04 : Larawan

43 9 0
                                        

Consolacion, Cebu
Ika-19 ng Setyembre, 1964

Para sa ginoo na una
kong nakasama sa larawan,

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Maraming beses ng kumuha ng litrato ang aking pamilya. Isa-isa kaming lahat, at mayroon ding magkakasama. Maliban sa kanila ay wala na akong ibang tao na ginusto pang makasama sa larawan. Ngunit ikaw ang nagpabago sa akin ng nakasanayan kong iyon. Tila bago sa akin ang maliit na bagay na iyong pagyayaya na kumuha ng litrato nang tayong dalawa lamang. Sa ilalim ng puno ng aratilis kung saan tayo unang nagkita ay inanyayahan mo ako. Tayong dalawa lamang ang laman ng litratong iyon, magkatabi at naka-ngiti sa isa't isa. Ang iyong kamay ay nakalagay sa aking bawyang. Kasama natin ang puno ng aratilis, at pinaghalong kulay bughaw, dilaw, kahel at pulang kalangitan layon ng takip-silim.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Ang mga sandaling iyon ay naghatid sa akin ng kakaibang pakiramdam. Tila ako ay nakalutang sa mga ulap na kasing lambot ng mga unan, ang sarap makaranas ng ganoon. Malamang na walang ibang nakakaalam ng kahalagahan ng larawang iyon, ngunit para sa akin, iyon ang nagpapakita ng pagtingin natin sa isa't isa. Hindi ko pa man sinasabi sa iyo ang mga katagang gusto kita, ngunit sana ay nararamdaman mo iyon sa pamamagitan ng aking mga tingin, mga asal, at mga senyales. Mayroon kang isang espesyal na lugar sa aking puso at wari nawa ay iyo itong nakikita.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Sa iyo ko lamang naramdaman ito. Magmula sa ating unang pagkikita ay roon ko naramdaman ang ating tunay na koneksyon at ang pakiramdam na ligtas ako sa iyong tabi saan man tayo magtungo. Ang simpleng larawang iyon ay may malaking bahagi sa akin. Nais kong ipalagay ang litratong iyon sa lagayan ng mga larawan at isabit sa dingding ng aking silid. O kaya naman ay idikit iyon dito sa likod ng papel na sinusulatan ko sa mga oras na ito.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Habang kumukuha tayo ng litrato kanina sa burol na may puno ng aratilis, madaling dumaloy ang sigla at kagalakan sa pagitan natin. Hindi iyon kailanman naputol o kahit napalitan man lang ng hindi kanais-nais na pakiramdam. Laging nasa aking pakiramdam na ako ay isang prinsesa at ikaw ang aking prinsipe. Taglay ng isipin kong iyon ay ang pagtitig sa ating larawan, wari ay ito ang dahilan niyon. Ito ay isang simpleng sandali, ngunit isa sa lagi kong pahahalagahan.

‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎ ‎‎ ‎ ‎ ‎ ‎Nagpapasalamat ako sa mga sandaling nangyari iyon. Ikinagagalak kong nakatabi ko ang aking minamahal ng ginoo sa isang larawan. Ang araw na ito ay lagi kong pakatatandaan hanggang sa ating huling pagsasama. Maaaring hindi mo alam ang epekto mo sa akin noon, ngunit ngayon alam mo na. Lagi kong hahawakan ang alaalang iyon na malapit sa aking puso, at lagi akong magpapasalamat sa iyo sa pagpapakita sa akin na mayroon pa ring makapagpaparanas sa akin ng ganitong klaseng pakiramdam.

Taos-pusong nagagalak,
Kasama mo sa larawan

Lihim Na LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon