17 : Napagnilayan

3 0 0
                                    

Consolacion, Cebu
Ika-28 ng Enero, 1965

Para sa ginoong
aking pinangakuan,

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Magandang gabi sa iyo, ginoo. Hating-gabi na ngunit naririto pa rin ako sa aming hardin, hinahayaang tangayin ng hangin ang mga isiping bumabagabag sa akin. Kumusta ka? Ipagpaumanhin mo sana kung ilang beses ko nang hindi pinaunlakan ang iyong mga paanyaya. Nitong mga nagdaan kasi ay puno ng hindi mabilang na isipin ang aking buong araw. At ngayon ay gusto na nitong kumawala mula sa aking pagal na kaluluwa. Habang binabalot ako ng alingawngaw ng mga kuliglig ay hindi ko maiwasang usisain ang hardin. Narito pa rin ang ibang bulaklak na iyong binigay sa akin.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Hindi ko matagpuan ang mga salitang nararapat isaad sa liham na ito. Puno ako ng labis ng pangamba bagkus pasan ko na ito mula pa noong aking kaarawan. Pinipigilan ng takot ang aking boses, tinatali ang aking dila at pinatahimik ang mga sigaw na matagal nang nais kumawala. Napag-isip-isip kong dapat ko itong sabihin sa iyo nang personal ngunit hindi ko mahanap ang aking lakas ng loob. Bumubulong sa akin ang mga pangamba at pagdududa; hindi ko kaya. Mag-isa kong kinahaharap ang pagdurusang ito.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Hindi sinasadyang marinig ko ang pag-uusap ng inay at itay habang sila ay nasa kanilang silid dakong alas-tres ng hapon. Nais nilang... ipagkasundo ako sa Ismael na iyon. Buong buhay ko ay naging sunod-sunuran ako sa bawat sabihin nila at ngayon ay hindi ko alam ang aking gagawin. Naiipit ako kung nararapat ko bang sundin ang aking puso o hayaan na lamang sila sa nais nilang gawin. Binalikan ko ang mga alaala na kasama ka; mula sa iyong paghaharana hanggang sa ating pagsayaw sa ilalim ng ulan. Tunay ngang sa iyo lamang ako nakaramdam ng hindi mapapantayang kalayaan.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Kanina ay binasa ko ang aking mga liham na isinulat sa iyo at naagaw ng isang liham ang akin pansin. Nakasaad doon na nais kong ipabasa sa iyo ang mga sulat na ito oras na tayo ay maging iisa. Paano ko pa iyon magagawa kung hindi na iyon kailanman mangyayari pa? Siguro ay hahayaan ko na lamang ang mga liham na ito na maluma sa loob ng aking aparador. Wala na rin namang saysay kung iyo pang mababasa ang mga sulat kong ito bagkus hindi naman na mababago niyon ang kagustuhan nila para sa ating dalawa. Paumanhin muli, ngunit hindi ko sila maaaring biguin.

Madamdaming sumusulat,
Puso kong puno ng kasiphayuhan

Lihim Na LihamWhere stories live. Discover now