Consolacion, Cebu
Ika-1 ng Pebrero, 1965Para sa ginoong nag-iisa
sa aking puso't isipan, Ilang linggo na ang makaraan mula nang umiwas ako sa iyo. Ang huli nating pagkikita ay noong malakas ang buhos ng ulan habang tayo ay sumasayaw sa ilalim niyon. Kay sarap balikan ang mga bagay na iyon, hindi ba? Iyong puno tayo ng mga masasayang alaala at walang kahit anong iniisip kung hindi tayo lamang dalawa. Araw-araw kong babaunin ang mga iyon. Kung paano natin sinubukang hulihin ang kiliti ng isa't isa at kung paano natin inalabas ang mga sarili natin sa gapos na matagal tayong ikinulong. Ang saya sa pakiramdam na muling maging malaya kasama ang taong iyong pinakamamahal.
Hindi ko mawari ang aking sarili kung bakit hanggang ngayon ay sumusulat pa rin ako ng mga liham para sa iyo kahit na alam kong malaki rin ang tiyansang hindi mo na ito mababasa pa. Nananabik akong makita ka ngunit pinipigilan ko ang aking sarili. Ang mga himig ng iyong boses ay naririnig ko sa tuwing pipikit ako. Ang iyong mga malamlam na mata ay palagi kong naaalala kapag paulit-ulit na binabasa ang inialay mong tula. Ikaw ang gumagawa ng ritmo na nag-aalab sa aking kaluluwa; ang himig na bumubulong sa aking mga hangarin na siyang may hawak ng susi ng aking pagtawa.
Ngunit ang kapalaran ay hindi pala palaging kabutihan ang dulot sa ating mga nararamdaman. Dahil minsan, kaya rin pala nitong maging pinakamasama sa atin. At iyon ang hindi ko maintindihan kung bakit. Nananakit ang aking puso sa tuwing iisipin ko ang bagay na iyon. Maaari bang hindi natin sila bati? Tila tadhana na mismo ang naghabi ng ating hinaharap na hindi tayo magkasamang tatanda. Mula noon ay hindi ko maisip ang kinabukasan na hindi ikaw ang aking kapiling. Hanggang dito na lamang ba?
Ang pangarap ko na makasama ka sa aking pagtanda ay tila naglaho na parang bula. Ang inaasam kong panghabang-buhay ay natigil sa isang iglap. Bakit ganito kalupit ang tadhana? Kung kailan ako'y hulog na hulog na ay saka tayo gagawaran ng isang pagkasakit-sakit at katotohanang mahirap tatnggapin?
Gayunpaman ay mananatiling ikaw ang aking sinisinta. Ikaw ang bawat salitang nais kong isulat, ang mga taludtod na hindi ako magsasawang basahin nang paulit-ulit. Ang pag-ibig ko para sa iyo ay palaging aalingawngaw sa isipan ko at kaluluwa. Ang bigat ng aking pagmamahal sa iyo ay hindi matutumbasan ng kahit anong numero. Ito ang pakatatandaan mo, ang buhay kong ito ay sa iyo ko lamang iaalay. Ikaw pa rin, ikaw lamang. Walang iba.
Tila nag-iisa,
Aking pakiramdam
YOU ARE READING
Lihim Na Liham
Historia Corta[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...