Consolacion, Cebu
Ika-14 ng Pebrero, 1965Para sa ginoong
nais kong alayan ng puso, Maligayang araw ng mga puso sa iyo, mahal ko. Ito ang unang beses na tinawag kita ng ganiyan sa aking liham dahil nais kong maranasan iyon. Masaya ako dahil sa wakas ay muli tayong nagkita sa burol kung saan tayo laging nagtatagpo. Hindi na bago sa akin na makita ang iyong maamong mukha, ngunit tila palagi pa rin akong nauubusan ng hininga sa tuwing makikita ko kung gaano ito kaganda. Ngunit, sa pagkikita nating iyon, hindi mo siguro inaasahan ang mga salitang aking sasabihin sa iyo. Ako man ay nagulat din dahil hindi ko naisip kailanman na tatapusin ko ang namamagitan sa atin.
Kanina ay inanyayahan kita sa burol na iyon. Suot ko ang bestidang niregalo mo sa akin noong kaarawan ko. Isang ngiti ang isinalubong mo sa akin habang ikaw ay paakyat at nang makarating ka sa aking harapan ay mabilis mo akong hinagkan. Mariin ang pagpikit ko niyon; pinipigilan ang aking mga luha na nag-uunahan sa pagpatak. Bumati ka sa akin ng maligayang araw ng mga puso at nag-abot ng pumpon ng bugambilya. Hindi ko alam kung paano sisimulan ang lahat kaya mabilis ang aking mga salitang sinabi na, "Tapusin na natin ito."
Ang araw na ito na siguro ang isa sa pinakamasakit na araw nating dalawa. Araw ng mga puso ngayon at layon sana nito na maghatid ng tuwa para sa dalawang taong nag-iibigan, ngunit pasensya na kung pasakit ang ibinigay ko sa iyo sa espesyal na araw na ito. Hating-gabi na naman, mahal ko. Iniisip mo kaya ako sa mga oras na ito? Umiiyak ka rin kaya kagaya ko? Sinusulatan mo pa rin kaya ako katulad ng ginagawa ko? At anong klaseng kapal ng mukha ang mayroon ako para isipin ang ganiyang mga bagay gayong sinaktan ko ang puso mo?
Ipagpaumanhin mo ang pagiging duwag ko sa lahat ng bagay, mahal ko. Alam kong mabigat ang damdamin mo sa mga oras na ito, ngunit wala akong ibang masabi malibam sa mga salitang paumanhin. Sa gitna ng madilim na gabi ay ikaw pa rin ang sumasagi sa aking isip. Ikaw pa rin ang tanging inaasam ng aking puso kahit dumating na ang araw na ika'y akin nang pinakawalan.
Ang pagtulo ng aking mga luha ay tuloy-tuloy na tila ba may sariling buhay ang mga ito. Ngunit ang mga luhang ito rin ang patunay kung paanong ang ating istoryang hindi pa nasisimulan ay natapos sa araw na dapat ay sasagutin kita. Ang bawat patak ng luha ko sa kapirasong papel na aking sinusulatan ay ang patunay ng aking hindi matatawarang pagmamahal sa iyo.
Nasa aking silid,
Puso kong lumuluha

BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Short Story[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...