Consolacion, Cebu
Ika-24 ng Disyembre, 1964Para sa ginoong nagbigay
sa pamilya ko ng bibingka, Bisperas na ng Pasko at kauuwi ko lamang galing sa simbahan kasama ka. Hanggang ngayong ako'y naka-uwi na ay ramdam ko pa rin ang mainit mong yakap sa gitna ng malamig na simoy ng hangin. Ang aking puso ay sobra-sobra ang pasasalamat sa matiyagang pagsama na inilaan mo sa akin upang sabay nating tapusin ang makubuluhang paglalakbay ng Simbang Gabi. Sa loob ng siyam na banal na gabi ay nakita ko kung paanong ang lalaking pinakamamahal ko ay tahimik na nananalangin habang kasama ako.
Iyo pa bang naaalala ang simbahan kung saan natin kinumpleto ang Simbang Gabi? Iyon din ang simbahan kung saan tayo unang nagkita, at kung saan mo pinangako na ako ay pakakasalan. Ang iyong presensya sa aking tabi ay naghatid sa akin ng hindi maipaliwanag na galak. Ang mahalagang sandali ng mga panalangin sa loob ng simbahang iyon ay nagbigay sa akin ng kapayapaan. Tila ba pinaaalalahanan ako niyon na kahit saan ako magpunta, ang kasama ko ang susi sa katahimikan na palagi kong inaasam.
Sa paglabas ng banal na tahanang iyon ay ang kamay mo ang sumaklob sa aking mga palad. Sabay nating binagtas ang lugar kung saan naroroon ang iba't ibang mga kakanin na tuwing Pasko lamang pumapatok. Sa bawat paggala ng aking tingin ay pulos usok ng mga mababangong pagkain ang aking nakikita. Kasabay ng pagpasada ng ating mga paa sa kalsada ay ang pagtugtog ng mga awiting pampasko. Ang paligid ay puno ng iba't ibang himig, at ang mga tinig na iyon ay hindi malamig.
Ang sunod nating destinasyon ay ang tindahan ng bibingka. Ang maliit at kulay berdeng kubol na iyon ang palaging pinupuntahan ng aming pamilya kapag ganitong sasapit ang Pasko. Sa hindi malaman na dahilan ay bumili ka ng maraming bibingka at ngumiti sa akin nang pagkatamis-tamis. Marahil ay inaakala mong mahuhulog ako sa mga ganoong ngiti mo. Oo, hindi nagkakamali ang inakala mo. Nang sabay nating tahakin ang daan pauwi sa aming tahanan ay hindi ko maiwasang mapaisip kung bakit tila pinauulanan ako ng swerte.
Salamat daw pala sa bibingka na iniabot mo kanina sa inay at itay pagkahatid mo sa akin. Nagdulot iyon ng matinding galak sa aking kalooban lalo na nang mapagtanto kong wala man lang akong naramdamang nerbyos nang lapitan ka nila. Ang paboritong bibingka nila na iyon na marahil ang magdurugtong ng iyong kagustuhan sa hinahangad ng aking pamilya para sa akin. Tila alam mo kung paano hulihin ang kiliti nila dahil sa simpleng bibingka lamang abot langit na ang ngiti nila. Ilang oras na lamang at sasapit na ang Pasko. Paunang pagbati ng Maligayang Pasko sa iyo, ginoo.
Umaapaw ang tuwa,
Iyong kasamang magsimba

BINABASA MO ANG
Lihim Na Liham
Conto[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...