15 : Mata

36 7 1
                                        

Consolacion, Cebu
Ika-05 ng Enero, 1965

Para sa ginoong
nais kong pakatitigan,

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Matapos ng pagdaraos ng Bagong Taon, heto at kaarawan ko naman ang pinagdiriwang. Malaking salu-salo ito sapagkat iyon ang nais ng inay at itay. Marami ring imbitado kasama ang aking mga kaibigan, mga kamag-anak, at kaibigan ng aking magulang. Tahimik kong dinaramdam ang simoy ng hangin na nagmumula sa bintana ng aking silid. Tanglaw naman ng kalangitan ang buwan at mga bituin na nagsisilbing liwanag sa dilim. Habang panandaliang dinudungaw ang mga iyon ay hindi ko maiwasang isipin ang iyong mga mata.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Matingkad na itim ang kulay ng mga iyon at halos maging kulay na tsokolate na ito kapag tumatama sa kanila ang sinag ng araw. Kalmado iyon palagi at nananatiling kalmado pa rin kahit sa pinaka-nakakainis na sitwasyon na ibinibigay ko. Hindi mahirap tingnan ang mga ito minsan dahil wari'y tinatanggap ako nito sa loob ng malalim nitong pag-iisip. Ngunit minsan ay mahirap din itong titigan dahil lulunurin ka nito sa hindi malamang lalim at dahilan.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Ibig kong magkaroon din ng mga matang katulad ng sa iyo. Hindi man ordinaryo ang lalim na dinadala niyon, oras na masisid mo ay madali nang sabayan ang agos ng mga ito. Kailanman ay hindi ko pa rin nakikita ang mga luha mong tumulo roon. Ako, hindi ko na mabilang kung ilang beses umagos ang mga tubig galing sa aking mata. "Anak, si Ismael, ang anak ng kaibigan ko. Hangad kong magkamabutihan ang damdamin ninyong dalawa."

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Ang mga salitang iyon ng aking ina ang nag-udyok sa mga luha kong halos tumulo sa harap ng mga bisita. Pakiramdam ko ay nais sumabog ng aking utak dahil... anong ibig niyang sabihin? Anong mukha ang maihaharap ko sa iyo kung unti-unting nagbabago ang nais ng inay para sa akin? Paano ko pa maaatim na titigan ang mga mong ako lamang din ang nais tingnan kung ang aking inay na mismo ang nagsasabing pumikit na lamang? Hindi niya kayang sabihin iyon sa akin nang diretsahan, ngunit nararamdaman ko.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Sana katulad ng mga mata mo ang mga mata ng aking inay na kabutihan ang nakikita sa tao. Sa kaarawan kong ito, iyon lamang ang aking simpleng kahilingan. Nawa ay matupad sa lahat ng bukas ang aking mga sana, dahil hindi ko mawari kung ano ang aking gagawin sandaling ipaghiwalay tayo ng inay. Hindi ko lubos maisip na sa maraming bagay na puwede niyang makita sa iba, ang nais niya lamang pala ay pera at hindi ang intensyon at kabutihan. Sana ay makita ng inay ang lahat ng ginawa mo para sa akin at maging sapat iyon upang malaman kung gaano kalalim ang iyong pagmamahal.

Puno ng pighati,
Mga mata kong lumuluha

Lihim Na LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon