Consolacion, Cebu
Ika-25 ng Nobyembre, 1964Para sa ginoo na
aking minamahal, Hindi na bago ang pagsulat ko ng liham na ito. Kagaya ng mga naunang liham, puno lamang din ito ng aking mga saloobin at nararamdaman. Ngunit bago iyon, ako ay interesadong malaman din ang mga pangyayari sa iyong buhay, kung ano ang nararamdaman mo sa mga oras na ito, at kung nasa maayos ka bang kalagayan. Pang-ilang liham ko na ba itong isinulat at itinabi? Labin-dalawa. Mula noong gabing haranahin mo ako ay nagsimula akong sumulat ng liham para sa iyo, at hanggang ngayon ay patuloy ko pa ring sinusulatan ang lalaking bumihag ng aking puso.
Bumihag. Hindi ko alam kung matatawa ako o matutuwa sa ganitong pakiramdam dahil ito ang unang beses na makaramdam ako ng ganito. Tinuruan ako ng iyong tula na buksan ang aking kaalaman sa mga bagong salita at iugnay iyon sa aking nadarama. Kaya heto ako ngayon, sumusulat ng liham para sa unang lalaking aking minamahal. Nagagalak ang aking puso dahil sa iyo ko iyon natutuhan at hindi sa iba. Katulad ng iyong tula na nagbukas sa aking isip, ganoon din ang ginawa ng iyong pagmamahal sa aking puso.
Ang araw-araw na pagpaparamdam mo sa akin ng iyong pagmamahal ay ang nagsilbing daan upang lalo pang lumalim ang aking nararamdaman para sa iyo. Ang iyong gabi-gabing panghaharana ay palagi kong iniisip bago magpadala ang aking diwa sa antok. Ang iyong mga bulaklak na ibinibigay sa akin ay itinatabi ko o hindi kaya ay tinatanim sa aming hardin; palagi ko iyong inaalagaan at sinisigurado kong natatamaan iyon palagi ng sapat na sinag ng araw. Ang mga tulang iyong sinulat naman ay aking itinatabi sa aparador. Maging ang iyong mga pangako ay palagi kong binabaon sa aking isipan, upang kahit saan man ako magpunta, salita mo ang palagi kong naaalala.
Alam kong ang nararamdaman kong ito ay hindi mababaw. Dahil hindi ako patuloy na magsusulat ng ganito kung ang nararamdaman ko ay mababaw lamang. Hindi ako bigla na lamang ngingiti sa gitna ng kawalan, at hindi kita palaging maaalala kung mababaw lang itong aking nararamdaman. Hindi ko maiwasang hindi malungkot ngayong araw dahil hindi tayo nagkita. Hindi ko man lamang nasilayan ang kakisigan mong taglay. Ngunit kahit ganoon, ako ay nagagalak dahil sa wakas ay nasagot ko na rin ang kaisa-isang katanungan na matagal nang bumabagabag sa aking isipan.
Ano ba itong nadarama? Iyon ang palaging kong tanong sa tuwing ngingiti ako habang naaalala ka. Ngunit ngayon ay nahanap ko na ang kasagutan diyan. Natagpuan ko ang mga tamang salita upang isagot sa isang tanong na matagal akong ginulo. Tanging ang pagmamahal ko lamang sa iyo ang sagot sa tanong na iyan. Ngayon ko lamang napatotohanan ang aking nadarama; mahal na kita.
Nagagalak ang puso,
Nagmamahal sa iyo
YOU ARE READING
Lihim Na Liham
Storie brevi[An Epistolary: Completed] Madalas sabihin ng mga manunulat na kapag nakatanggap sila ng isang sulat, itatabi nila iyon sa madaling makita. Ngunit may mga tao rin na kapag nakatatanggap ng liham ay itinatago iyon sa lugar na hindi madaling tingnan u...