging angkla ko, ang aking ligtas na kanlungan, ang aking kanlungan sa mga unos ng buhay. At dahil doon, ako ay nagpapasalamat magpakailanman. Itinuro mo sa akin ang tunay na kahulugan ng kapayapaan. Hindi mo ako hinusgahan anumang pagpapakita ko sa iyo ng aking kahinaan, hindi mo pinaramdam sa akin na ako ay isang pasanin. Bagkus, niyakap mo ako nang buong puso at palaging ipinararamdam sa akin na ako ay higit pa sa higit. Kahit sa sandaling iyon ay napawi ang ang aking lungkot. Ngunit, patawarin mo ako kung hindi ko pa masasabi sa iyo ang tunay na dahilan kung bakit ganoon ang pakiramdam ko. Balang araw, alam kong maiintindihan mo ako. Dahil hindi katulad nila, alam kong hindi mo kailanman ipararamdam sa akin na walang nakaiintindi sa nararamdaman ko.
Maraming salamat pala sa gumamelang iyong ibinigay kanina. Kasama ko iyon ngayon dito sa loob ng aking silid habang sinusulat ang liham kong ito. Maraming salamat sa yakap na bukal sa loob mong ibinigay. Sa mga sandaling iyon ay ramdam kong nasa mabuti akong kalagayan. Palagi kong babaunin iyon at iipunin ko ang lahat ng iyong ibinibigay sa akin. Maging ang iyong puso ay aking paka-iingatan, aking kapayapaan.
Lubos na nagpapasalamat,
Iyong tahanan

BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Short Story[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...